top of page
Search

ni Thea Janica Teh | November 16, 2020




Nagsalita na si Tuguegarao Mayor Jefferson Soriano ngayong Lunes tungkol sa pagdiriwang ng kanyang kaarawan sa Batangas kasama ang pamilya habang hinahagupit ng Bagyong Ulysses ang kanilang lugar.


Ayon kay Soriano, sakto lamang ang kanyang dating sa probinsiya upang magsagawa ng rescue operation.


Aniya, "Ang protocol po ru'n, kung under storm signal, ‘di po kami aalis. Sinunod ko po ang protocol ng local government code na magpaalam ka kung aalis ka and everything."


Dagdag pa nito, noong na-monitor nito na tumataas na ang tubig sa Bunton Bridge na kanilang pinaka-barometer, nagpasya na itong umuwi noong Nobyembre 12.


Ngunit, hindi ito makauwi dahil baha sa NLEX at sa iba pang madaraanan, kaya naman nakauwi lamang siya nu'ng Biyernes nang umaga.


"I left Manila nu'ng November 13 nang umaga, alas-tres (ng madaling-araw). I reached Tuguegarao in the afternoon in time for rescue kasi 'yun na ang kasagsagan ng flooding dito sa Tuguegarao. Humihingi ako ng dispensa sa problema na 'yun," kuwento ni Soriano.


Sa ngayon ay kinakailangan ng mga residente ng Tuguegarao ng malinis na maiinom at makakain. Tinatayang nasa 34,000 pamilya o 118,000 indibidwal ang naapektuhan ng mabilisang pagbaha.

 
 

ni Thea Janica Teh - @Bulgarific | November 14, 2020




Nasa 32 katao na ang naitalang nasawi ngayong Sabado dahil sa Bagyong Ulysses, habang 22 katao naman ang naitalang nasugatan at 20 pa ang nawawala ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Spokesperson Mark Timbal.


Sa 32 nasawi, 15 dito ay mula sa Region II, 6 mula sa Calabarzon, 5 sa Region V at 6 sa Cordillera Administrative Region (CAR).


Samantala, sa 22 nasugatan, 3 dito ang mula sa Region III, 9 mula sa Calabarzon, 8 sa Region V at 2 sa CAR.


Sa 20 nawawala, 3 ang pinaghahanap sa Region III, 9 sa Calabarzon, 8 sa Region V at 5 sa CAR.


Tinataya namang may kabuuang P968 milyong halaga ng agrikultura ang nasira sa Region I, II, III, V, Calabarzon at CAR.


Nasa P253 milyong halaga naman ang nasira sa imprastraktura sa Region I at MIMAROPA.


Umabot naman sa 3,013 kabahayan ang nasira sa Region I at CAR.


Ayon kay Office of Civil Defense Region II Information Officer Michael Conag, ang sanhi ng mabilisang pagtaas ng baha ay ulan na dala ng Bagyong Ulysses at pagpapakawala ng tubig sa Magat Dam.


Ngunit, ipinaliwanag na hindi lang ito ang mga sanhi kung bakit tumataas ang baha sa Cagayan. Sinabing nanggagaling din ang tubig-baha sa matataas na lugar tulad ng Isabela at Nueva Vizcaya.

 
 

ni Thea Janica Teh - @Bulgarific | November 14, 2020




Umabot sa 3,700 personnel ang ipinadala ngayong Sabado sa Cagayan at Isabela upang ma-rescue ang mga residenteng na-stranded sa kani-kanilang bahay at bubong, ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) spokesperson Mark Timbal.


Aniya, “We have 3,776 personnel deployed and conducting SRR (search, rescue and retrieval) to support the LGUs. This morning PCG air assets had been prepared to conduct aerial inspections as well as support SRR.”


Dagdag pa nito, fake news ang kumalat sa social media kagabi na isang rescue team lang ang naka-deploy sa Cagayan.


Ito ang mga sumusunod na rescue teams na naka-deploy ngayon sa Cagayan at Isabela:


Mula sa Armed Forces of the Philippines:

Philippine Army 5th Infantry Division: 289 personnel (regional deployment)

Philippine Marines: 141 personnel (Cagayan deployment)

Philippine Air Force TOG2: 15 Wasar trained personnel (Isabela)

Philippine Coast Guard (PCG): 5 teams na binubuo ng 35 personnel na-deploy sa Tuguegarao City, Cagayan at Tumauini, Isabela


Mula sa Philippine National Police:

1,087 police officers na nakapuwesto sa lahat ng local government units (LGUs) ng rehiyon, Regional HQ

24 personnel sa Tuguegarao City

2nd PMC - 16 personnel sa Sanchez Mira

RSSF, 880 personnel


Mula sa Bureau of Fire Protection (BFP):

1,260 personnel na naka-deploy sa lahat ng LGUs ng Region 2 kasama ang 28 EMS at SRU personnel sa regional center.


Samantala, nasa 276 indibidwal sa Cagayan at Isabela na ang na-rescue ng PCG ngayong Sabado nang umaga.


Ayon kay Cagayan Governor Manuel Mamba nitong Biyernes, nasa 156 barangay sa Cagayan ang baha dahil sa Bagyong Ulysses.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page