top of page
Search

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | August 16, 2023


Dear Sister Isabel,


Ang problemang isasangguni ko sa inyo ay tungkol sa aking anak na out of wedlock.


Yes, Sister nagkaanak ako sa labas, biyuda na ako noong panahong 'yun.


May nanligaw sa akin kamukhang-kamukha ng namatay kong asawa. Buong akala ko ay ipinadala siya sa akin ni Lord upang dugtungan ang naiwang papel ng asawa ko.


Parehung-pareho sila ng ugali at kilos kaya nahulog din ang loob ko sa kanya.


Ang hindi ko alam ay may asawa na pala siya. Buntis na ako noong nalaman kong pamilyado na pala siya.


Gayunman, binuhay ko ang anak namin, kahit na gusto niyang ipa-abort ko ito.


Sa abroad nangyari ang lahat kaya ng umuwi ako rito sa 'Pinas, buo na ang loob kong makipaghiwalay sa kanya. At buhaying mag-isa ang aming anak.


Ayokong maging dahilan ng pagkawasak ng kanilang pamilya, ngunit hindi siya pumayag.


Hindi umano mawawasak ang pamilya niya dahil maayos naman umano sila.


Nasa abroad ang kanyang pamilya, at wala na raw balak umuwi rito sa 'Pinas.


Katagalan ay napapayag niya rin ako na magsama kami, kaya lang ay kailangan kong mag-abroad muli dahil bukod sa anak namin ay may tatlo pa akong anak sa yumao kong asawa na pawang maliliit pa na kailangan ko pang buhayin at pag-aralin.


Pumayag siyang mangibang-bansa ako. Iniwan ko sa kanya ang baby ko, dahil siya naman ang ama nito.


Ang hindi ko alam ay itatakas pala niya sa akin ang anak ko. Pumunta sila sa abroad, dinala niya ang anak namin sa pamilya niya. Tinanggap naman ito ng asawa niya at tinuring na tunay niyang anak.


20 years na rin ang nakakalipas, hinanap ako ng anak ko sa Pilipinas at nagkita kami.


Hindi siya nagtampo sa akin dahil nauunawaan umano niya ang lahat. Naging masaya ang aming pagkikita. Muli siyang bumalik sa abroad sa piling ng kinalakihan niyang pamilya.


5 years na ang nakakaraan at gusto ko siyang dalawin sa abroad. Sinabihan ko siya sa balak kong pagdalaw sa kanya, pero ayaw niya akong pumunta ro'n.


Ayaw niya raw saktan ang loob ng nakalakihan niyang ina dahil napakabait daw nito sa kanya.


Ang sakit Sister Isabel, biktima lang ako ng mga pangyayari pero bakit ako ang nagdurusa?


Hindi ko naman ginusto ang lahat, tinakas siya ng daddy niya, at tinago sa akin.


Ang sakit dahil mas mahal niya 'yung nakalakihan niyang ina na para bang wala akong halaga para sa kanya na kung tutuusin hindi ko siya pinalaglag, gaya ng gustong mangyari ng ama niya noon. Kung sinunod ko ama niya, wala siya ngayon sa mundo.


Ano ang aking gagawin, Sister Isabel? Hirap na hirap na ang aking kalooban.


Nagpapasalamat,

Gemma ng Zambales


Sa iyo, Gemma,


Magmove on ka na, past is past. Walang mabuting maidudulot kung babalikan mo ang nakaraan. Kung lagi kang nakabaon sa nakaraan, hindi mo masasagap ang magagandang bagay na paparating sa iyong buhay.


Harapin mo ang katotohanan, sadyang ganyan ang buhay. May mga pangyayaring hindi natin hawak. Acceptance ang iyong kailangan, magpasalamat ka na lang at maganda ang naging kalagayan ng anak mo sa kanyang ama. Mukhang enjoy na enjoy siya ro'n kaya ayaw niyang bigyan ng sama ng loob ang nakalakihan niyang ina.


Ang mahalaga, masaya ang anak mo at nasa mabuting kalagayan. Isakripisyo mo na lang ang sarili mong damdamin. Sadyang ganyan ang mga ina, punung-puno ng sakripisyo para sa ikakabuti ng mga anak.


Move on ka na lang. Harapin mo ang bukas ng may bagong pag-asa sa hinaharap. Malay mo, nar'yan na pala sa harap mo ang nawalay mong anak at gustong makapiling ka.


Ipagdasal mo 'yan at manalig ka sa magandang plano ng Diyos.



Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


 
 

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | August 2, 2023



Dear Sister Isabel,


Sumangguni ako sa inyo dahil alam kong kayo lang ang makakatulong sa problema ko.


Dati akong nagtatrabaho sa abroad at may nakarelasyon ako ro’n pero ang usapan namin ay hanggang do’n lang ‘yun.


Pareho kaming may kani-kanyang pamilya pero nagmahalan kami noong sa abroad.


Ngayon ay nandito na kaming pareho sa Pilipinas sa piling ng aming tunay na asawa’t mga anak. Ayaw niya akong tantanan, at hanggang ngayon ay ginugulo niya pa rin ako mahal na mahal niya raw ako at mababaliw daw siya ‘pag tuluyan kong winakasan ang relasyon namin. Mabuti na lang at naniniwala sa akin ang asawa ko na hindi ko magagawang magtaksil sa kanya.


