top of page
Search

ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | August 19, 2023


Nitong mga huling araw, sinimulan na ng Senado ang deliberasyon sa panukalang P5.768 trillion national budget para sa taong 2024. Pinasimulan ito sa pamamagitan ng briefing ng Development Budget Coordination Committee o DBCC kung saan ipinaliwanag nila ang mahahalagang punto ng proposed budget.


Base sa batas, mauuna ang Mababang Kapulungan sa pagdinig sa panukalang national budget.


Pero para lamang mas mapabilis ang nakatakdang pagdinig ng Senado ukol dito, pinasisimulan na rin natin ang hearings ng National Expenditure Program (NEP) sa pangunguna ng ating komite, ang Committee on Finance.


Mula nang maupo tayong chairman ng Finance Committee ng Senado, ito na ang panlima nating budget measure na pangungunahan natin. Sa totoo lang, napakabigat ng usaping ito. Sino ba naman ang magsasabing madali? Limitado ang pondo na dapat mapagkasya natin sa napakaraming mahahalagang programa ng gobyerno.


Napakahirap, lalo pa’t bumabangon pa lang ang ekonomiya natin sa dagok ng pandemyang dulot ng COVID-19.


Ang nakikita nating nagpapalakas sa 2024 proposed budget ay ang pagkaka-focus nito sa mga darating na panahon na naaayon sa Medium Term Fiscal Framework. ‘Yan din naman ang sinabi ni Pangulong BBM sa kanyang nakalipas na SONA, na ayon sa Department of Finance ay magsisilbing ‘blueprint’ o plano ng gobyerno sa muling pagpapalusog sa ekonomiya ng bansa na titiyak sa tuluy-tuloy na pagbangon nito.


Matatandaan na kabilang sa mga prayoridad ng gobyerno para sa susunod na taon ang food security – seguridad sa pagkain. Siguro naman, batid nating lahat kung paano pinasasakit ng pagsirit ng presyo ng iba’t ibang pangangailangan tulad ng pagkain ang mga ulo natin. Pati presyo ng gulay, karne, isda, nagtataasan nitong mga huling araw.


Ano nga ba ang dahilan?


Pinagpatung-patong na problema tulad ng low production, high transport costs at siyempre – ang palaging pagdating ng bagyo. ‘Di nga ba, dalawang bagyo ang sumalakay sa atin nitong nakaraan lang? Malawakang baha ang inabot ng napakaraming lugar sa bansa, lalo na sa mga probinsya.


Dahil d’yan, inabot ng kamalasan ang agrikultura, lalo na sa Central Luzon at iba pang mga lugar.


Partida pa, El Niño tayo ngayon, na akala natin ay magiging dahilan ng matinding tagtuyot sa bansa sa mga darating na buwan.


Sa ilalim ng bagong 2024 national budget, isa ito sa tututukan, gayundin ang mga programang susuporta sa ating mga magsasaka at mangingisda. Kasama sa susuportahan ang programang tutulong kung paanong mapatataas ang kanilang produksyon na magiging paraan din upang maging panatag ang dami ng suplay, gayundin ang presyo ng mga bilihin.


Isa rin sa mga prayoridad ng 2024 national budget ang pagpapababa sa transport and logistics cost sa pamamagitan ng iba’t ibang proyektong pang-imprastraktura na kabilang sa proyektong Build Better More ng kasalukuyang administrasyon. Malaking halaga naman ang nais ilaan ng Department of Transportation (DOTr) sa pagpapatupad ng kanilang Rail Transport, Land Public Transport, Aviation Infrastructure, and Maritime Infrastructure Programs. Karamihan sa mga proyekto, posibleng hindi naman agad matatapos, pero ang mahalaga, may nakalaan nang pondo para sa mga ito, at posibleng kakayaning abutin sa target dates.


At isa pang magandang nilalaman ng proposed 2024 budget, tuluy-tuloy na popondohan ang pagpapalakas sa ating health system. Kabilang dito, ang health facilities enhancement program at ang pagpapalakas sa operasyon ng mga DOH-run hospitals. Pangatlo ang health sector sa pinaglaanan ng malaking budget sa ilalim ng 2024 proposed budget, na pinangunahan ng education at public works. Kailangang-kailangang palakasin na talaga natin ang health system natin upang hindi na mangyari noon na para tayong ginulantang ng pandemic ng COVID-19 dahil hindi talaga tayo nakahanda nang mga panahong ‘yun. Pero ngayon, natuto na tayo.


Tututukan din ng 2024 budget ang digital economy, kung saan, matatandaan na nagpanukala ang administrasyong Marcos ng 60 percent increase sa mga pondong ilalaan sa ICT at digitalization.


Kasama sa programa ang improvement ng internet, na problema natin ang kabagalan, sa pamamagitan ng National Broadband Plan, ang National Government Data Center Infrastructure at ang National Government Portal.


Sa promosyon ng sustainability sa ilalim pa rin ng bagong national budget, kasama ang mga programang magsusulong sa flood control, water sufficiency, coastal and marine resources management, gayundin ang pangangalaga sa ating mga kagubatan. At para masiguro rin ang kaligtasan ng mga komunidad, sisiguruhin ng gobyerno na lahat ng mga residente ay may sapat na suplay ng malinis na tubig.


Alinsunod naman sa itinutulak nating Tatak Pinoy o Proudly Pinoy advocacy, isinasaad pa rin sa proposed budget ang pagpopondo sa mga programang magpapalakas sa research and development (R&D) and innovation. Kabilang d’yan ang patuloy na pagsuporta sa Innovation Fund, R&D sa ating state universities and colleges, ang Small Enterprises Technology Upgrading at ang Science for Change Programs sa ilalim ng Department of Science and Technology.


Sa mga darating na buwan, mangunguna ang ating komite – ang Senate Finance Committee, katuwang ang ating napakagagaling at maaasahang vice chairpersons sa pagdinig sa mga panukalang budget para sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno. Tulad ng mga ginawa na rin natin noong mga nakaraang taon, tuluy-tuloy ang ating gagawing pagdinig upang matiyak na maaaprubahan ang national budget sa takdang panahon.

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

 
 

ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | August 12, 2023


Tuwing Agosto, taun-taon, ginugunita natin ang Buwan ng Wika. Naisabatas ito sa pamamagitan ng Proklamasyon Blg. 1041 noong 1997 ni dating Pangulong Fidel Ramos, bilang pagpupugay sa ating wikang pambansa.


Sa pagdiriwang ngayong taon na pangungunahan ng Komisyon ng Wikang Pilipino, tinagurian nila ang tema bilang “Filipino at Mga Katutubong Wika: Wika ng Kapayapaan, Seguridad at Ingklusibong Pagpapatupad ng Katarungang Panlipunan.”


Ang pagdedeklara ng Buwan ng Wika tuwing Agosto ay bilang pagkilala sa iniwang legasiya ng yumaong Pangulong Manuel Luis Quezon na mas kilala rin bilang “Ama ng Wikang Pambansa” na isinilang noong Agosto 19, 1878 sa bayan ng Baler. Hindi lamang ang pagbibigay halaga sa sariling wika ang isinulong ng dating pangulo, kundi maging ang promosyon ng mga produktong Pinoy. Napakahalaga na maisulong ng isang bansa ang kanyang mga sariling produkto sapagkat nakatutulong ito sa kanyang pag-unlad.


Noong Agosto 12, 1936, pinagtibay ni Pangulong Quezon ang Proklamasyon Blg. 76 na nagdedeklara sa Agosto 17 hanggang 23 bilang Made in the Philippines Products Week.


Patunay na napakalaki ng pagpapahalaga ng dating Pangulo sa pag-unlad ng Pilipinas.


