ni Sister Isabel del Mundo @Mga Kuwento ng Buhay at Pag-ibig | May 22, 2023
Dear Sister Isabel,
Isa akong ampon, ang kumupkop sa akin ay isang mayaman at matandang dalaga na nagtatrabaho sa abroad. Iniwan niya ako sa kanyang kamag-anak na siyang nag-alaga at nagpalaki sa akin.
Bumalik dito sa ‘Pinas ‘yung umampon sa akin, isasama niya sana ko sa America ngunit ‘di pumayag ‘yung nagpalaki sa akin. Kaya hindi na ito nagpumilit pa, at kalaunan ay namatay rin ito sa abroad. May mamanahin sana ko bilang adopted pero hindi ko alam kung saan napunta, bata pa kasi ako noon. Samantala, 32-anyos na ko ngayon.
Nakita ko na lamang sa cabinet namin ang dati kong birth certificate at natuklasan kong binago pala nila ang pangalan ko.
Ang problema ko ay pinagmamalupitan nila ako, binubugbog kahit kaunting pagkakamali.
Gusto ko nang lumayas ngunit wala naman akong matutuluyan. Hirap na ako sa kalagayan ko ngayon. Tumanda na ako rito sa nag-alaga sa akin.
Ano kaya ang gagawin ko para matakasan itong nararanasan ko?
Nagpapasalamat,
Lorna ng Masbate
Sa iyo, Lorna,
Makabubuting huwag mo ng isiping tumakas d’yan. Sa halip, gawin mo ay tulungan mo sila sa inyong pang-araw-araw na gastos. Tamad ka siguro kaya sila gano’n sa iyo.
Maging masipag ka, dahil hindi sila magiging salbahe sa iyo kung ikaw mismo ay mabait, maalalahanin at matulungin.
Kung iniisip mong lumayas d’yan ay lalo ka lang mapapahamak. Pagtiisan mo na lang ang buhay mo r’yan. Natitiyak kong diringgin ng Diyos ang dasal mo, maawain ang Diyos sa tulad mong ampon. Gayundin, may magandang bukas na naghihintay sa iyo kung magiging mabait ka, hindi ka pababayaan ng Diyos, simula ngayon ay maging madasalin at palasimba ka. Tiyak na makikita mo ang malaking pagbabago sa iyong buhay at baka makumbinsi mo pa sila na maging madasalin at palasimba rin. Pagpapalain ka at sana maging maayos na ang pagtrato nila sa iyo.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo




