- BULGAR
- Oct 25, 2023
ni Anthony E. Servinio @Sports | October 25, 2023

Mga laro ngayong Miyerkules – MOA
11 a.m. UST vs. DLSU
1 p.m. NU vs. UE
4 p.m. Ateneo vs. FEU
6 p.m. UP vs. Adamson
Panahon na para magseryoso sa pagbubukas ng Round 2 ng 86th UAAP Men’s Basketball Tournament ngayong Miyerkules sa MOA Arena. Lalong humigpit ang karera at kahit sino sa walong paaralan ay may pag-asa sa korona.
Matapos mabahiran ang perpektong kartada, sisikaping bumangon ng University of the Philippines (6-1) laban sa Adamson University (3-4) sa tampok na laro ng 6 p.m. Tumikim ang Maroons ng 89-99 overtime talo sa Ateneo de Manila University noong Linggo at naputol ang anim na sunod na tagumpay.
Bubuksan ang araw ng isang ganadong University of Santo Tomas (1-6) kontra sa De La Salle University (4-3). Mataas ang kumpiyansa ng Tigers matapos wakasan ang 19 sunod na talo laban sa Far Eastern University, 68-62, salamat sa husay nina Nic Cabanero at Christian Manaytay.
Nananatiling mabigat na kalaban ang Green Archers hanggang nasa kanila sina forward Kevin Quiambao at guwardiya Evan Nelle na lumabas na numero uno at pangatlo sa karera ng Most Valuable Player sa pagsara ng Round 1. Nasa gitna nila si Season 85 MVP Malick Diouf ng UP habang hinahabol sila nina Rey Remogat ng University of the East at LJ Gonzales ng FEU.
Susubukan ni Remogat at sentro Precious Momowei na buhatin ang UE (2-5) laban sa pumapangalawang National University (5-2) sa 1 p.m. Aabangan ang bantayan ni Gonzales at kanyang katapat sa Bulldogs na si Kean Baclaan.
Malaking hamon din ang naghihintay kay Gonzales sa tapatan ng kanyang Tamaraws (2-5) at Ateneo (4-3) sa 4 p.m. Magiging sukatan ng tagumpay ng Blue Eagles ang ipapakita ni forward Kai Ballungay.






