- BULGAR
- Jul 3, 2023
ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | July 3, 2023
Dear Sister Isabel,
Magandang araw sa inyo r’yan sa Bulgar.
Nag-iisa na lang ako sa buhay, ulila na akong lubos. May trabaho naman ako sa awa ng Diyos. Ang problema ko ay lagi na lang akong bigo sa pag-ibig. Tumatanda na ako at nangangarap di naman akong makatagpo ng totoong magmamahal sa akin, ngunit sadyang ‘di ko ito matagpuan. 35-years-old na ako at hanggang ngayon ay dalaga pa rin.
Sadya kayang nakatadhana akong maging dalaga habambuhay? Kung sa bagay medyo may pagkapihikan ako at walang tiwala sa mga lalaki. Selosa rin ako. Gayunman, gusto ko na mag-asawa na makakasama ko habambuhay.
Sa palagay niyo ba makakatagpo pa rin ba ako ng aking katapat?
Nagpapasalamat,
Gloria ng Taguig Global City
Sa iyo, Gloria,
Ang pag-ibig ay hindi hinahanap, kusa 'yang dumarating sa takdang panahon.
Naniniwala akong darating din ang katapat mo. Makakapag-asawa ka at magiging maligaya sa pag-ibig lalo na kung hindi ka magiging pihikan at selosa.
Maging simple ka lang, totoo sa iyong sarili, iwasan maging perfectionist. Huwag mong hangarin na lahat ng gusto mo sa isang lalaki ay matatagpuan mo. Hingin mo rin ang patnubay ng Diyos Amang kataastaasan, upang bigyan ka na ng makakasama mo habambuhay. Walang imposible sa Diyos. Manalig ka sa kanya at ikaw ay kanyang pagbibigyan sa lahat ng iyong kahilingan.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo




