ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig |September 29, 2023
Dear Sister Isabel,
Nabiyuda ang nanay ko sa edad na 35-anyos. 4 years pa lang silang nagsasama noon ng tatay ko nang biglang maaksidente ito.
Wala pang isang taon na namatay ang tatay ko, napansin ko na parang may kapalit na agad siya sa puso ng aking ina at hindi nga ako nagkamali, dahil noong babang luksa ng tatay ko, sa amin na tumira ang lalaking pinalit ng nanay ko.
Ang problema ko, Sister Isabel, ay palagi siyang nakatingin sa akin. At sa tuwing lumalapit siya, masyado niyang dinidikit ang katawan niya sa akin. Hindi ito nahahalata ng nanay ko dahil lagi siyang wala sa bahay. Nagtitinda siya ng mga prutas sa palengke. Hanggang isang araw bigla na lang pinasok ng stepdad ko ‘yung kwarto ko. Pinagtangkaan niya akong halayin, hindi ako nakasigaw dahil tinalian niya ko sa bibig hanggang sa tuluyan niya nang nakuha ang pagkababae ko.
Ni-rape niya ako at binantaan na ‘wag na ‘wag umano ako magsusumbong lalo na sa aking ina, dahil papatayin umano niya kaming lahat.
Napilitan akong manahimik pansamantala, pero nang magkaroon ako ng pagkakataon, pinagtapat ko ito sa aking ina. Ang pinagtataka ko, hindi niya ako pinaniwalaan.
Ang sama ng loob ko, Sister Isabel, dahil mas pinaniniwalaan pa niya ‘yung gumahasa sa akin.
Ngayon, nagbabalak akong lumayas. Tama ba ang gagawin ko? Nawa’y mapayuhan n’yo ‘ko sa dapat kong gawin. Hihintayin ko ang payo n’yo.
Nagpapasalamat,
Bernadette ng Malolos, Bulacan
Sa iyo, Bernadette,
Huwag mo nang patagalin pa ang problema mo. Ngayon din ay umalis ka na sa bahay n’yo, lalo na’t ayaw ka namang paniwalaan ng nanay mo. Lumapit ka sa tita mo at sabihin mo ang lahat ng nangyari. Natitiyak kong hindi ka niya pababayaan. Tutulungan at poprotektahan ka niya laban sa stepdad mo.
Malamang kasuhan pa niya ang kinakasama ng nanay mo. Ang mahalaga, ‘di na maulit ang panghahalay niya sa iyo. Mabuti na lang at hindi ka niya nabuntis.
Kumilos ka na agad, umalis ka na r’yan at humingi ka ng tulong sa tita mo. Umaasa akong malulutas na ang problema mo. Lagi kang tumawag sa Diyos. Mahalaga ang pagiging madasalin sa buhay ng isang kagaya mo. Pagpalain ka nawa ng Panginoon.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo




