- BULGAR
- May 31, 2023
ni Sister Isabel del Mundo @Mga Kuwento ng Buhay at Pag-ibig | May 31, 2023
Dear Sister Isabel,
Gusto kong magpatulong sa inyo tungkol sa asawa ko na nanlalamig na sa akin.
Limang taon pa lang kaming nagsasama, at mayroon kaming dalawang anak.
Nagtatanong-tanong ako sa mga kasamahan niya kung may babae ba ito pero lahat sila pare-pareho ang sinasabi, wala umanong babae ang asawa ko. Akala nga raw nila ay bakla, dahil hindi ito mahilig sa babae.
Ang sabi ko naman ay lalaking-lalaki ang asawa ko. Hanggang sa natuklasan ko na may karelasyon pala siyang lalaki, silahis pala ang asawa ko. Mahusay siyang magtago ng pagiging dual personality niya.
Samantala, mas binibigyan niya ng atensyon ang kanyang karelasyon. Pakiramdam ko ay mas masaya siya sa lalaking iyon. Gusto ko na siyang hiwalayan ngunit hindi ko kayang tanggapin na may iba na siyang mahal.
Sistrer Isabel, tama ba ang iniisip ko na hiwalayan siya?
Nagpapasalamat
Evelyn ng Parañaque.
Sa iyo, Evelyn,
Kung hindi ka na maligaya sa piling niya at hindi mo matanggap ang natuklasan mo na may karelasyon siyang lalake, tama lang na hiwalayan mo na siya pero siguraduhin mo lang na kahit hiwalay na kayo, tutulungan ka niyang suportahan ang mga anak niyo.
Mahirap naman kasi kung pakikisamahan mo pa rin siya sa kabila ng panlalamig niya sa iyo.
Sa palagay ko ay hinihintay niya lang na ikaw mismo ang makipaghiwalay. Ganyan talaga ang buhay dumarating sa punto na kailangan ng mga pagbabago. Walang permanente sa mundo.
Lahat ay dadaan at lilipas. Harapin mo na lang ng maluwag sa iyong kalooban ang naging pasya mo. May awa ang Diyos, kaya mo ‘yan. Sumaiyo nawa ang pagpapala ng Diyos na Lumikha.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo




