top of page
Search

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | June 21, 2023


Dear Sister Isabel,


Magandang buhay sa inyong lahat d’yan.


Ang problema ako ay kinidnap ng ex-live-in partner ko ang anak ko, at itinago sa akin.


‘Di ko alam kung saan niya ito dinala, pero laking pasasalamat ko Facebook dahil dito ay natunton ko kung nasaan sila.


25-years din ang nakalipas, sa wakas ay nagkausap din kami ng anak ko, sa awa ng Diyos wala itong sama ng loob sa akin. Naunawaan umano niya ang mga pangyayari.


Sabik na akong makasama siya kahit isang linggo lamang, pero mukhang malabo itong mangyari. Ayaw niya kasing saktan ang kalooban ng nakilala niyang ina, walang iba kundi ang tunay na asawa ng ama niya na siyang nakabuntis sa akin.


May asawa na pala ang lalaking ‘yon. Ang sabi niya sa akin ay binata at wala raw siyang pamilya kaya nagtiwala ako, hanggang sa nagbunga ito.


Ano kaya ang dapat kong gawin para kahit man lang ilang araw ay mayakap at mahalikan ko ang aking anak?


Labis akong nangungulila. Tulungan niyo ako kung ano ang dapat kong gawin upang makapiling ko ang aking anak ng maluwag sa kanyang kalooban na hindi pinagbabawalan ng nakilala niyang ina na nag-alaga sa kanya noong siya'y bata pa.


Umaasa,

Donita ng Aklan

Sa iyo, Donita,


Ang buhay ay parang pelikula, kani-kanyang drama. Tanggapin mo na lang maluwag sa iyong kalooban ang drama ng iyong buhay at higit sa lahat, kumapit ka sa Diyos. Siya ang nakakaalam ng tamang panahon para sa inyong dalawa ng anak mo. Siya ang lumikha ng anak mo sa iyong sinapupunan, instrumento ka lang. Kaya, siya rin ang nakakaalam ng tamang panahon para makapiling at makasama mo siya. Pagpatuloy mo ang pakikipag-ugnayan sa anak mo. Gawin mo ang lahat upang gumaan ng husto ang loob niya sa iyo, Tiyaga lang, papabor din ang kapalaran sa iyo. Tuluy-tuloy lang ang pagdarasal. Isang araw, magugulat ka na lang, dahil nasa harapan mo na ang iyong nawalay na anak at siya mismo ang hindi aalis. Imposibleng mangyari pero sa Diyos, walang imposible. Lahat ay magaganap ayon sa kanyang master plan dito sa sangkalupaan.

Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


 
 

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | June 19, 2023


Dear Sister Isabel,


Nagkagusto ako sa isang pari, pogi ito at bata pa. Hindi ko mapigilan ang aking sarili na ‘di ma-inlove sa kanya. Araw-araw akong nagsisimba at sumali rin ako sa mga samahan sa simbahan upang mapansin niya.


‘Di naman nasasayang ang effort ko, dahil napansin niya rin ako. Hindi naman sa pagbubuhat ng sarili kong bangko, maganda at malakas ang aking charisma. Sa madaling salita, naakit at na-inlove rin siya sa akin. Nagkaroon kami ng lihim na relasyon. Masaya kami bagama’t nakaw lang ang pagtatagpo namin at pagpapahayag ng aming nararamdaman sa isa't isa. Kaya lang ay nakakakonsensya.


Sister Isabel, gusto ko na siyang hiwalayan, dahil hindi na kaya ng aking konsensya saka nag-aalala na ako baka magbunga ang pagmamahalan namin, at lalong lumala ang problema ko. Tulungan niyo ako sa dapat kong gawin.


Nagpapasalamat,

Caridad ng Bataan

Sa iyo, Caridad,


Salamat sa pagtitiwala mo sa akin tungkol sa problema mo. Ang masasabi ko sa iyo ay itigil mo na ‘yang kahangalan mo. Alalahanin mo pari ‘yang karelasyon mo, alagad ng Diyos. Mortal sin ‘yang ginagawa mo. Ngayon pa lang ay gumising ka na sa iyong kahangalan. Oo, hindi masama ang umibig pero ilagay mo sa tama.


Umalis ka na r’yan sa parokyang pinaglilingkuran mo. Makipagkalas ka na sa paring karelasyon mo. Sa palagay ko naman, matatanggap ng paring iyon ang pasya mo.


Hinihintay lang siguro niya na sa iyo manggaling ang pakikipaghiwalay. At palagay ko rin araw-araw siyang humihingi ng tawad sa Diyos dahil natukso siya sa iyo.


Makakahinga na ngayon siya ng maluwag. Makakaiwas na siya sa mabigat na kasalanang napasukan niya dahil sa pang-aakit mo. Hanggang dito na lang. Muli, kung iibig ka man siguraduhin mong hindi sa isang pari. Humingi ka ng tawad sa nagawa mong kasalanan upang matahimik na ang iyong kalooban.


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


 
 

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | June 14, 2023


Dear Sister Isabel,


Hindi ko na matiis ang ugali ng aking asawa, lagi itong galit at minsan ay napagbubuhatan pa ako ng kamay. Hindi naman siya dating ganyan. May isa kaming anak at 10-years-old na ito.


Wala akong ideya kung nambababae ba siya, pero hindi kasi siya mahilig sa babae.


Paulit-ulit niya na akong nasasaktan at kinausap ko siya kung bakit siya biglang nagbago.


Laking gulat ko dahil bigla na lang ako nitong sinampal. Nais ko na hiwalayan ang aking asawa, dahil natatakot akong na baka kung ano pang masama ang mangyari sa akin.


Tama bang iwanan ko na siya? Gusto ko na siyang hiwalayan sa lalong madaling panahon. Sana ay mapayuhan niyo ako.

Nagpapasalamat,

Thelma ng Tondo

Sa iyo, Thelma,


Makakabuting idulog mo na sa women's desk ang iyong problema bago pa ito lumala.


Baka nakatikim na nang ipinagbabawal na gamot ang iyong asawa kaya niya iyon nagagawa. Patulong ka rin sa mga magulang mo. Huwag mong sarilinin ang problemang kinakaharap mo.


Kung kinakailangang ipasok sa rehabilitation center ang asawa mo, mas mabuti ito.


Kumilos ka na agad. Lumapit ka sa women's desk. Sila ang mas nakakaalam ng dapat mong gawin.


Huwag kang basta-basta lumayas sa bahay niyo at tuluyang hiwalayan ang asawa mo.


Higit sa lahat ngayon niya kailangan ang tulong mo upang malunasan ang biglang pagbabago ng kanyang pag-uugali.


Huwag kang mawalan ng pag-asa. Ganyan talaga ang buhay. ‘Di maiiwasan ang mga problema. Ang mahalaga ay hindi ka sumuko at gumawa ka ng paraan upang magkaroon ng kalutasan ang iyong problema.


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


 
 
RECOMMENDED
bottom of page