top of page
Search

ni Maeng Santos | June 21, 2023



ree

Isang binatilyo na may comorbidities ang nasawi habang 24 iba pa ang naospital matapos makaranas ng hirap sa paghinga dahil sa pagtagas ng ammonia sa isang cold storage facility sa Navotas City, kamakalawa ng gabi.


Alas-10:50 ng Lunes ng gabi nang maganap ang insidente ng ammonia leak sa Icy Point Cold Storage sa Bgy. Northbay Boulevard North kaya agad na lumikas ang mga residenteng nakatira malapit sa lugar habang alas-12:06 naman ng hatinggabi nang sinundan ng pagsiklab ng sunog sa kalapit na mga kabahayan.


Agad rumesponde sa naturang lugar ang City DRRMO-Joint Rescue Team, BFP-Navotas, at mga fire volunteer para pagtulungan na mapigilan ang pagtagas ng ammonia at apulahin ang apoy.


Nagtungo rin sa lugar si Cong. Toby Tiangco, kasama si Vice Mayor Tito Sanchez at Chief NCDRRMO Vonne Villanueva para i-monitor ang insidente at magbigay ng tulong sa apektadong mga pamilya.


Ayon sa Navotas City Public Information Office, ala-1:42 ng Martes ng madaling-araw nang ma-secure ng joint rescue team ang control valve para tumigil ang pagtagas ng ammonia habang ala-1:57 ng madaling-araw nang idineklarang fireout ng BFP ang sunog.


Matapos nito, nag-uwian na sa kani-kanilang bahay ang mga residente habang isinugod naman ang 24 katao, kabilang ang 11 menor-de-edad sa Navotas City Hospital (NCH) at Tondo Medical Center (TMC).


Isinugod din sa MCU hospital ang 16-anyos na binatilyo subalit, namatay din ito kalaunan dahil sa kakapusan ng hininga dulot ng ammonia inhalation habang ayon sa huling ulat ay dalawang pasyente na lang ang nanatili sa NCH.


Iniutos naman ng Pamahalaang Lungsod ng Navotas sa pamumuno ni Mayor John Rey Tiangco ang pansamantalang pagsasara ng Icy Point Cold Storage habang nakabinbin ang imbestigasyon na isasagawa ng BFP-Navotas, City Health Office, Sanidad, City Environment & Natural Resources Office, at Business Permits and Licensing Office.


Nagtalaga rin ang pamahalaang lungsod ng mga health workers at naka-standby na ambulansya sa lugar para magbigay ng agarang pangangalagang medikal, kung kinakailangan.


 
 

ni Gina Pleñago | June 3, 2023



ree

Tinatayang aabot sa halagang P40 milyon ang nilamon ng apoy sa sunog sa stock room ng isang sangay ng Mercury Drug, kahapon ng umaga sa Parañaque City.


Ilang katabing establisimyento ang nadamay kabilang ang isang computer shop, tanggapan ng isang security agency at pahayagang Brigada, isang boutique at maging ang bahagi ng Land Transportation Office (LTO).


Ikinuwento ng guwardiyang si Raymund Tojong, alas-8:30 ng umaga nang mawalan umano ng supply ng kuryente sa binabantayang drug store sa Olivarez Plaza sa Ninoy Aquino Ave., Bgy. San Dionisio, Sucat. Pinuntahan niya ang generator ng naturang

establisimyento upang ito’y paandarin,


Makalipas lamang ang ilang minuto ay bigla na lamang aniyang nagliyab ang kuryente malapit sa generator hanggang sa tumawid na ang apoy patungo sa stock room area kaya’t agad niyang iniligtas ang ilan niyang mga mahahalagang gamit.


Base sa ulat ng BFP na nakarating sa tanggapan ni Southern Police District (SPD) Director P/Brig. Gen. Kirby John Kraft, alas-10:25 ng umaga nang makontrol ng mga pamatay-sunog ang apoy na umabot sa ikatlong alarma hanggang tuluyang naapula ala-1:35 ng hapon.


Patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon ang Parañaque Bureau of Fire Protection (BFP) sa ilalim ng pangangasiwa ni Fire Marshal Supt. Eduardo Loon upang alamin ang dahilan ng pagsiklab ng apoy.


Wala namang iniulat na nasawi o nasugatan sa naturang sunog.


 
 

ni Mylene Alfonso, Mai Ancheta at Alvin Fidelson | May 23, 2023



ree

Pito katao ang nasugatan matapos masunog ang halos 100 taon nang gusali ng Philippine Postal Corporation-Manila Central Office na nasa Liwasang Bonifacio, Magallanes Drive, Ermita, Maynila.


Batay sa inisyal na ulat ng Manila Bureau of Fire Protection (BFP), alas-11:43 ng hatinggabi nang magsimula ang sunog sa Philpost na umabot sa general alarm at idineklarang fire under control alas-7:22 ng umaga.


Sa ulat, nagsimula umano ang sunog sa basement ng gusali at agad na umakyat hanggang sa ikaapat na palapag ng gusali.


Kabilang sa mga nasugatan ang limang BFP firemen na sina FO2 Joel Libutan, FO1 Carlo Abrenica, SFO2 Julio Erlanda, FO2 Jeremy Roque at FO1 Josaphat Araña sanhi ng mga paso sa katawan.


Gayundin, nagkaroon ng sugat sa kaliwang kamay ang fire volunteer na si Toto Doslin at Elaine Dacoycoy, 16, na nagtamo ng bali sa katawan.


Tinaya ng BFP na nasa P300 milyon ang halaga ng napinsalang ari-arian.


Nasunog din ang mga parcel at sulat habang ang mga files at documents ay nasa cloud storage o naka-save online.


Papalitan naman ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang mga Philippine Identification cards na nasunog.


Batay sa inisyal na impormasyong ibinigay ng PHLPost, tanging PhilIDs ng mga taga-lungsod ng Maynila ang naapektuhan ng sunog, at inaalam na kung ilan ang mga ito.


Hindi kasama sa nasunog ang PhilIDs na ide-deliver sa ibang mga lugar dahil ang mga ito ay nakaimbak sa Central Mail Exchange Center ng PHLPost sa Pasay City.


Kaugnay nito, nanghihinayang at nalulungkot si Postmaster General Luis D. Carlos sa insidente.


“Masusi po kaming nakikipag-ugnayan sa Bureau of Fire Protection sa posibleng sanhi ng sunog na tumupok sa gusali ng MCPO”, ani PMG Carlos.


Ayon kay Carlos, pinapayuhan nila ang kanilang mga kliyente sa Manila Central Post Office na sa halip ay pumunta sa kanilang sangay sa Maynila, Ermita Post Office at Metro Manila.


Sinisiguro nila sa publiko na bukas pa rin at tuloy ang serbisyo ng Post Office sa buong bansa upang tumanggap at maghatid ng sulat at parsela.


Siniguro naman na maghahanap sila agad ng temporary office at ililipat muna ang kanilang mga kartero mula sa Manila Central Post Office papunta sa kanilang mga karatig na sangay sa Maynila.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page