- BULGAR
- Nov 25, 2022
ni GA /VA - @Sports | November 25, 2022

Nagwakas na ang pinakamahabang record winning streak sa kasaysayan ng University Athletic Association of the Philippines.
Naputol ang 108-game winning streak ng National University Lady Bulldogs nang gapiin sila ng De La Salle University,61-57 sa overtime sa pagpapatuloy ng second round ng UAAP Season 85 Women's Basketball Tournament sa UST Quadricentennial Pavilion sa Manila.
Ang kabiguan ang una rin ng NU ngayong season matapos ipanalo ang unang 12 nilang laban. Huli silang natalo noong Oktubre 5,2013 sa kamay din ng De La Salle Lady Archers ,69-61 sa Game 3 ng Seàson 76 finals.
Nang sumunod na taon, 2014 nagsimula ang kanilang record winning run hanggang magkamit sila ng anim na titulo. Nanguna sa nasabing panalo ng Lady Archers si Fina Tchuido na nagposte ng 14 puntos, 19 rebounds at 2 steals.
Ang panalo ang ikapitong sunod na panalo para sa La Salle na nag-angat sa kanila sa markang 11-2 at nagpalakas ng tsansang magkamit ng twice-to- beat-incentive sa semifinals. Dahil sa kabiguan ng NU, tiyak na ang pagkakaroon ng Final 4 round na huling nairaos noong Season 76.
Samantala, mas pinalawig pa ng DLSU Green Archers ang winning streak nito sa tatlo kasunod ng mainit na laro ni Penny Estacio para talunin ang Final 4-bound na NU Bulldogs, habang nakabawi ang defending champion UP Fighting Maroons nang kawawain ang kulelat na Santo Tomas Growling Tigers, 78-60, sa magkasunod na laro ng quadruple-header ng UAAP men’s basketball tournament sa MOA Arena sa Pasay City noong Miyerkules ng hapon.
Mas lalo pang pinag-igihan ng DLSU ang kanilang laro upang umangat sa 6-6 kartada para sa solo 4th place, habang bumagsak naman sa 9-4 marka ang NU Bulldogs na naputol ang apat na sunod na panalo.