Natatakot ako na baka sa susunod na mga araw ay lalo pang lumala ang mga pangyayari kung ‘di siya titigil sa pangungulit sa akin.


Sister Isabel, ano kaya ang marapat kong gawin? Nawa’y matulungan n’yo ako sa problemang dinaranas ko sa kasalukuyan.


Nagpapasalamat, Lorna ng Batangas


Sa iyo, Lorna,


Sa aking palagay ang dapat mong gawin ay kausapin mo ang dati mong karelasyon sa abroad.


Ipaintindi mo sa kanya na may kani-kanya kayong pamilya na pansamantala ninyong iniwan noong nagtrabaho kayo sa abroad.


Tapos na ‘yun. Harapin na kamo niya ang katotohanang mas higit siyang kailangan ng tunay niyang pamilya. Walang mabuting idudulot kung hanggang dito sa Pilipinas ay itutuloy n’yo pa rin ang relasyon n’yo.


Malamang ay makasuhan pa kayo sa ginagawa n’yong kataksilan. Prangkahin mo na siya na wala ka ng pagmamahal sa kanya. Mas higit mong pahalagahan ang iyong tunay na pamilya at sana ganundin ang kanyang gawin.


Sa palagay ko naman ay makikinig siya sa iyo at matatauhan kapag nalaman niya at sa iyo mismo nanggaling na dapat n’yo ng tuldukan ang lahat.


Akala niya siguro ay matindi pa rin ang pagmamahal mo sa kanya, sabihin mo rin na handa mong ipaglaban ang iyong asawa, at baka mapatay pa siya ng mister mo kung hindi siya titigil sa panggugulo sa iyo.


Takutin mo siya, para na rin tumigil siya sa kanyang kahibangan. Ngayong nalaman na niya ang tunay mong saloobin, mapipilitan na siyang tantanan ka na at tuluyang limutin ka. Umaasa akong mailalagay na sa ayos ang buhay n’yo, at magigising na siya sa katotohanan na dapat ng tuldukan ang inyong nakaraan alang-alang sa tunay n’yong pamilya na mas higit na nangangailangan ng pagkalinga at pagmamahal.


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


 
 

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | July 31, 2023



Dear Sister Isabel,


Ang problema ko ay tungkol sa asawa ko na galing sa abroad. Nagtrabaho siya ro’n sa loob ng dalawang taon at na-extend hanggang sa umabot ng 5 limang taon.


Hindi siya nakauwi rito sa Pilipinas sa loob ng limang taon, at ngayon ay nandito na siya sa piling ng aming tatlong anak.


Napakalaki ng kanyang pinagbago. Wala na ‘yung dating sweetness niya lalo na ‘pag magkatabi kami sa gabi. Madalas siyang umaalis ng ‘di nagpapaalam, pakiramdam ko ay may iba na siyang babae.


Ano kaya ang marapat kong gawin, Sister Isabel? Hindi ko na alam kung paano ko ibabalik ang dating tamis ng aming pagsasama.


Totoo palang may kapalit ang dollar sa buhay ng isang tahimik at masayang pamilya.


Mabuti pa noong hindi siya nag-a-abroad, buo at masaya pa ang aming pamilya.


Nawa’y mapayuhan n’yo ako sa kung ano ang dapat kong gawin upang maibalik ang dati naming masaya at tahimik na pagsasama.


Nagpapasalamat,

Delia ng Pangasinan


Sa iyo, Delia,


Hindi lang ikaw ang dumaranas ng ganyan, marami kayo na naging biktima ng ganyang sitwasyon. Totoo ang sinabi mo na may kapalit ang dollar sa buhay ng isang masaya at tahimik na pagsasama ng isang pamilya.


Sa paghahangad ng dollar, ang kapalit ay ang pagwasak ng pamilya. Nandyan na ‘yan, nangyari na. Ang marapat mong gawin ay ipadama mong muli sa asawa mo ang wagas at dalisay mong pagmamahal katulad noong panahong hindi pa siya nag-a-abroad.


Makokonsensya rin ‘yan, babalik din ang dating tamis ng pag-ibig niya sa iyo. Isa pa ang sabi mo ay may mga anak kayo. Naniniwala akong kung may ibang babae man siya sa ngayon, mas mananaig pa rin ang pagmamahal niya para sa inyo.


Huwag mo na siyang awayin. Dapat maging malambing at mapagmahal ka ngayon, ipakita mo sa kanya na sa kabila ng pagkukulang niya, nar’yan ka pa rin taos-pusong nagmamahal. At higit sa lahat, ipagdasal mo siya, hilingin mo sa Diyos na hawakan ang kanyang puso’t kalooban.


Ibalik ang dating tamis at sigla ng pagtingin niya sa iyo. Think positive. Have faith in God and to yourself. Hanggang dito na lang, hangad ko ang kaligayahan at katahimikan ng inyong pamilya sa susunod na mga araw. Patnubayan nawa kayo ng Dakilang Kataas-taasan.


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


 
 
RECOMMENDED
bottom of page