top of page
Search

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | October 23, 2023

Dear Sister Isabel,


Isa akong Overseas Filipino Worker (OFW). 35-anyos palang ako ay nabiyuda na 'ko, kaya nag-apply ako sa Dubai para matugunan 'ko ang pangangailangan ng tatlo kong anak at para na rin makapag-aral sila sa mahusay na paaralan.


One month palang ako ru'n ay niligawan na ako ng kasamahan ko sa trabaho.


Surprisingly, kahawig na kahawig niya ang yumao kong asawa, kaya madali rin akong napaibig sa kanya.


Sa loob-loob ko ay binuhay muli ni Lord ang asawa ko sa katauhan ng taong ito, hindi rin nagtagal ay nabuntis ako. Ngunit sa kasamaang palad, pamilyado na pala siya.


Iniwasan ko siya, 'wag ko lang mawasak ang kanyang pamilya.


Nag-resign ako at dali-daling umuwi rito sa 'Pinas. Nang malaman niyang umuwi ako, agad niya 'kong sinundan, at nag-resign din siya para hanapin ako.


Tinago ako ng tatay ko, pero 'di rin nagtagal ay pinakita rin niya kami, naawa umano 'yung tatay ko sa kanya. Para kasing masisiraan na siya ng bait sa kakahanap sa akin.


Handa niya umanong iwan ang kanyang tunay na pamilya, at ang sabi niya sa tatay ko ay matagal na silang separated ng misis niya na ngayon ay nasa abroad.


Naniwala ang ama ko, kaya kalaunan ay tinanggap na rin siya sa amin. Umuwi kami sa Mindanao, kung saan nandu'n ang kanyang mga kapatid. At du'n ko isinilang ang aming anak.


Tanggap naman ako ng pamilya niya kaya lang ay 'di ko talaga matanggap na kabit lang ako. Nagbabanta na rin 'yung legal wife niya idedemanda kami.


Ano'ng gagawin ko? Tuluyan ko na bang hiwalayan ang ama ng anak ko na siyang asawa ko sa kasalukuyan? Napamahal na siya sa akin at maayos naman ang buhay namin.


Nagpapasalamat,

Tess ng Mindanao


Sa iyo, Tess,


Mas makakabuting kausapin n'yo nang maayos si legal wife. Huwag n'yo siyang pagtaguan. Lahat ng bagay ay nakukuha sa magandang usapan. Sa palagay ko naman ay mauunawaan din niya kayo.


Magkaroon kayo ng arrangement kung ano'ng mas makakabuti para sa inyong lahat.


Nasa iyo rin ang desisyon kung papayag kang maging kabit niya habambuhay. Kung kaya mo ang ganyang kalagayan ay nasa iyo na 'yan. Ang mahalaga tanggap ng misis niya na dalawa kayo sa buhay ng mister niya. Kung hindi mo kaya ang ganyang sitwasyon, hiwalayan mo na ang ama ng anak mo, at humingi ka na lamang ng sustento sa kanya. Nasa pag-uusap n'yo 'yan. Umaasa akong malalagay sa ayos ang lahat para sa ikakabuti n'yo.


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


 
 

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | October 22, 2023

Dear Sister Isabel.


Kung sino pa ‘yung kaibigan mo, siya pang tatraydor sa iyo, hindi ko sukat akalain na itong bestfriend ko mula pagkabata ang aagaw sa pinakamamahal kong asawa at ama ng aking tatlong anak.


Nahuli ko sila na nag-check-in sa hotel. Gayunman, na-control ko ang sarili ko. Hindi ako nag-iskandalo. Umuwi ako ng bahay at para bang sasabog na ang aking dibdib dahil sa natuklasan ko.


Pagdating sa bahay, du’n ko sinita ang asawa ko. Ayaw niyang aminin dahil hindi raw siya ‘yun, at baka raw kamukha lang niya. Ganu’n pala ang mga lalaki, ‘no? ‘Yun bang kahit huli na sila sa akto, lulusot at lulusot pa rin. Galit na galit ako, at gusto ko na siyang hiwalayan pero ayaw niyang pumayag.


Kalaunan, umamin rin siya, at nangakong hindi na mauulit ang lahat. Subalit, sinundan ko muli siya, at nahuli ko na naman silang nagda-date.


Ano ba ang dapat kong gawin? Hindi ko na kasi masikmura ang ginagawang pagtataksil ng asawa ko. Sister Isabel, hindi ko na kaya. Nawa’y mapayuhan n’yo ako sa problema kong ito.


Nagpapalasamat,

Isabelita ng Masbate.


Sa iyo, Isabelita,


Nakikisimpatya ako sa iyo, ganyan talaga karamihan sa mga lalaki, ‘yun bang huli mo na sa akto ngunit pilit pa ring magpapalusot. Huminahon ka, hindi ka nag-iisa sa problema mo, dahil bahagi ito ng buhay may asawa.


Marami kayong mga babae na niloloko, pero bakit nakakayanan naman ng iba? Kung kaya nila, puwes, kaya mo rin. Kausapin mo nang masinsinan ang asawa mo. Kung hindi pa rin siya titigil sa pagtataksil, bigyan mo na siya ng leksiyon. Layasan mo siya, pero ‘yun pansamantala lang.


Sa palagay ko ay tuluyan na niyang ititigil ang pagtataksil na ginagawa niya sa iyo ‘pag nakita niyang mahirap pala ang iwanan ng tunay na asawa. Kung makikiusap siya sa iyo, bigyan mo siya ng isa pang pagkakataon. Hayaan mong ipakita niya na nagbago na talaga siya, at yayain mo rin siyang mag-join sa samahang pansimbahan tungkol sa mag-asawa.


Sa palagay ko, ru’n siya mamumulat sa katotohanang walang ibang dapat mahalin at pag-ukulan ng pansin kundi ang sariling pamilya. Gawin n’yong sentro ng pagsasama ang Diyos. Makikita mo, malaking pagbabago ang magaganap sa buhay n’yo at baka gamitin din kayong instrumento ng Diyos upang mas maging matatag.


Taos-puso ko kayong pagdarasal sa Poong Maykapal, nawa’y maging huwaran kayo, kung paano binago ng Diyos ang inyong buhay at lalo pa itong pinabanal. Gawin mo na ito ngayon, yayain mo na ang iyong asawa na magsimba tuwing Linggo at sumali kayo sa samahang pansimbahan tungkol sa mag-asawa.

Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


 
 

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | October 20, 2023

Dear Sister Isabel,


Gusto kong ibahagi sa inyo ang kuwento ng aking buhay. Hindi ko maintindihan, Sister Isabel, kung bakit lagi akong nakakainggitan, gayung hindi naman ako mayaman, at hindi rin naman magarbo ang buhay ko.


Napipilitan tuloy akong magpalipat-lipat ng trabaho. Kahit na ganu’n, patuloy pa rin nila akong kinaiinggitan.


Ano kaya ang dapat kong gawin para makaiwas na ‘ko sa intriga at para ‘di na muli pang kainggitan? Hihintayin ko ang payo n’yo.

Nagpapasalamat,

Gloria ng Makati

Sa iyo, Gloria,


Maraming salamat sa pagkonsulta at pagtiwala mo sa payo ko. May mga tao talagang “intriguing personality” at isa ka sa mga ‘yun. Huwag mo silang pansinin at dedmahin mo na lang.


Magsasawa at kusang titigil din ‘yan. Ang mahalaga, panatilihin mong mababa ang iyong loob, mapagpaumanhin sa iyong kapwa, may malawak na pang-unawa at mahaba ang pasensya sa anumang sitwasyon.


Mapalad ang taong may mabuting kalooban, tiyak na pagpapalain ka sa buhay. Huwag na huwag kang makipag-away, bagkus, kaibiganin mo ang mga taong naninira sa iyo.


Mahirap ito gawin pero nakakatiyak ako na kakayanin mo ito. Kapag nagawa mo ‘yan, sila mismo ang mapapahiya.


‘Yan ang pinakamaganda mong gawin. Pagpalain ka nawa ng Diyos at patuloy na magtagumpay sa iyong buhay.

Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


 
 
RECOMMENDED
bottom of page