Sa nasabing proklamasyon, binigyang-diin niya na napakahalagang maipakilala sa bawat Pilipino ang pagbibigay-importansya sa takbo ng ekonomiya dahil malaking tulong ito para sa mamamayan at sa buong sambayanan. Ang pagpapalakas sa mga industriya, aniya, ay nangangahulugang pag-usad din ng yaman ng bansa at pag-alagwa ng ating pamumuhay.


Sabi nga ng dating pangulo, taglay ng Pilipinas ang napakaraming natural na yaman.


Ang kailangan lang, dapat itong linangin upang makatulong sa iba’t ibang industriya.


Sa kasalukuyan, marami sa ating mga industriya ang patuloy na nangangailangan ng paglilinang. Ang isa sa pinakaepektibong paraan upang mapalakas natin ang ating mga industriya ay tayo-tayo mismo ang tumangkilik sa sarili nating mga produkto.


Napakarami pa nating dapat na i-develop ng industriya sa Pilipinas. Napakalawak pa ng maaari nating ipag-unlad sa sektor. Kabilang ang adbokasiyang ito sa itinutulak nating Tatak Pinoy o Proudly Filipino strategy.


Taong 2019 nang simulan natin ang promosyon ng Tatak Pinoy sapagkat inspirasyon natin ang mga naging pahayag ng magagaling na ekonomista tulad nina Dr. Ricardo Hausmann ng Harvard University at Cesar Hidalgo ng Massachusetts Institute of Technology. Sabi nila, uunlad lamang ang isang bansa kung magagawa nitong makapag-produce ng mga produktong hindi pangkaraniwan at maibebenta ang mga ito nang malakasan.


Ito ang pangarap natin sa pagsusulong natin sa ating Tatak Pinoy – to achieve a degree of economic complexity. Sa pamamagitan nito, makalilikha tayo ng magagandang trabaho, kikita tayo nang mas malaki at mas mapatataas natin ang uri ng pamumuhay ng sambayanang Pilipino.


At upang masiguro na maisasabuhay ang ating pangarap, inihain natin ang isang panukala, ang Senate Bill 2218 o ang Tatak Pinoy Act.


Sa kasalukuyan, bilang chairman ng Senate Committee on Finance, nakapagsagawa na tayo ng pitong pagdinig para sa nasabing panukala. Matapos ito, ihahanda na ng ating komite ang report na ating tatalakayin sa plenaryo.


Umaasa tayo na sa lalong madaling panahon ay maisabatas ang panukalang ito, lalo pa’t isa ito sa mga binibigyang prayoridad ngayon ni Pangulong Marcos. Katunayan, kabilang ito sa priority measures na kanyang ipinamamadaling aprubahan ng Kongreso na nabanggit pa niya sa kanyang ikalawang State of the Nation Address (SONA) nitong Hulyo.


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

 
 

ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | August 3, 2023


Ngayong darating na Agosto 8, ipagdiriwang sa buong daigdig ang ika-29 na International Day of the World’s Indigenous Peoples. Kung bakit sa ganitong petsa ito ipinagdiriwang, ito ang pinili ng United Nations Assembly bilang pag-alala sa kauna-unahang pulong ng UN Working Group on Indigenous Populations noong 1982.


Sa ngayon, umaabot na sa 110 indigenous cultural communities/indigenous peoples (ICC/IP) ang meron tayo sa bansa. At bawat isa sa mga komunidad na ito, ay may bilang na mula 14 milyon hanggang 17 milyon. Matatagpuan ang 61% sa kanila sa Mindanao, at 33% sa Northern Luzon.


Bagaman masasabing malaki silang bahagi ng ating populasyon, nananatiling isa sa most disadvantaged ang IPs sa Pilipinas.


