- BULGAR
- Sep 25, 2023
ni VA @Sports | September 24, 2023

Nagpatuloy sa kanilang pamamayagpag ang Gilas Pilipinas Boys’ Under-16 team sa ginaganap na 2023 FIBA U16 Asian Championship matapos iposte ang come-from-behind 64-59 na panalo kontra Japan sa quarterfinals kahapon ng umaga-Sabado, Setyembre 23 (Manila time) sa Doha, Qatar.
Dahil sa panalo, pasok na ang mga kabataang Pinoy sa FIBA U17 World Cup na gaganapin sa Turkey sa 2024 sa bisa ng kanilang top four finish sa torneo Kasama ang China, New Zealand, at Australia na siyang makakatunggali nila sa semifinals.
Pagkaraang malimitahan sa kanyang tournament-low na 11 puntos noong Biyernes kung saan tinalo nila ang Korea, muling nanguna ang second-generation player na si Kieffer Alas para sa Gilas Boys nang magposte ito ng bagong tournament-best na 29 puntos bukod pa sa 9 na rebounds at 3 assists.
Naiiwan ng 10 puntos matapos ang first half, 25-35, nag-init si Alas, bunsong kapatid ng PBA star na si Kevin Alas sa third canto kung nagsalansan ito ng 14 puntos para maagaw ang pangingibabaw sa Japan, 46-45 papasok ng final period.
Nagtala si Alas ng 4-of-5 clip sa field at solong maungusan ang koponan ng Japan sa busluan,14-10.
Naging dikdikan ang laban ng dalawang koponan sa 4th quarter at nakalalamang pa Japan, bago nag- takeover ang big man na si Bonn Daja na nag-deliver ng back-to-back baskets sa endgame para sa itala ang final score na 64-59.
Si Joaquin Ludovice na umiskor ng 25 puntos kontra Korea ay tumapos na may 11 puntos kasunod si Kurt Velasquez na may 10 puntos at si Daja na may 6 na puntos.
Nakatakdang sagupain ng Gilas Boys ang Australia ngayong alas-12:30 ng madaling araw-Setyembre 24,-Linggo (Manila time).






