top of page
Search

ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | Dec. 7, 2024



Photo: Arjo Atayde - Instagram


Sa pelikulang Bagman pa lamang ay kinakitaan na ng husay at galing sa pag-arte si Arjo Atayde, marami ang hindi nag-akala na kakayanin niya ang mahihirap at challenging roles dahil tahimik lamang siya.


Sa pelikula noon ni Bossing Vic Sotto, siya ang aming unang napanood, at doon sila nagkakilala ni Maine Mendoza na ngayon ay wifey na niya. Nakita namin kay Arjo ang mga katangiang taglay nina Rudy Fernandez at Ace Vergel. Basta sa mga action movies, nagmamarka noon sina Daboy at Alas (Ace Vergel).


At sa pelikulang Topakk, mas lumutang ang husay ni Arjo Atayde bilang isang aktor.


Ang Topakk movie ay umani rin ng pagkilala at hinangaan nang ipalabas sa Cannes Festival, Locarno, at maging sa Austin, Texas. Ito ay mula sa direksyon ni Richard Somes. Powerhouse ang casting ng Topakk dahil bukod kina Arjo Atayde at Julia Montes, kasama rin sina Sid Lucero, Enchong Dee, Kokoy de Santos, Paolo Paraiso, Bernard Palanca, Vin Abrenica, Maureen Mauricio, atbp.


Kasama ang Topakk sa darating na MMFF 2024, kaya naman all-out sa pagpo-promote si Sylvia Sanchez na isa sa producers ng Topakk sa ilalim ng Nathan Studios, Fusee, at Strawdogs Productions.


Kaya ‘di kumandidato… ATTY. PERSIDA, ‘DI PA NAKITA ANG SIGNS SA PAGTAKBONG SENADOR



Marami ang nagtataka kung bakit hindi tumakbong senador si PAO Chief Persida R. Acosta


Marami ang nagtataka at nagtatanong kung bakit hindi raw tumakbong Senador si PAO Chief Persida R. Acosta para sa midterm election?! Maganda naman ang naging performance niya sa Public Attorney’s Office (PAO) at pasok din siya sa ratings ng survey ng mga senatoriables. Maaari rin siyang tumakbong Congresswoman sa kanyang distrito kung gugustuhin niya.  


Pero, sabi nga ni Atty. Acosta, hindi niya nakikita ang mga signs na hinahanap niya upang lakukin niya ang mundo ng pulitika. Besides, ang gulo-gulo raw ngayon nito, kaya mas minabuti niyang tapusin na muna ang kanyang misyon sa PAO. Baka raw sa 2028 election na siya pumalaot sa pulitika.


Maglilingkod at itutuloy na muna niya ang pagtulong sa mga taong nangangailangan ng legal assistance ng PAO. Mas nag-e-enjoy raw si Atty. Persida sa showbiz ngayon. May guest role siya sa seryeng Lilet Matias: Attorney at Law at gumanap siya bilang isang Judge. Natural na natural na kay Atty. Persida ang kanyang role, at effortless ang kanyang acting.  


Puring-puri naman niya ang bida sa Lilet Matias na si Jo Berry, napakagaling daw nitong umarte Nagpapaabot din ng pasasalamat si Atty. Acosta sa GMA Network sa pagkuha sa kanya na mag-guest sa teleserye.



BY profession, isang fashion designer at veterinary doctor ang singer/dancer na si Megan Marie, na nakasama ng Magic Voyz sa kanilang concert sa Viva Café. Si Megan Marie ang gumagawa ng mga outfits ng Magic Voyz tuwing may concert ang P-pop band.  


Dito na-discover ni Lito de Guzman si Megan Marie. Magaling kumanta at sumayaw si Megan kaya pinapirma na rin siya ni De Guzman ng kontrata. Guest na siya lagi tuwing may shows at concert ang Magic Voyz.  


Likas ang hilig ni Megan sa pagkanta at pagsasayaw, kaya idol na idol niya ang Pop Royalty na si Sarah Geronimo. Nagsikap siya upang mapansin ang kanyang talento.


Maraming natutunan si Megan Marie sa choreography ng Magic Voyz at nakakasabay naman siya kapag nagpe-perform ang sumisikat na boy band.


Well, todo-tanggi si Megan Marie sa tsikang boyfriend niya ang isa sa bumubuo ng Magic Voyz. Puro kaibigan daw niya ang mga ito.


 
 

ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | Dec. 6, 2024



Photo: Maris Racal - ABSCBN / YT


Dahil sa ibinunyag ng ex-GF ni Anthony Jennings na si Jamela Villanueva tungkol sa umano’y pang-aagaw ni Maris Racal sa boyfriend-live-in partner niya, bina-bash ngayon ang Kapamilya actress. 


Durog na durog at sira ang imahe ni Maris, at kung anu-ano pang masasakit na salita ang natanggap niya mula sa mga netizens na tinawag siyang "malandi", "anaconda" at kung anu-ano pa.


Pitong taon naging magkarelasyon si Anthony at ang non-showbiz GF niyang si Jamela. Napaniwala raw siya ni Anthony na ang pagiging sweet nila ni Maris ay para lang sa kanilang career at binibigyan lang ni Anthony ng moral support si Maris dahil kabe-break lang nito kay Rico Blanco.


Pero nang makita ni Jamela ang convo nina Anthony at Maris sa cellphone ng nobyo, nakumpirma ni Jamela na totohanan nga ang relasyon ng dalawa at hindi pang-camera lang. 


Ayon sa mga kumakalat na ebidensiya, June 28 pa raw may relasyon ang dalawa nang magpunta sila sa Paris.


