- BULGAR
- Nov 15, 2022
ni GA /VA - @Sports | November 15, 2022

Kinumpleto ng Gilas Pilipinas ang pangwawalis sa dalawang katunggali sa fifth window ng FIBA World Cup Asian qualifiers matapos pataubin ang Saudi Arabia sa iskor na 76-63 kahapon ng madaling araw sa King Abdullah Sports City sa Jeddah.
Nakabawi sa kanyang nagdaang laro si Dwight Ramos nang tumikada ng 13 puntos, 4 assists at 3 rebounds, na naging pangunahing arsenal sa opensa ng Gilas laban sa pisikal na laro ng Saudi Arabia.
Hindi man naulit ng Gilas ang pananambak nito sa Saudi Arabia sa unang 4th window na ginanap sa MOA Arena na nagtapos sa 84-46 kasunod ng malupit na laro ni Fil-Am at Utah Jazz guard Jordan Clarkson, matagumpay nitong napagwagian ang 2 laro kontra 35th ranked Jordan noong Biyernes at sa Arabo.
Naging malaking bagay si Roger Pogoy na tumapos ng 13pts, 4 rebounds at isang steal, habang ang 7-foot-2 center na si Kai Zachary Sotto ay may 11 pts, 9 rebounds, 5 blocks, 2 assists at isang steal gayundin si CJ Perez na may 10pts at 4 rebounds.
Nagpamalas din ng husay si Scottie Thompson sa 9 na puntos at 9 rebounds, habang nagdagdag si Bobby Ray Parks ng 8 puntos, 6 rebounds at tig-iisang assist, steal at block. “Well, first of all, kudos to the Saudi national team. I thought they played hard and came in with a very good game plan. We expected it,” wika ni Gilas head coach Chot Reyes.
Matapos makuha ang dalawang panalo, umangat sa 5-3 kartada ang Gilas Pilipinas na sunod na makakatapat sa sixth window sa Pebrero sa 2023 ang Lebanon at Jordan, habang bumagsak sa 2-6 rekord ang Saudi sa Group E.








