top of page
Search

ni Thea Janica Teh - @Bulgarific | September 18, 2020




Hello, Bulgarians! Sinisigurado ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na patuloy na makukuha ng mga miyembro at qualified dependents nito ang mga prebilehiyong ipinagkakaloob ng ahensiya sa panahon ng kalamidad.


Sa paglagda ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Bayanihan to Recover As One Act (Bayanihan 2), patuloy na isinailalim sa state of national emergency ang bansa dahil sa epekto ng COVID-19 lalo na sa ekonomiya.


Kabilang sa mga espesyal na probisyon na ipagpapatuloy ay ang exemption sa 45-days limit para sa admission o 90-sessions limit kada taon para sa mga nagda-dialysis basta’t may rekomendasyon ng doktor.


Kaya naman, nananawagan ang PhilHealth sa lahat ng accredited facilities nito sa buong bansa na tiyaking maipagkakaloob sa mga pasyente ang kanilang benepisyo, mapa-confinement man o outpatient tulad ng dialysis.


Ang lahat naman ng pasyenteng nagbayad ng kanilang hospital bill o dialysis session na lampas na sa itinakdang 45 araw o 90 session ay pinapayuhang mag-file ng kanilang claims sa alinmang Local Health Insurance Office sa loob ng 120 araw matapos ma-discharge/session. Ang extended na filing period na ito ay bahagi rin ng pribilehiyo ngayong may kalamidad na magtatagal hanggang Disyembre 19, 2020.


Para sa iba pang katanungan maaaring bumisita sa pinakamalapit na local health insurance office sa inyong lugar o tumawag sa 24/7 Action Center sa 84417442. Maaari ring mag-email sa actioncenter@philhealth.gov.ph, mag-text sa 09178987442 o mag-post ng komento sa aming Facebook page, PhilHealth Official.

 
 

ni Thea Janica Teh | September 18, 2020





Posible na ring mahawa ng COVID-19 virus ang mga aso't pusa. Ito ay ayon sa inilabas na pag-aaral ng mga beterinaryo sa Canada ngayong Biyernes, Setyembre 18.


Ang bagong Coronavirus ay “zoonotic” infection kung saan maaaring mahawa ng isang taong may COVID-19 ang kanilang alaga.


Sa inilabas na pag-aaral ng mga veterinary science experts sa Canada, isinailalim sa test ang mga alagang hayop ng mga taong nagpositibo sa COVID-19.


Kumuha sila ng swab test sa 17 pusa, 18 aso at isa sa ferret na ang mga amo ay nagpositibo sa virus sa loob ng 2 linggo at lumabas sa resulta na negatibo naman ang mga ito.


Ngunit nang isinailalim sa blood antibody test ang 8 pusa at 10 aso na ang amo ay nakatapos na sa 2-week quarantine, lumabas sa resulta na nagpositibo ang 4 pusa sa IgG (50%) at 3 pusa sa IgM (38%), habang 2 aso ang nagpositibo rin sa test.


Ang lahat ng mga nagpositibong pusa at aso ay nakitaan ng ilang sintomas tulad ng respiratory illness na naramdaman kasabay ng kanilang amo.


Sabi ng isa sa mga author ng pag-aaral at professor ng Veterinary Pathology sa University of Guelph sa Ontario na si Dorothee Bienzle, mababa lamang ang rate ng human transmission ngunit lumabas sa kanilang pag-aaral na maaari pa ring makuha ng mga alagang hayop sa bahay ang virus at maaaring maka-develop ng antibody.


Ayon naman sa European Society of Clinical Microbiology and Infectious Diseases Conference, maliit lamang ang kinuhang sample kaya naman hindi pa ito sapat na ebidensiya upang mapatunayan na mahahawa ang mga hayop sa tao.


Samantala, ilang aso at pusa sa Europe at US ang nagpositibo rin sa virus at noong Abril, nagpositibo rin ang isang tigre sa Bronx Zoo sa New York na posibleng nahawa sa caretaker nitong asymptomatic.

 
 

ni Thea Janica Teh | September 15, 2020



Pumanaw na nitong Lunes, Setyembre 14, si Cynthia Barker, ang kauna-unahang Pinay mayor sa Hertsmere sa Hertfordshire, England sa edad na 58.


Sa Facebook post na inilabas ng kanyang kapatid na si Gene Alcantara, inanunsiyo nito na pumanaw na dahil sa malubhang sakit ang The Worshipful Hertsmere Mayor Councilor na si Cynthia Barker.


Aniya, "We will be issuing further information in due course, but may we ask please to respect the family's privacy at this very difficult time. Your prayers for the repose of her soul would however be welcome."


Gumawa ng kasaysayan si Barker nang hirangin itong kauna-unahang Pinay mayor sa England. Siya ay naging town councilor sa Elstree at Borehamwood at borough councilor sa Potters Bar mula May 2015 hanggang May 2019.


Siya ay nanungkulan muli sa Hertsmere bilang representative ng Borehamwood Kenilworth ward noong May 2019 sa ilalim ng Conservative Party.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page