Well, makakatulong kaya sa action-serye na Incognito at sa MMFF entry na The Breadwinner ang kontrobersiya ngayon kina Maris Racal at Anthony Jennings?  


Kahit laos na raw bilang singer… REGINE, NASALO ANG MGA ENDORSEMENTS NI KRIS



Bago pa siya bansagang “laos” ng mga netizens, si Regine Velasquez na mismo ang nagsabing tapos na ang kanyang panahon sa music scene. Hindi na raw siya tulad ng dati na namamayagpag sa recording at concert scene. 


Tanggap na niya sa kanyang sarili na marami na ang mas bata, mas magaling at

mas sikat na singers na bagong hinahangaan-iniidolo ng mga GenZ.  


Maluwag sa dibdib ni Regine ang totoo na hindi na siya gaanong in demand sa mga concerts at shows abroad. Ngayon ay pa-guest-guest na lang siya sa concert ng ibang artists/singers.


Pero nag-react ang mga fans ng Asia’s Songbird dahil masyado raw inapi sa billing si Regine sa poster ng isang concert, kung saan kasama niya ang ibang guest singers. 


Nasa ibaba na nga ang kanyang pangalan, maliit pa ang ginamit na picture. Hindi man lang daw binigyan ng respeto si Regine na mahigit 20 years nang sumikat sa showbiz.  


Ganunpaman, may fallback naman ang career ng Asia’s Songbird dahil mabenta siya sa mga product endorsements. Sa kanya napunta ang mga dating endorsements ni Kris Aquino.



NAKAKATUWA at kakaiba pala ang first date ni Rochelle Pangilinan at ng kanyang mister na si Arthur Solinap. 


Nagyaya raw mag-dinner si Arthur kay Rochelle pagkatapos ng taping ng Daisy Siete (DS) na sa Tagaytay ang location.  


Hindi in-expect ni Arthur na isasama ni Rochelle ang lahat ng Sexbomb Girls, kasama ang manager nilang si Joy Cancio.


Anyway, doon naman napatunayan at nasubok ni Rochelle na sincere si Arthur sa kanyang panliligaw, kaya naging magkasintahan sila at nauwi sa pagpapakasal. May isang anak na sila ngayon.


Samantala, magkakaroon ng reunion concert ang Sexbomb Girls, at inaasahan na magkikita-kitang muli at mabubuo ang Sexbomb sa pangunguna nina Rochelle, Jopay Paguia, Mia, atbp.. 


Matagal ding nanabik ang mga fans at gustong makita muli ang Sexbomb Girls na mag-perform. 


Si Rochelle ay nag-switch sa acting nang magpahinga ang Sexbomb Girls, at marami ang pumuri sa husay ng kanyang pagganap sa Pulang Araw (PA). Napaka-intense ng kanyang ginampanang role, at nagmarka 'yun sa mga viewers.

 
 

ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | Dec. 5, 2024



Photo: Kathryn Bernardo - IG


Overwhelming ang tagumpay ng Hello, Love, Again (HLA), na nagtala ng kitang P1.4 billion at patuloy na pinapanood ng marami. Dahil dito, may plano na raw para sa part 3 ng KathDen movie. 


Ayon sa ilang psychics, magtatagumpay pa rin ang tambalan nina Kathryn Bernardo at Alden Richards sa takilya.  


Gayunpaman, mukhang may ibang plano si Kathryn para sa kanyang career sa 2025. Gusto niyang mag-solo muna at tumanggap ng mas mature na roles, pahinga sa tambalan nila ni Alden Richards. 


Sinasang-ayunan naman ito ng ilang movie critics na naniniwalang makakatulong ito upang mag-level-up ang pagiging aktres ni Kathryn.  


Bagama’t malulungkot ang KathDen fans sa pansamantalang paghihiwalay nila ni Alden, inaasahan naman ng marami na magtatagumpay pa rin si Kathryn sa kanyang bagong yugto bilang solo artist.  



PUMAYAG ang Superstar at National Artist na si Nora Aunor na magkaroon ng cameo role sa musical version ng Himala, na isa sa mga entries sa darating na Metro Manila Film Festival (MMFF) 2024. 


Ang script ay isinulat ng National Artist na si Ricky Lee, dahilan kung bakit napa-oo si Aunor sa proyekto.  


Ang orihinal na pelikulang Himala ay kinilala hindi lang sa Pilipinas kundi maging sa ibang bansa at nanalo ng maraming parangal. Dahil sa iconic status nito, nagkaroon ng musical version na tiyak na aabangan ng mga Noranians at moviegoers.  


Maraming nagtatanong kung ano ang magiging papel ni Nora Aunor sa pelikula, na inaasahang magiging isa sa pinakamalaking highlights ng MMFF 2024.



DALAWAMPU’T limang taon nang bahagi ng GMA Network si Arnold Clavio, kaya naman muli siyang pinapirma ng kontrata at mananatiling Kapuso. 


Bukod sa mga programang Unang Hirit (UH) at Saksi, marami na siyang nagawang proyekto sa network. Mayroon din siyang daily radio program sa DZBB.  


Isa si Arnold sa pinakamasisipag na news anchors/hosts ng GMA. Subalit, pinapayuhan siya ng kanyang mga kaibigan at mga fans na maghinay-hinay muna sa trabaho, lalo’t minsan na siyang inatake at naospital nang ilang buwan. Mahalaga ang kanyang kalusugan, kaya kailangan niya itong ingatan.  


Si Arnold ay naging mentee ng yumaong veteran news anchor na si Mike Enriquez (SLN), na marami raw naituro sa kanya noong sila’y magkatrabaho. Dahil dito, lubos siyang nagpapasalamat sa naging impluwensiya ni Mike sa kanyang career.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page