top of page
Search

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | August 28, 2023


Dear Sister Isabel,


Ang problema ko ay tungkol sa pinsan ko, ulilang lubos na siya kaya napagdesisyunan ng mga magulang ko na kupkupin na lamang siya. 21 years old na ako, habang siya naman ay 23, pareho kaming wala pang dyowa.


Ramdam ko na may pagnanasa siya sa akin, may times na tsinatsansingan niya ko na kunwari ay ‘di niya sinasadya pero halata naman. Nagtapat siya sa akin, mahal na mahal niya raw ako.


Ikamamatay niya umano ‘pag hindi ako ang nakatuluyan niya, nabigla ako sa sinabi niya at kinabahan ng husto. Mula noon ay may takot na ako sa kanya, lagi na akong ninenerbiyos kapag kaming dalawa lang ang tao sa bahay, at hanggang sa nangyari na nga ang kinatatakutan ko, nirape niya ako.


Kami lang ang naiwan sa bahay noong araw na ‘yun. Wala akong nagawa dahil malakas siya, pinuwersa niya ako. Iyak ako nang iyak.


Hindi ko masabi sa magulang ko ang nangyari, pinagbantaan din niya ako na may hindi magandang mangyayari kung magsusumbong ako.


Ano ang marapat kong gawin, Sister Isabel, nawa’y matulungan n’yo ko.

Nagpapasalamat,

Beth ng Camarines Sur

Sa iyo, Beth,


Huwag mo nang patagalin pa ang iyong problema, lakasan mo ang iyong loob at sabihin mo na sa iyong magulang kung ano ang totoong nangyari, dahil baka masundan pa ‘yan, at mas masaklap pa kung mabubuntis ka niya. Huwag kang matakot, dahil hindi niya magagawa ‘yun.


Ngayon din ay kausapin mo ang magulang mo at sabihin mo ang lahat ng naganap sa inyo ng pinsan mo noong araw na kayo lang ang naiwan sa bahay. Natitiyak kong mauunawaan ka nila, maaawa sila sa iyo at gagawa sila ng paraan upang matigil na ang kawalang-hiyaan ng pinsan mo.


Anuman ang susunod na mangyayari ay tanggapin mong maluwag sa iyong kalooban at muli kang mamuhay ng normal, ipanatag mo ang iyong isipan.


Umasa kang malulutas lahat ng problema mo sa tulong ng mga magulang mo na tunay na nagmamahal sa iyo bilang anak nila na nasadlak sa mabigat na problema.

Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


 
 

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | August 23, 2023


Dear Sister Isabel,


Nawa’y lagi kayong masaya at ligtas sa anumang uri ng karamdaman. Sumangguni ako sa inyo dahil alam kong mabibigyan n’yo ko ng tamang payo ukol sa problemang dinaranas ako ngayon.


May dyowa ako ngayon, muslim at nabibilang siya sa mataas na angkan sa lipunang kanyang ginagalawan.


May kaya siya sa buhay, at dalawa na ang nauna niyang asawa, kung papayag umano akong maging bahagi ng kanyang buhay ay magiging pangatlo na ako. Mahal ko siya kaya pumayag akong maging 3rd wife, pero napakahirap pala ng ganitong sitwasyon.


Ngayon ko lang nalaman na napakaseloso at nananakit din pala siya. Ang tingin niya sa akin ay parang kasangkapan o laruan na puwede niyang gawin kung ano ang gusto niyang naisin.


Hindi ko maramdaman sa kanya ang pagmamahal na hinahanap ko sa magiging asawa ko.


Gusto ko na siyang hiwalayan pero natatakot ako na baka bugbugin niya na naman ako.


Sister Isabel, ano ba ang dapat kong gawin? Hirap na hirap na ako sa piling ng asawa kong muslim. Nawa’y mabigyan n’yo ako ng kaukulang payo sa problemang kinakaharap ko.


Nagpapasalamat,

Thelma ng Sorsogon


Sa iyo, Thelma,


Ayan na nga ba ang sinasabi ng matatanda tungkol sa pag-aasawa. Makakabuting sabihin mo sa mga magulang ng asawa mo ang dinaranas mo sa piling ng kanilang anak, sila ang kakausap sa anak nila upang maging maayos ang relasyon n’yo.


Sa kaugaliang Muslim, malaki ang respeto ng mga anak sa kanilang magulang, susundin nila ito sa lahat ng bagay na inuutos sa kanila. Sabihin mo na rin na gusto mo nang makipaghiwalay, hindi mo na umano kayang pakisamahan ang kanilang anak.


Sa ganyang paraan, aayusin ng mga magulang niya ang lahat. Sa palagay ko naman ay hindi na makakatutol ang asawa mong muslim kung ang mga magulang niya mismo ang makikiusap sa kanya.


Tutal naman ay may dalawa pa siyang asawa bukod sa iyo, gawin mo na ito agad bago pa lumala ng husto ang pambubugbog at pagmamaltrato sa iyo.


Lakip ko ang dalangin na maging maayos ang pakikipag-usap ng mga magulang ng asawa mo sa kanilang anak. Lahat ng problema'y may kalutasan, huwag kang masyadong malungkot. May awa ang Diyos, lapitan mo siya at matuto kang magdasal upang maging magaan ang mga pasanin mo sa buhay.


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


 
 

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | August 21, 2023


Dear Sister Isabel,


Biyuda na ako at mag-isa na lang ako sa bahay. May kani-kanya ng pamilya ang mga anak ko at may sarili na ring bahay.


Bagama’t 65-years-old na ako, mukha pa rin naman akong bata. Nangungulila at malungkot ako ngayon, kaya naisipan kong humanap ng kaibigan online, kung mauuwi man sa pakikipagka-ibigan ay puwede rin naman tutal biyuda naman na ako.


Madali akong nakahanap ng kaibigan, ang sabi niya sa akin ay 60-anyos na siya, pero nang magkita kami ay napakabata pa niya, 35-anyos lang pala, at pogi rin naman.


Tinanong ko siya, kung bakit siya nagkunwaring senior citizen, at diniretso ko siya na ayokong makipagkaibigan sa bagets, at wala akong balak makipaglaro.


Kung sasabihin niya raw ang tunay niyang edad tiyak na hindi ako makikipagkita sa kanya.


Ang hinahanap daw kasi niya ay ‘yung matured at may edad na gaya ko. ‘Yun daw ang gusto niyang makasama habambuhay, hanggang sa nasundan pa ang aming pagkikita.


Ginawa niya ang lahat para mapa-ibig ako, nakita ko naman ang pagiging sincere niya kaya tinanggap ko na rin siya bilang boyfriend ko.


Balak na sana namin magpakasal, pero tutol ang mga anak ko. Ayaw nilang maniwala sa pagmamahalan namin.


Nagbanta pa ang aking mga anak na ‘di na umano nila ko dadalawin kahit kailan kapag pumayag akong ikasal sa lalaking ‘yun, at itatakwil daw nila ako bilang kanilang ina.


Ano ang gagawin ko, Sister Isabel? Mahal na mahal ko ang boyfriend ko kahit na sabihin pang malayo ang agwat ng edad namin, mahal ko rin ang mga anak ko, kaya hindi ko matatanggap kung itatakwil nila ako bilang kanilang ina.


Sana ay mapayuhan n’yo ako sa kung ano ang dapat kong gawin.


Umaasa,

Linda ng Tanay, Rizal


Sa iyo, Linda,


Kung ano ang tinitibok ng puso mo, iyon ang sundin mo. Tutal nag-iisa ka na sa buhay at talagang kailangan mo nang isang magmamahal sa iyo.


Kung sa palagay mo ay mahal ka talaga ng boyfriend mo, ituloy n’yo pa rin ang inyong planong pagpapakasal.


Sa paglipas ng mga araw, nakita ng mga anak mo, tunay ka palang mahal ng lalaking pinakasalan mo, maiintindihan ka na rin nila at babalik ang pagmamahal at respeto nila sa iyo.


Pagdating sa pag-ibig, lahat ay pantay-pantay basta’t nagmamahalan ang dalawang tao. ‘Ika nga nila, age doesn’t matter.


Hangad ko ang kaligayahan mo sa piling ng iyong magiging asawa na makakasama mo habambuhay. Pagpalain nawa kayo ng Dakilang Kataas-taasan.


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


 
 
RECOMMENDED
bottom of page