- BULGAR
- Nov 13, 2023
ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | November 13, 2023
Dear Sister Isabel,
Kakaiba ang kuwento ng buhay at pag-ibig ko. Maaaring hindi kayo maniwala pero totoo ang aking ibabahaging kuwento. Ako, ang unang asawa ng husband ko. Kasal kami pero dahil mahilig sa babae ang mister ko, nagkaroon siya ng pangalawang asawa at tinira niya sa bahay. Kaya ang ending, dalawa na kaming asawa niya. Wala akong ibang magawa dahil siya ang gumagastos dito sa bahay.
Ang mas masakit pa, ‘di pa siya nakuntento sa amin, at kumuha pa uli siya ng isa pa.
Mabuti na lang, hindi ako inaaway nu’ng dalawa dahil alam nila na kabit lang sila.
Parang hindi ko na kaya ang ganitong sitwasyon. Hindi ko na masikmura na tatlo kami sa puso ng asawa ko na nagsasama-sama sa iisang bahay. Kahit pa sabihin na hindi kami kinakapos, sunod sa layaw ang bawat isa sa amin. Gusto ko na sanang umalis dito at hiwalayan na lang ang asawa ko. Handa naman ang isa kong anak na kalingain ako. May sarili na itong pamilya at nakakaluwag-luwag din sa buhay. Ano ang dapat kong gawin, dapat ko bang ituloy ang pakikipaghiwalay sa mister ko? Sana mapayuhan n’yo ako.
Nagpapasalamat,
Inday
Sa iyo, Inday,
Mapagpalang buhay sa iyo. Sadyang kakaiba ang kuwento ng buhay at pag-ibig mo.
Kung hindi mo na masikmura ang kalagayan mo r’yan sa bahay n’yo na kung saan nand’yan din ang dalawa pang asawa ng mister mo. Makabubuting ituloy mo na ang balak mong pakikipaghiwalay sa kanya. Tutal may anak ka naman na handang sumuporta sa iyo at kaya kang kupkupin. ‘Yun nga lang, mag-isip-isip ka munang mabuti at 'wag kang magpadalus-dalos. Tanungin mo muna ang iyong sarili kung talagang kaya mong iwan ang asawa mo. Kung sa kabuhayan naman, ikaw ang legal na asawa, ikaw pa rin ang may karapatan du’n at hindi ang mga kabit niya.
Hangad kong maliwanagan kang mabuti sa iyong binabalak nang sa gayun ay matagpuan mo na ang katahimikan ng puso’t isipan mo. Mapagtatanto rin ng iyong mister ang kalokohang ginagawa niya. Hanggang dito na lang, gabayan ka nawa ng Dakilang Kataas-taasan. Ibulong nawa ng Diyos ang marapat mong gawin.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo




