- BULGAR
- Oct 8, 2023
ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | October 08, 2023
Dear Sister Isabel,
Nabibilang kami sa mahirap na angkan. Kumbaga, ang aming pamumuhay ay isang kahig, isang tuka lamang. Wala na yatang kaligayahan na naghihintay sa amin.
Ang tatay ko ay mahilig magsabong gayung tricycle driver lang naman ang trabaho niya, habang ang nanay ko ay isang labandera. Tatlo kaming magkakapatid, at ako ang panganay.
Tinutulungan ko ang nanay ko sa pagtanggap ng labahin mula sa aming kapitbahay. Sawang-sawa na ako sa ganitong sistema ng aming buhay.
Elementary lang ang natapos ko, napilitan na akong huminto sa pag-aaral dahil wala na silang panggastos sa aking matrikula at iba pang gastusin sa iskul pati na rin ang aking baon at pamasahe.
Hindi ko mapigilang umiyak araw-araw. Madalas, sumasagi sa isip ko na wakasan ko na lang kaya ang buhay ko? Dahil mabuti pa sa langit, walang nagugutom, payapa at mapapanatag pa ako.
Ano kaya ang dapat kong gawin upang makayanan ko ang kalagayan namin ngayon?
Anumang oras gusto ko nang wakasan ang buhay ko, tulungan n’yo ako upang hindi ko na ituloy ang binabalak ko.
Nagpapasalamat,
Baby ng Bataan
Sa iyo, Baby,
Think positive, ang buhay ay paikut-ikot lang. Walang permanente sa mundo. Huwag kang masyadong malungkot sa kalagayan n’yo.
Mas malala pa nga ang problemang kinakaharap ng iba pero nakakayanan nila. Hindi ba? Ang mahalaga, walang may sakit sa inyo. Lahat kayo ay malusog at lumalaban sa hirap ng buhay.
Mabuti nga kung nauna ang hirap kaysa na nasa itaas ka kaagad tapos bigla kang babagsak. Mas masakit ‘yun, ‘di ba?
Ganyan ang buhay sa mundo. Matuto kang sumayaw sa tugtog. Ibig sabihin, harapin mo ng buong tapang lahat ng sitwasyong dumarating sa iyo. Hindi natutulog ang Diyos.
Isang araw magugulat ka na lang, dahil nand’yan na sa harapan mo ang kaligayahang minimithi mo. Lagi mong isaisip ang Diyos ay makatarungan. Paparating na sa iyong pintuan ang katuparan ng iyong mga pangarap.
Huwag ka mawawalan ng pag-asa, dahil habang may buhay may pag-asa, ugaliin mong magsimba tuwing Linggo. Mararamdaman mo, gagaan na rin ang iyong buhay.
Itigil mo na ang pag-iisip ng ganyang bagay. Hindi iyan ang solusyon, physical body mo lang ang mawawala, samantalang ang iyong isipan ay mananatili pa ring buhay na buhay, pagala-gala sa mundo, hindi na makakapagsaya, at ‘di ka na puwedeng bumalik para maranasan ang gantimpala ng iyong pagpupunyagi.
Nawa’y naliwanagan ka sa nailahad ko sa iyo. Life is what we make it. Nasa atin kung paano tayo liligaya sa buhay at kung paano natin haharapin ang mga pagsubok. Higit sa lahat matuto tayong tawagin ang Diyos. Prayer is the key.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo




