top of page
Search

ni Thea Janica Teh | September 20, 2020





Naniniwala ang mga PBA players at coaches na malaki ang maiaambag ng pagpapatayo ng New Manila International Airport sa Bulacan upang mai-promote ang turismo ng sports sa bansa.


Una nang binigyan ng prangkisa ang San Miguel Corp. (SMC) unit, Miguel Aerocity Inc. sa pagpapatayo at pag-operate ng New Manila International Airport sa loob ng 50 taon maliban pa sa 10 taong pagpaplano ng disenyo at pagpapatayo. Ito ay may budget na P734 bilyon at itatayo sa Bulakan, Bulacan.


Ayon kay Jonas Villanueva na coach ng Bataan Risers sa Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) at residente ng Bocaue, Bulacan, malaki umano itong tulong sa industriya ng sports dahil malapit din ito sa Philippine Sports Arena na itinuturing na pinakamalaking sports venue sa bansa.


Dagdag pa ni Villanueva, maaari na umanong mag-host ang Pilipinas ng major local at international sporting events.


Si Billy Mamaril na player ng San Miguel Beer sa PBA ay natutuwa rin sa planong ito dahil aniya, “Having an airport in Central Luzon will boost all sectors. Sports and sports entertainment in general will be elevated because the ease of traveling by air will be easier.”


Sumang-ayon din dito ang coach ng Magnolia Hotshots Pambansang Manok na si Chito Victolero dahil makatutulong umano ito sa pagtaas ng ekonomiya hindi lang ng Bulacan kundi ng buong bansa at maaari pang paglunsaran ng mga sports program at sports facility.


Bukod pa rito, inaasahan din na makapagbibigay ng trabaho ang airport sa milyun-milyong Pinoy pagdating sa pagpapatayo at sa mismong operasyon. Sa pagbubukas nito, maaari nitong ma-handle ang halos 100 milyong turista kada taon.

 
 

ni Thea Janica Teh | September 20, 2020





Isang explosive material ang natagpuan ng mga awtoridad sa Jolo, Sulu nitong Sabado, Setyembre 19 kung saan din naganap ang dalawang pagsabog dahil sa suicide bomber noong nakaraang buwan.


Ayon sa Armed Forces of the Philippines- Western Mindanao Command (WestMinCom), nadiskubre ng Philippine Coast Guard ang isang set ng inabandonang materyal na ginagamit sa paggawa ng bomba tulad ng 2 electric blasting caps, rifle grenade, spark plug at ilang concrete nails sa Barangay Walled City sa pagitan ng Harbor Master at Maritime Police Office.


Kaya naman agad na ipinasara ng 35th Infantry Battalion ang bahagi ng barangay kung saan ito natagpuan at pinuntahan ng Explosive Ordinance Disposal Team of Sulu Provincial Police Office at Jolo Municipal Police Station upang kumpirmahin.


Binigyang-papuri ni Brig. Gen. William Gonzales, JTF Sulu Commander ang mga sundalo sa ginawang aksiyon. Aniya, “You saved the lives of the innocent people and foiled this terroristic activity of our heartless enemies.”


Sinisigurado naman ni Lt. Gen, Corleto Vinluan, Jr., WestMinCom Commander na mas pinaigting nito ang seguridad at nakikipagtulungan sila sa pulis at security agency upang maiwasan ang muling pag-atake ng mga terorista.


Una nang kinilalang mastermind sa pagsabog noong nakaraang buwan ang grupo ng Abu Sayyaf na pinangungunahan ni Mundi Sawadjaan. Kaya naman magbibigay ng P6 milyong pabuya ang awtoridad sa kung sinuman ang makapagbibigay ng impormasyon kung nasaan si Sawadjaan at iba pang suspek.

 
 

ni Thea Janica Teh - @Bulgarific | September 19, 2020




Hello, Bulgarians! 9 na estudyante ang nakatanggap ng laptop mula sa Prestone Philippines, isa sa mga nangungunang innovator ng coolant at brake fluid na kasama sa kanilang Anak Ng Mekaniko Scholarship Program.


Dahil sa COVID-19 pandemic, minabuti ng Department of Education na gawing online class sa darating na school year upang maiwasan ang pagkalat ng virus. Kaya naman, isa ang laptop sa mga kailangan ng mga estudyante sa panahon ngayon.


Ayon kay Monique Gonzales, Brand Manager ng Prestone Philippines, three years ago, nangako sila sa 9 na iskolar ng Prestone na tutulungan nila ito upang maabot ang kanilang mga pangarap. Sa ganitong sitwasyon, mas prayoridad ang kaligtasan at kalusugan ng lahat kaya naman minabuti nilang magbigay ng laptop na magagamit nila sa kanilang distance learning.


Bukod sa laptop, handog din sa programa ng Prestone ang additional benefits kasama ang tuition para sa 4-year course at allowance. Sa pakikipagtulungan sa J&T Express, naipamahagi na ang mga laptop sa 9 na iskolar na nag-aaral sa STI Colleges.


“As a delivery service provider, J&T Express believes in the power of “Bayanihan.” May this simple act of helping Prestone deliver these important learning tools inspire the nine Anak ng Mekaniko scholars as they journey towards their academic success despite the current challenges posed by the pandemic,” sabi ni Zoe Chi, Vice President ng J&T Express Philippines.


Kinilala ang siyam na iskolar na sina Edmajea Aguinaldo mula sa Makati City, Anna Dela Cruz at Harvey Plazo mula sa Camarines Sur, Christian Diamante mula sa Misamis Oriental, Aulinda Buban at Keith Perez mula sa Antipolo City, Joselito Peñada mula sa Leyte, Melver Masangkay mula sa Batangas at Jaime Abesamis mula sa Davao City.


Nagsimulang maghanap ng iskolar ang Prestone noong 2017 bilang pagbabalik-tanaw sa mga local auto mechanics sa buong bansa.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page