top of page
Search

ni Mylene Alfonso @News | July 14, 2023




Inaasahan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., na makalilikha ng 3,000 bagong trabaho at pakikinabangan ng 800,000 mananakay kada araw sa sandaling matapos ang pagpapatayo ng South Commuter Railway Project (SCRP) sa taong 2029.


Ang SCRP ay bahagi ng North-South Commuter Railway (NSCR) System, isang major railway project na nag-uugnay mula sa Pampanga, Bulacan, Metro Manila at Laguna.


“I am also happy to note that we are anticipating the generation of approximately 3,000 jobs once civil works for these sections begin,” wika ni Marcos sa kanyang talumpati makaraang saksihan ang paglagda sa Contract Packages S-01, S-03A, at S-03C sa Palasyo kahapon.


"With the signing of these three contract packages that cover a total of around 14.9 kilometers of at-grade and railway viaduct structures, we will be a step closer to our goal of serving around 800,000 commuters daily by 2029," ani Marcos.


Sa pinagsamang gastos na mahigit P52 bilyon, sakop ng civic contract packages ang 14.9 kilometro na elevated at ground-level na mga riles, kabilang ang anim na bagong istasyon ng tren na itatayo sa Blumentritt, Buendia, EDSA, Senate, Bicutan, at Sucat.


Habang ang ibang istasyon ay ikokonekta naman sa iba pang rail systems kabilang dito ang pagpapatayo ng elevated pedestrian connection sa mga kasalukuyang istasyon ng tren tulad ng Blumentritt Station sa LRT 1 at EDSA Station kasama ang MRT 3 Magallanes Station.


Nabatid na itatayo ang Senate Station malapit sa Senate Subway Station at ang Bicutan Station ay gagamitin naman ang platform na nasa Bicutan Subway Station.


Matatandaang sinuspinde ang operasyon ng Philippine National Railways nang limang taon upang bigyang-daan ang pagtatayo ng NSCR.


Pinasalamatan ni Marcos ang Asian Development Bank (ADB) at Japan International Cooperation Agency (JICA) upang maisakatuparan ang nasabing proyekto.


 
 

ni Madel Moratillo | June 8, 2023




Hindi umano puwedeng manghuli, mag-impound at mag-dispose ng kolorum na sasakyan ang Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB).


Ito ang nakasaad sa legal na opinyon ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, kung saan nakasaad na ang maaari lamang gawin ng LTFRB ay makipag-ugnayan sa ibang ahensya ng pamahalaan para sa paghuli ng mga kolorum na sasakyan.


Ang legal opinion ay inilabas ng Department of Justice (DOJ) matapos humingi ng paglilinaw si noo’y Transportation Sec. Arthur Tugade hinggil sa kung sakop ba ng hurisdiksyon ng LTFRB ang paghuli ng mga kolorum na sasakyan.


Puwede lang umanong manghuli ang LTFRB ng kolorum kung binigyan siya ng kapangyarihan ng Land Transportation Office (LTO) o ng Philippine National Police (PNP).


Batay aniya sa nakasaad sa Republic Act 4136, o ang Land Transportation and Traffic Code na inamyendahan ng RA 6975, o Department of the Interior and Local Government Act of 1990, tanging ang LTO at PNP lamang ang maaaring magsagawa ng enforcement pagdating sa mga traffic rules at hindi kasama ang LTFRB.


Hindi rin umano puwedeng gamitin ng LTFRB ang kanilang Joint Administrative Order para magkaroon enforcement power maliban na lamang kung may nakasaad sa batas.


 
 

ni Mylene Alfonso | May 24, 2023




Malaking ginhawa umano sa mga mananakay kung maipapasa ang Motorcycle Taxi Law dahil makahihikayat ito sa pagpasok ng kumpanya ng motorcycle taxi na magbibigay sa mga komyuter ng opsyon para sa pampublikong transportasyon.


“Grab believes that a well-regulated and inclusive framework for motorcycle taxis in the Philippines can bring significant benefits,” pahayag ni Grab Senior Executive Vice President Lim Yew Heng sa joint hearing ng Senate committee on Public Services at Local Government na pinamumunuan ni Sen. Grace Poe.


Sa kasalukuyan, tatlong kumpanya ng motocycle taxi na bahagi ng pilot program ang pinayagang magbiyahe sa Metro Manila sa ilalim ng provisional authority na inisyu ng Department of Transportation (DOTr).


Ang tatlong kumpanya ay Angkas, Joyride at Move it.


Ang Angkas, ang pinakamalaking kumpanya ng taxi company na may 30,000 rider at bumubuo ng 50 porsyento ng market share.


Nauna nang hiniling ng Angkas na harangin ang pagpasok ng dalawang iba pang kumpanya noong Enero 2020 nang maghain sila ng petisyon sa Quezon City court na mag-isyu ng 72-hour temporary restraining order laban sa pagpapatupad ng isang polisya sa pagpayag sa pagsama sa Joyride at Move It sa extended pilot program ng DOTr para sa motorcycle taxis.


Sa kanilang petisyon, kinuwestiyon ng Angkas ang cap sa bilang ng pinayagang biker gayundin ang pagsama sa Joyride at Move it sa pilot program para sa motorcycle taxis na inilagay sa technical working group ng DOTr.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page