- BULGAR
- Jul 26, 2023
ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | July 26, 2023
Dear Sister Isabel,
Sa kabila ng nagdaan kahirapan ngayon ay maginhawa na ang aking pamumuhay, kaya lang ay mahirap at malungkot pala ang mag-isa.
55-anyos na ako pero mukha palang akong 35-anyos. May kani-kanyang pamilya na ang mga anak ko, at nag-iisa na lang ako rito sa bahay na pinundar ng aking anak na nagtatrabaho sa abroad.
Buhay mayaman ako rito pero na-realized ko na hindi pala kayang paligayahin ng pera ang tao. May boyfriend ako sa abroad na balak pumunta rito. Sa totoo lang ay mas mahal ko ‘yung dating boyfriend ko rito sa Pilipinas kaya lang ay may asawa na siya.
Iniwasan ko siya kahit na alam kong mahal niya pa rin ako.
At ngayon ay biyudo na siya, natuwa ako dahil akala ko ay babalikan niya na ako, at itutuloy na namin ang aming naudlot na pagmamahalan, pero mali ako, hindi na niya ‘ko binalikan.
Nagkita kami sa isang pagtitipon, nagkatinginan, nagkangitian, at ramdam ko na mahal niya pa rin ako.
Bakit kaya ayaw niya akong ligawan? Isang Baranggay lang ang aming tinutuluyan kaya 'di maalis sa aking isipan ang aming nakaraan.
Ano kaya ang dapat kong gawin para magkabalikan kami? Sa pagkakaalam ko ay wala naman siyang karelasyon ngayon. Malayang-malaya siya, ngunit nahihiya ako mag-first move dahil babae ako.
Nagpapasalamat,
Laura ng Pampanga
Sa iyo, Laura,
Edad lang ang tumatanda, at hindi ang puso. Hindi ako magtataka kung sa edad mo na ‘yan, feeling inlove ka pa rin sa dati mong boyfriend na iniwasan mo dahil may asawa na pero biyudo na ngayon.
Ramdam mo tuloy ang pangungulila sa mga sandaling ika’y nag-iisa. Ang sabi mo ay nagkita kayong muli, nagkatinginan, nagkangitian, at ramdam mo na mahal ka pa rin niya. Samakatuwid, malaki ang pag-asa mo na magkabalikan kayong muli at ituloy ang naudlot n’yong pag-ibig.
Sa palagay ko’y tuma-timing lamang siya. Naghihintay ng tamang pagkakataon para muli kayong magkabalikan. Iniisip din siguro niya hindi na kayo bata.
Malamang ay maligaya na siya sa mga apo niya at kuntento na rin sa kanyang buhay kahit wala ng karelasyon.
Gayunman, makiramdam ka na lang sa susunod na mga araw, kung talagang wala ng pag-asang ibalik ang nakaraan na kung saan mahal n’yo pa ang isa’t isa, mag-move on ka na at maging masaya sa piling ng mga anak at apo mo na may kani-kanya ng pamilya.
Panigurado ay namimiss ka rin nila at dadalawin ka nila r'yan sa bahay mo.
Alalahanin mo, sa edad mo na ‘yan, mas makakabuting hindi ka na maghangad pa ng karelasyon. Baka makabigat lang ‘yan sa buhay mo. Maging masaya ka na lang sa mga anak at apo mo.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo




