ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig |September 18, 2023
Dear Sister Isabel,
Shout out sa inyo r’yan sa Bulgar, nalulungkot ako kapag ‘di ko nakikita ang column n’yo, ito na kasi ang inaabangan ko araw-araw.
Ang kuwento ng buhay at pag-ibig ko ay ganito, masakit pa rin sa akin ang nangyari sa amin ng ex-girlfriend ko. Halos limang taon ang relasyon namin at nagre-ready na rin kami nu’n para sa aming kasal, nang bigla siyang magpakasal sa ibang lalaki.
Hanggang ngayon, dala-dala ko pa rin ang kabiguan, kahit na isang taon na rin ang nakakalipas, at may mga anak na rin siya. Napakasakit pa rin sa akin, hindi ko alam kung paano ako makaka-move on. Nawalan tuloy ako ng ganang makipagkaibigan sa mga babae.
Feel ko tuloy ginagawa lang nilang laruan ang pakikipagrelasyon. Naging woman hater tuloy ako, paano ko kaya matatakasan ang ganitong sitwasyon? Dahil hanggang ngayon, aminado akong mahal ko pa rin ang ex-girlfriend ko.
Ano ang dapat kong gawin Sister Isabel, para makalimutan ko na siya? Hihintayin ko ang payo n’yo.
Nagpapasalamat,
Gilbert ng Makati
Sa iyo, Gilbert,
Salamat sa tiwalang binigay mo sa akin upang mapayuhan ka sa kasalukuyan mong problema.
Ang pag-ibig ay puwede mong maramdaman hindi lang sa isang tao, dahil puwede mong mahalin ang sinuman. Hindi porke nagka-girlfriend ka ng halos limang taon, siya na mismo ang mapapangasawa mo. Hindi ganyan ang buhay, kung sino ang itinakda sa iyo ng Diyos, ‘yun ang makakatuluyan mo kahit na 1 buwan mo palang siyang nakikilala.
‘Yun ang tinatawag na destiny, kung sino nakatakdang makakatuluyan mo, darating at darating ‘yan sa takdang panahon. Tinakda ito ng tadhana kaya tanggapin mo na maluwag sa iyong kalooban, hindi ang ex-gf mo ang destiny mo, dahil may inilaan sa iyo ang tadhana na siyang makakasundo at mamahalin mo habambuhay.
Maaaring iniligtas ka lang ng Diyos sa babaeng ‘yun dahil alam niya na hindi ka liligaya sa kanya kung kayo na ang magkakatuluyan.
Bibigyan ka ng Diyos ng ka-swak mo, na kung saan magiging maligaya ka sa piling ng inyong mga anak. Pero, kung ‘di ka pa maka-move on, hindi pa ibibigay ni Lord ang katapat mo. Kaya kung ako sa iyo, mag-move on ka na. Limutin mo na ang malungkot mong nakaraan.
Walang mabuting idudulot kung lagi kang nakabaon sa nakaraan. Limutin mo na siya, sapagkat, habang nakabaon ka sa malungkot na bahagi ng iyong nakaraan, hindi mo pa rin masasagap ang paparating na suwerte na matagal ng nakalaan sa iyo.
Pero, once na maka-move on ka na, darating na rin ang itinakdang babae para sa iyo.
Hanggang dito na lang. Hangad ko ang iyong kaligayahan sa susunod na mga araw.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo




