- BULGAR
- Nov 2, 2020
ni Thea Janica Teh | November 2, 2020

Umakyat na sa 16 katao ang naitalang namatay dahil sa bagyong Rolly, ayon sa Office of Civil Defense V (OCD V) ngayong Lunes.
Sa inilabas na update ng OCD V, sampu rito ay mula sa Albay (Daraga, 1; Guinobatan, 3; Malinao, 2; Oas, 1; Polangui, 1; Tabaco City, 2) habang ang anim naman ay mula sa Catanduanes (Gigmoto, 1; Virac, 4; San Miguel, 1).
Ang tatlong naitala sa Guinobatan ay patuloy pa ring pinaghahanap ng mga awtoridad.
Bukod pa rito, sinabi rin ng OCD V na may kabuuang 96,887 pamilya o 372,381 indibidwal ang lubos na naapektuhan at inilikas sa buong rehiyon ng Bicol.
Tinataya ring umabot sa 76,176 kabahayan sa Bicol ang nasira ng bagyong Rolly.
Ilang tulay at kalsada rin mula sa 10 munisipalidad sa Albay at 29 munisipalidad at 186 barangay sa Camarines Sur ang hindi pa madaanan hanggang ngayon dahil sa baha.
Samantala, ibinahagi naman ng Department of Agriculture sa Region V na may kabuuang P694,366,305.89 ang halaga ng napinsala ng bagyo sa buong Bicol region.
Sinabi naman sa Laging Handa press briefing ni Albay Governor Al Francis Bichara na patuloy pa rin ang assessment ng awtoridad sa pinsalang naidulot ng bagyo sa probinsiya.
May mga ilang lugar pa rin umano sa probinsiya na walang kuryente at inaasahang matatagalan pa bago muling maibalik.






