top of page
Search

ni Thea Janica Teh | October 6, 2020





Tinatayang aabot sa 9 na oras sa balat ang Coronavirus, ayon sa inilabas na bagong pag-aaral ng mga researchers sa US.


Para maiwasan na mahawa ang mga volunteers, isinagawa ng mga researchers ang lab experiment gamit ang cadaver skin o balat ng patay na idino-donate para sa medical use.


Napag-alaman na ang influenza A virus ay tumatagal lamang nang 2 oras habang ang Coronavirus ay tumagal nang 9 na oras.


Ngunit napag-alamang tuluyang mamamatay ang virus matapos ang 15 segundo kung gagamit ng hand sanitizer na may 80 percent alcohol.


Kaya naman inirerekomenda ng US Centers for Disease Control and Prevention na gumamit ng hand sanitizer na may 60-95% alcohol o maghugas ng kamay at sabunin nang hanggang 20 segundo.


Nauna nang inilabas sa pag-aaral na malaki ang porsiyento na nakukuha ang COVID-19 sa aerosol at droplets. Kaya, pinaalalahanan ng mga researchers mula sa Clinical Infectious Diseases na “Proper hand hygiene is important to prevent the spread of SARS-CoV-2 infections.”

 
 

ni Thea Janica Teh | October 6, 2020





Humingi ng pasensiya si Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Gregorio Honasan ngayong Martes matapos sabihin na hindi na masama ang internet speed na 3 to 7 mbps ng bansa.


Sa pagpapatuloy ng deliberasyon ng budget ng DICT, halos P7.4 bilyon ang proposed budget na isinusumite para sa taong 2021. Ayon kay Honasan, ito ay makatutulong umano para mas mapabilis pa ang internet speed sa bansa.


Aniya, “I apologize. I should have really said, it is not yet that good, but we are trying to improve it. Based on global surveys, we are not doing that good yet, but we are not doing that bad. We are somewhere in the middle.”


Dagdag pa ni Honasan, hindi sapat ang P2.7 bilyon para sa Free Public Internet Access Fund sa taong 2021 mula sa Spectrum Users Fees na kinokolekta ng National Telecommunications Commission (NTC).


Isa na ang internet connection sa pinakakinakailangan sa Pilipinas lalo na ngayong pandemya upang maipagpatuloy ang mga negosyo at pag-aaral ng mga estudyante.

Bukod pa rito, sinabi rin ni Honasan na nahihirapan pa itong kumbinsihin ang pamahalaan para paglaanan ng pondo ang DICT.


Parang bigas ito. Is this a supply problem? Bakit may nabubulok na bigas sa bodega? Fiscal space will never be enough. A lot of agencies are competing for limited resources, but we can redistribute and prioritize allocation to ICT in its rightful place, we have a chance at improving our fiscal situation,” ani Honasan.

 
 

ni Thea Janica Teh | October 5, 2020





Inilabas na nitong Linggo ng Department of Education (DepEd) ang guidelines para sa grading at assessment system ng mga estudyante at bagong school calendar ngayong taon.


Ayon sa Department Order No. 30 na may petsang Oktubre 2 ngunit isinapubliko nitong Linggo, magsisimula ang School Year 2020-2021 ngayong araw, Oktubre 5, at magtatapos sa Hunyo 11, 2021.


Magkakaroon din ng Christmas break simula Disyembre 19 hanggang Enero 3, 2021.


Para naman sa grading at assessment ng mga estudyante, tuloy pa rin ang mga quizzes, long tests at unit exams.


Bukod pa rito, magkakaroon pa rin ng performance-based task ng skill demonstration, group presentation, oral work, multimedia presentation at research project.


Samantala, hinihikayat ng DepEd na gamitin din ng mga pribadong paaralan, technical and vocational institute at higher education institute ang inilabas na assessment at grading guidelines.


Ngayong panahon ng pandemya, ipinatupad ang distance learning upang patuloy na makapag-aral ang mga estudyante sa kani-kanilang tahanan gamit ang printed at digital modules at online class.


Sa School Year 2020-2021, umabot sa 24 milyong estudyante ang nakapag-enrol sa basic education at 22.5 milyon dito ay mula sa public school.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page