top of page
Search

ni Ronalyn Seminiano Reonico | November 17, 2020




Umakyat na sa 73 ang bilang ng mga namatay sa Bagyong Ulysses, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).


Sa Region 2, naitala ang 24 bilang ng mga nasawi; 17 sa Calabarzon; 10 sa Cordillera Administrative Region; walo sa Metro Manila; 8 din sa Bicol Region; at 6 sa Central Luzon.


Sugatan ang 24 katao at nawawala ang 19 mula sa Regions 2, 5, CAR, Calabarzon at Metro Manila.


Ayon naman sa NDRRMC, ibeberipika pa nila ang naiulat na bilang ng mga sugatan at nawawala.


Tinatayang aabot naman sa P2.7 billion ang agricultural damage na naidulot ng Bagyong Ulysses at P5.2 billion infrastructure damage.


Ayon sa NDRRMC, hindi pa rin madadaanan ang 73 road sections at 55 tulay dahil sa baha, mudflow, landslide at pag-apaw ng ilog.

 
 

ni Lolet Abania | November 16, 2020




Nagdeklara ng mga suspensiyon ng klase sa lungsod, ilang paaralan at unibersidad dahil sa pinsalang idinulot ng Bagyong Ulysses.


Una nang nag-anunsiyo kagabi ang Pasig City at Quezon City na walang pasok mula pre-school hanggang senior high school ngayong araw at bukas. Ipatutupad naman ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) ang “academic freeze” sa lahat ng kanilang eskuwelahan sa buong bansa, mula November 16 hanggang November 27.

Suspendido ang klase sa Bulacan sa lahat ng antas sa mga pampubliko at pribadong eskuwelahan ngayong Lunes, November 16.


Ilang unibersidad din sa Metro Manila ang mananatiling suspendido simula November 16 hanggang November 21, kabilang ang synchronous at asynchronous classes ng Ateneo de Manila University at University of Santo Tomas (UST).


Mula November 16 hanggang November 21, suspendido ang klase ng lahat ng synchronous at asynchronous pati na rin ang pagsusumite ng mga course requirements sa University of the Philippines (UP).


Mula November 16 hanggang November 21, suspended ang synchronous at asynchronous classes sa Far Eastern University High School.


Mula November 16 hanggang November 21, suspendido ang lahat ng synchronous classes sa University of the East, kabilang ang Graduate School at College of Law.


Nag-abiso naman ang De La Salle University sa lahat ng mag-aaral at guro na magkakaroon ng extension sa pagsusumite ng mga requirements.


Samantala, ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG), maaari pa ring magsuspinde ng klase ang mga lokal na pamahalaan kahit pa online o distance learning ang pag-aaral at ang kasalukuyang ipinatutupad na work-from-home.

 
 

ni Thea Janica Teh | November 16, 2020




Nagsalita na si Tuguegarao Mayor Jefferson Soriano ngayong Lunes tungkol sa pagdiriwang ng kanyang kaarawan sa Batangas kasama ang pamilya habang hinahagupit ng Bagyong Ulysses ang kanilang lugar.


Ayon kay Soriano, sakto lamang ang kanyang dating sa probinsiya upang magsagawa ng rescue operation.


Aniya, "Ang protocol po ru'n, kung under storm signal, ‘di po kami aalis. Sinunod ko po ang protocol ng local government code na magpaalam ka kung aalis ka and everything."


Dagdag pa nito, noong na-monitor nito na tumataas na ang tubig sa Bunton Bridge na kanilang pinaka-barometer, nagpasya na itong umuwi noong Nobyembre 12.


Ngunit, hindi ito makauwi dahil baha sa NLEX at sa iba pang madaraanan, kaya naman nakauwi lamang siya nu'ng Biyernes nang umaga.


"I left Manila nu'ng November 13 nang umaga, alas-tres (ng madaling-araw). I reached Tuguegarao in the afternoon in time for rescue kasi 'yun na ang kasagsagan ng flooding dito sa Tuguegarao. Humihingi ako ng dispensa sa problema na 'yun," kuwento ni Soriano.


Sa ngayon ay kinakailangan ng mga residente ng Tuguegarao ng malinis na maiinom at makakain. Tinatayang nasa 34,000 pamilya o 118,000 indibidwal ang naapektuhan ng mabilisang pagbaha.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page