top of page
Search

ni Dominic Santos (OJT) @Life & Style | Mar. 14, 2025



Graphic: Si Hidilyn Diaz, ang kauna-unahang Pinay na nag-uwi ng gintong medalya sa ‘Pinas, mula sa women’s 55kg category for weightlifting noong 2020 Tokyo Olympics


Sa mundo ng prestihiyosong palaro na Olympics, ang paggamit ng lakas at giting ng mga manlalaro sa iba’t ibang bansa kabilang na ang Pilipinas ay puhunan ng bawat isa sa kanila. Ito rin ang kadalasang deskripsyon na ginagamit para ilarawan naman ang mga kalalakihan sa buong mundo sa matagal na panahon.


Sa halos 10 dekada o 100 taon mula nang lumahok ang ating bansa sa Olympics, kasabay ng mahabang panahon ng paghihintay upang makamit ang medalya, may nag-iisang indibidwal na nagpakita ng katatagan at kahusayan para tuluyang maiuwi ang karangalan sa larangan ng weightlifting.


Katulad ng ginagawa at pinanggagalingan ng lakas ni Captain Barbell, isang karakter mula sa Filipino komiks na sumikat noong dekada 60, ang weightlifting ay isang sport kung saan nagbubuhat ng barbel ang bawat manlalaro.


Makalipas ang higit anim na dekada, kasabay din ng kasikatan ni Captain Barbell, dahil sa taglay na lakas at determinasyon umugong ang pangalang Hidilyn Diaz, ang kauna-unahang Pinay na nag-uwi ng gintong medalya sa ‘Pinas, mula sa women’s 55kg category for weightlifting noong 2020 Tokyo Olympics.


Isang natatanging babae, na sa mundo ng palakasan kung saan madalas na ibinibida ay mga kalalakihan, si Hidilyn ay nagbigay ng karangalan sa bansa at nakilala sa buong mundo sa pamamagitan ng pagbubuhat ng barbel.


Maihahalintulad din natin si Hidilyn kay Darna na isang superhero dahil sa angkin niyang lakas para maging kampeonato at kapangyarihan na maging tanyag sa iba’t ibang panig ng mundo.


Bagama’t hindi man kagaya ng kuwento ng buhay ni Captain Barbell na isang ulilang basurero, lumaki sa isang payak na pamumuhay mula sa maliit na bayan ng Zamboanga, anak ng magsasaka at tricycle driver si Hidilyn Diaz.


Sa murang edad pa lamang ay nakitaan na siya ng potensyal sa weightlifting ng kanyang mga pinsan dahil na rin sa brusko niyang pangangatawan kahit na isa siyang babae.


Mula sa mga gawa-gawang barbel lang, na nagpapatunay ng kanyang humble beginnings, sinimulan ni Hidilyn ang pag-eensayo sa weightlifting at nagpapatuloy din sa kasalukuyan.


Taong 2002 nang mag-umpisang sumabak si Hidilyn sa kompetisyon, ang Batang Pinoy sa Puerto Princesa, kung saan una siyang nagwagi sa sport na ito dahil aniya, wala siyang kalaban.


Noong 2007, ang naging unang paglahok naman niya sa Southeast Asian Games at dito nakamit ang kanyang bronze medal. Ito rin ang naging simula ng pagtanggap ni Hidilyn ng maraming parangal mula sa iba’t ibang kompetisyon sa mundo na kanyang sinalihan.


Isang taon matapos ang paglahok niya sa SEA Games, unang sinubukan ng noo’y 17-anyos pa lamang na si Hidilyn sa Olympics. Sa palarong ito una siyang nakaranas ng kabiguan makaraang maging pang-ika-11 manlalaro sa 12 players na lumaban noon.


Sa kabila ng pagkatalo ay hindi nagpatinag si Hidilyn, para sa kanya, palaging may panibagong araw upang muling bumangon at ipagpatuloy ang nasimulan. Hindi rin naging madali ang lahat para kay Hidilyn mula sa mga pinagdaanan niya tungo sa pagkamit ng gintong medalya.


Sa mga panahong iyon, matinding hamon ang kinaharap ni Hidilyn dala ng kontrobersiya tungkol sa hindi sapat na pondo para sa paghahanda sa Olympics.

Gayunman, pinatunayan pa rin niya na hindi imposibleng mangarap at magtagumpay sa taong patuloy na nagsisikap.


Maituturing na isang simbolo na ang tunay na lakas ay hindi lamang nasusukat sa pisikal na kaanyuan at katangian kundi nasa pagpupursigi na makamit ang mga pangarap sa kabila ng mga hirap. Kaya naman noon pa man isa nang inspirasyon si Hidilyn sa mga kababaihang nangangarap sa buhay.


Tunay na hindi mababase sa kasarian ang lakas at kahinaan ng isang tao dahil kahit sa mundong tila dinodomina ng mga kalalakihan ay may mga kababaihan na kayang makipagsabayan at may kakayanang taglay, katulad ni Hidilyn na nagbigay ng karangalan hindi lang para sa sarili kundi pati sa ating bayan.


Ngayong National Women’s Month, nawa’y maging instrumento si Hidilyn sa mga kababaihan para magpursigi at ipakita ang kanilang likas na lakas at determinasyon upang magtagumpay.

 
 

ni MC @Sports News | Jan. 3, 2025



Photo: Nagtulung-tulong upang higit na mapalakas ang pagdaraos ng FIVB Men’s World Championship (MWCH) 2025 sa Setyembre sina Philippine National Volleyball Federation (PNVF) vice president Ricky Palou at secretary-general Donaldo Caringal, Philippine Sports Commission chairman Richard Bachmann, Tourism Secretary Christina Garcia Frasco, Volleyball World CEO Finn Taylor, PNVF president Ramon “Tats” Suzara at national team mainstay Bryan Bagunas kasama sina FL Liza Araneta Marcos at William Vincent “Vinny” Araneta Marcos matapos ang unang organizational meeting ng world championship sa Malacañang noong Abril 30, 2024. (pnvf-fivbpix)



Inihahanda na nang husto ngayong pagpasok ng 2025 ang pagtataguyod ng bansa ng FIVB Men’s World Championship (MWCH) 2025 sa Setyembre sa dalawang magkahiwalay na venues.


Darayo sa bansa ang 32 pinakamahuhusay na koponan ng volleyball sa mundo para magbakbakan mula Setyembre 12 hanggang 28 sa SM Mall of Asia Arena at Smart Araneta Coliseum.


"This is the time when the preparations and organization start to be meticulous every single day, it’s the world championship year of the FIVB and as host country for first time—and solo host at that—the mission borders from an excellent to almost perfect hosting of the event,” ayon kay Ramon “Tats” Suzara na Philippine National Volleyball Federation at Asian Volleyball Confederation president at siya ring executive vice president ng FIVB.


Gamay na ni Suzara ang pagho-host ng malalaking events. Kasama ito sa organizing committee ng FIBA World Cup na idinaos noong 2023 sa bansa. Ikinagalak din ni Suzara ang suportang ibinibigay ng Malacañang sa pangu¬nguna nina First Lady Liza Araneta Marcos at William Vincent “Vinny” Araneta Marcos na co-chair ng Local Organizing Committee (LOC) gayundin ni Tourism Secretary Christina Garcia Frasco.


Nagbigay papuri si FIVB president Fabio Azevedo kay President Bong Bong Marcos at ang First Family sa suporta nito sa volleyball at sa Philippine sports sa kabuuan.


Nagtakda na ng Inter-Agency Technical Working Group Meeting sa pangunguna ng Philippine Sports Commission (PSC) noong Nobyembre sa Rizal Memorial Sports Complex upang matiyak ang tagumpay ng darating na torneo.


Kasama rin sa Local Organizing Committee sina Senator Pia Cayetano, Manuel V. Pangilinan, Philippine Olympic Committee president Abraham “Bambol” Tolentino at PSC chairman Richard Bachmann.

 
 

ni VA @Sports | Jan. 3, 2025



Photo: Inihahanda na ang 20 atletang sasabak sa Winter Games sa Pebrero sa Harbin, China sa pamumuno ni POC president Abraham Tolentino kung saan lalahok ang teams sa skateboarding, curling at figure skating. (pocpix)



Nakaakdang magsugo ng 20-kataong koponan para sa ika-9 na edisyon ng Asian Winter Games na gaganapin sa China sa Pebrero 7-14 sa winter resort city ng Harbin.


Misyon ng delegasyon na maihanda ang entablado para sa posibleng unang medalya ng bansa sa Winter Olympics. "We've already accomplished the dream in the Summer Olympics—three gold medals in consecutive games," pahayag ni Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham "Bambol" Tolentino noong Miyerkules pagpasok ng taong 2025.


"And that dream we want to also achieve in the Winter Olympics."


Wala pang kumpletong record kung may ilang mga Filipino winter sports athletes ang lumahok sa naunang walong edisyon ng Asian Winter Games, subalit naniniwala si Tolentino na ang bilang ng mga Pinoy na sasabak sa Harbin ang pinakamarami.


"And our athletes are competing in six of the 11 sports on the Harbin program," ani Tolentino. Sa sports na Curling may pinakamalaking bilang ng mga atletang Pinoy ang sasabak sa bilang na sampu na kinabibilangan nina Marc Angelo Pfister, Enrico Gabriel Pfister, Christian Patrick Haller, Alan Beat Frei, Jessica Pfister, Benjo Delarmente, Kathleen Dubberstein, Leilani Dubberstein, Sheila Mariano at Anne Marie Bonache.


Ang iba pang miyembro ng Team Philippines na pamumunuan ni chef de mission Richard Lim ay sina Paolo Borromeo, Aleksandr Korovin, Cathryn Limketkai, Isabella Marie Gamez at Sofia Lexi Jacqueline Frank sa figure skating; Francis Ceccarelli at Talullah Proulx sa Alpine skiing; Laetaz Amihan Rabe sa freestyle skiing; Peter Joseph Groseclose sa short track speed skating ay Adrian Tongco sa snowboarding.


Nagwagi ng tatlong gold medals ang bansa sa dalawang sunod na edisyon ng summer Olympics sa Tokyo(2021) at Paris (2024) sa husay nina weightlifter Hidilyn Diaz-Naranjo (1 gold) ar gymnast Carlos Yulo (2 golds) sa ilalim ng panunungkulan ni Tolentino sa POC bilang pangulo. "The Winter Olympics are as extremely tough as the Summer Olympics, but we have proven that it could be done," wika pa ni Tolentino. Sa Italy idaraos ang 25th edition ng Winter Olympics sa Milan at Cortina d'Ampezzo sa Pebrero 7- 22 2025.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page