ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | November 4, 2023
Dear Sister Isabel,
Hindi ko alam kung paano ko uumpisahan ang problemang isasangguni ko sa inyo.
Nagsimula ito nang makilala ko ang isang magandang babae sa mall, na-attract ako sa kanya. Mag-isa lang siyang nagbo-board dito sa Manila, at nagtatrabaho siya bilang kahera sa isang mall.
Naging malapit kami sa isa’t isa hanggang sa tuluyang maging kami. Madalas kaming mag-date, at dumating na nga sa puntong nabuntis ko siya. Ang pinoproblema ko ay baka hindi siya matanggap ng pamilya ko. Nabibilang ako sa mayamang angkan habang siya naman ang bread winner ng kanilang pamilya.
Sinubukan ko siyang ipakilala sa parents ko pero laking gulat ko sa aking natuklasan, dahil ang babaeng iniibig ko ay isa ko palang kapatid sa ama.
Nabuntis ng ama ko ang nanay niya noong kapwa sila nagtatrabaho sa abroad at siya ang naging bunga.
Hindi malaman ng parents ko kung ano ang gagawin. Nabigla din ako at parang masisiraan ng bait maski ang girlfriend ko ay gayundin. Napagpasyahan ng parents ko na paghiwalayin kami sa ayaw at sa gusto namin. Hindi kami puwedeng magsama bilang mag-asawa dahil magkapatid kami. Pareho ang dugong nananalaytay sa amin at may posibilidad na lumaking abnormal o special child ang aming magiging anak.
Ano ang dapat kong gawin para makayanan ko ito? Nawa’y magabayan n’yo ako, Sister Isabel.
Nagpapasalamat, Lauro ng Bataan
Sa iyo, Lauro,
Sadyang napakabigat ng problema mo. Sa dinami-rami ng babae sa mundo, kapatid mo pa ang nabuntis mo, well, hindi mo naman kasalanan dahil hindi mo naman talaga alam na kapatid mo pala siya.
Makakabuting harapin mo ang katotohanang hindi talaga kayo puwedeng magsama bilang mag-asawa dahil magkapatid kayo. Magiging abnormal ang inyong magiging anak dahil iisang dugo lang ang nananalaytay sa inyo. Sadyang mapagbiro ang tadhana, tanggapin mo na lang sa puso’t isipan mo na biktima ka ng mapagbirong tadhana.
Dumalangin ka sa Diyos upang makayanan mo ito. Siya ang gagawa ng paraan upang matanggap mo nang maluwag sa iyong kalooban ang mga pangyayari.
Naniniwala ako sa lalong madaling panahon, kikilos ang tadhana para sa inyong dalawa.
Taimtim na panalangin ang kalutasan sa problema mo. Huwag kang magsawang dumalangin sa Diyos na makapangyarihan sa lahat. Ilalagay niya sa ayos ang lahat basta’t patuloy kang magdasal at manalig na walang halong pag-aalinlangan. Hanggang dito na lang, hangad ko ang maagang kalutasan ng iyong problema sa tulong ng Diyos Ama sa Langit. ‘Di magtatagal, magiging maayos din ang inyong buhay sa hinaharap.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo




