- BULGAR
- Oct 6, 2020
ni Thea Janica Teh | October 6, 2020

Isa ang patay at 9 ang sugatan matapos araruhin ng isang sasakyan ang mga kasabay nito sa kalsada sa Barangay Upper Bicutan, Taguig City ngayong Martes.
Ayon sa Taguig City police chief na si Colonel Celso Rodriguez, ang namatay ay si Christian Dalisay, samantala, dinala naman ang iba pang nasugatan sa Taguig-Pateros Hospital.
“'Yung iba naman, hindi nasaktan kasi sila 'yung nasa pinakalikuran, kasi kung titingnan natin, sunud-sunod kasi, medyo traffic doon sa lugar kaya lang, parang nagkaroon ng domino effect,” sabi ni Rodriguez.
Labing-apat na sasakyan kabilang ang 5 kotse, 1 bisikleta at 8 motorsiklo ang nakasama sa insidente.
Kinilala naman ang suspek na si Conrad Frank Toledo, isang company driver, na bagama't hindi naman daw lasing, nakatingin umano ito sa cellphone habang nagmamaneho na naging dahilan ng aksidente.
Sinubukan pa umanong tumakas ni Toledo ngunit naging sanhi na naman ito ng pagbangga sa iba pang motorsiklo.
Sa ngayon, hawak na ng awtoridad ang suspek at nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in multiple injuries with multiple damage to property at homicide.






