top of page
Search

ni Mylene Alfonso @News | July 18, 2023




Halos isang linggo na lamang bago ang kanyang ikalawang State of the Nation Address (SONA), inamin ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., na “nag-aalala” siya sa pagbuo ng kanyang talumpati sa darating na Lunes, Hulyo 24.


Kaugnay nito, nabanggit din ni Marcos na wala pa rin siyang naiisip kung ano ang kanyang susuotin sa ikalawang SONA na gaganapin sa House of Representatives.


“SONA preparations, hindi ko pa naisip kung ano ang susuotin ko. We’ve been worried about writing the speech,” ani Marcos sa ambush interview sa San Fernando City, Pampanga nang tanungin kung ano na ang kanyang preparasyon sa nalalapit na SONA.


Gayunman, sinabi ng Pangulo na inaasahang ihahayag niya ang mga nagawa ng kanyang administrasyon sa loob ng isang taon.


“It’s really very simple. It’s just a performance report for Filipinos to see sa dami ng mga pronouncements, sa dami ng mga salita, kung ito ba ay talagang may kabuluhan, salita lamang,” ayon pa sa Pangulo.


“We’ll see. That’s what I want to explain to people, that we have made significant progress. We can see the difference now, not only in terms of how the systems work, how the government works, it is also how we are seen or judged in the international community. That’s equally important,” pagtatapos ng Punong Ehekutibo.


 
 

ni Mai Ancheta @News | July 16, 2023




Nagbabala ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na babawian ng prangkisa ang mga lalahok sa tatlong araw na tigil-pasada upang tapatan ang ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa July 24.


Ayon kay LTFRB Chief Teofilo Guadiz III, may obligasyon ang mga operator ng public utility jeepney bilang franchise holder na huwag ilagay sa alanganin na sitwasyon ang mga pasahero o ang pampublikong transportasyon.


Ang tatlong araw na tigil-pasada ay inianunsyo ng grupong MANIBELA nitong nakalipas na linggo upang ipakita umano sa kasalukuyang administrasyon ang kanilang pagkadismaya sa isinusulong na modernisasyon sa mga pampublikong sasakyan.


Tiniyak naman ng LTFRB Chief na hindi maaapektuhan ang mga pasahero sa ikinakasang tatlong araw na tigil-pasada dahil hindi sasali sa kilos-protesta ang "Magnificent 7" na mas maraming miyembro kumpara sa grupong MANIBELA.


Kabilang sa mga grupong nagpahayag na hindi sasali sa tatlong araw na transport strike ang Pasang Masda, ALTODAP, PISTON, ACTO, FEJODAP, Stop and Go at LTOP.


Sinabi rin ni Guadiz na magde-deploy ang ahensya ng mga libreng sakay sakaling may mga pasaherong maapektuhan ng tigil-pasada sa July 24, 25 at 26.


 
 

ni Mai Ancheta @News | July 13, 2023




Tatapatan ng tatlong araw na tigil-pasada ng ilang transport groups ang ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa July 24.


Ito ang inianunsiyo ng grupong Malayang Alyansa ng Bus Employees at Laborers (MANIBELA).


Ayon kay Mar Valbuena, ang tatlong araw na tigil-pasada ay sisimulan sa July 24, 25 at 26 na dadaluhan ng kanilang mga miyembro mula sa Metro Manila, Calabarzon at Central Luzon.


Sinabi ni Valbuena na ito ang paraan nila para iparating kay Marcos ang hinaing ng kanilang sektor at mariing pagtutol sa PUV Modernization Program ng gobyerno.


Nababagalan aniya sila sa aksiyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa ipinangakong rerebyuhin ang franchising guidelines pero hanggang ngayon ay wala pa ring resulta.


"Hanggang ngayon naka-hang pa rin po tayo, pagdating doon sa mga ipinangako sa atin na rerebyuhin po 'yung franchising guidelines, hanggang ngayon nakatiwangwang ito," ani Valbuena.


Marami aniyang ibang grupo ang nagpahayag ng intensiyon na sumama sa tatlong araw na tigil-pasada.


Ang grupo ni Valbuena ay mayroong tatlong libong miyembro sa buong bansa.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page