Kamakailan, nagpahayag ang World Bank na kahit 6% lamang ang global population ng IPs, sila naman ang halos 20% ng pinakamahihirap na tao sa buong mundo. Ayon sa Department of Economic and Social Affairs of the United Nations, mahigit 70% ng kabuuang populasyon sa global na kinabibilangan ng IPs, ay naninirahan sa mga bansang hindi patas ang sistema ng yaman at kita. Liban sa kahirapan, sila rin ang madalas napagkakaitan ng hustisya at madalas na naisasangkot sa mga usaping may kinalaman sa mga krimen dahil sa kanilang sitwasyon sa lipunan.


Base naman sa kanilang pag-aaral sa Pilipinas, nabatid ng International Labour Organization na kadalasan, ang IPs ay matatagpuan sa mga lugar sa bansa kung saan napakataas ng unemployment, underemployment at illiteracy. At kahit pa naninirahan sila sa mismong lupang sinilangan at pinagmulan ng kanilang grupo, nanganganib na pati ang kanilang karapatan sa sariling lupa ay mawala rin.

Isa ang Pilipinas sa 144 bansa sa ilalim ng UN General Assembly na bumoto pabor sa pag-adopt sa United Nations Declaration on the Rights of Indigenous Peoples (UNDRIP) noong Setyembre 13, 2007. Ang naturang deklarasyon ay naglalayong masiguro ang kapakanan at kaligtasan ng IPs, gayundin ang kanilang karapatang-pantao at kalayaan.


Sa pahayag ng UNDRIP, binigyang-diin nila na tulad ng mga ordinaryong mamamayan, kailangang ibigay din sa IPs ang patas na pagtrato, paggalang at ang pangangalaga laban sa anumang uri ng diskriminasyon.


Maging sa ating Konstitusyon, malinaw na inaatasan ang gobyerno na kilalanin, protektahan at isulong ang karapatan ng bawat IP. Base ito sa isinasaad ng RA 8371 o ang Indigenous Peoples Rights Act (IPRA) na isinabatas noong 1997.


Dahil sa kakulangan ng kaukulang datos ng IPs, madalas ay napag-iiwanan sila sa mga kinakailangang serbisyo. Ito ang dahilan kung bakit natin inihain ang Senate Bill 1167, buwan ng Agosto nang nakaraang taon upang maipanawagan ang pagtatatag ng ICCIP resource centers sa strategic areas sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Ibabase ito sa pagkilala ng National Commission on Indigenous Peoples sa mga lugar na kinaroroonan ng IPs. Ang naturang centers, ayon sa ating panukala ay bubuuin ng tatlong service areas tulad ng Statistical Service Area; Human Development Index Service Area; at ang Domains Management Service Area.


Ang Statistical Service Area ang responsable sa documentation and recognition ng ICCs at IPs, sa kanilang indigenous knowledge, systems and practices, political structures, at customary laws sa pamamagitan ng census, appraisal and baseline reports and libraries.


Para naman sa Human Development Index Service Area, ito ang reresolba sa mga problema ng ICCs at IPs, at siyang magkakaloob ng kanilang mga pangunahing pangangailangan sa pamamagitan ng link-ups sa mga naaayong ahensya at departamento ng gobyerno. Kabilang sa mga tulong na ito ang training programs, scholarship grants, livelihood and enterprises at mga tulong pangkalusugan.


Sa Domains Management Service Area naman, inaatasan itong isulong ang participatory programs, projects and activities para sa ICCs at IPPs. Ito ay para matiyak ang implementasyon ng Ancestral Domains Sustainable Development and Protections Plans at iba pang umiiral na programa.


Iniakda natin ang RA 10908 o ang Integrated History Act of 2016 upang epektibo nating maipamahagi sa kaalaman at pang-unawa ng lahat ang kahalagahan ng Filipino-Muslims at ang IPs. Iniaatas ng batas ang pagtuturo ng tungkol sa kasaysayan ng Filipino-Muslim at IPs sa basic at higher education sa bansa.


Sa pamamagitan nito, mas mapapalawak ang kaalaman ng mga batang henerasyon tungkol sa kasaysayan, tradisyon at kultura ng IPs. Ito ay isa ring paraan upang maiwasan ang anumang diskriminasyon.

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page