top of page
Search

ni BRT @News | September 17, 2023



ree

Iminungkahi ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na itigil muna ang online registration ng SIM card habang hindi umano naaayos at nalilinis ang listahan ng mga nakatala.


Ginawa ng ahensya ang mungkahi matapos nilang matuklasan na nakakalusot sa rehistro maging ang pekeng address, larawan at pangalan ng cartoon characters.


Ayon kay PAOCC executive director Undersecretary Gilbert Cruz, nakakumpiska sila ng makina na nabibili online na kayang gumawa ng 64 SIM cards sa loob lang ng tatlong minuto.


“Siguro po for the meantime — suggestion lang po ito sa amin — huwag muna natin gamitin 'yung ating SIM registration, 'yung mga bago lang na magpaparehistro,” sabi ng opisyal sa isang panayam.


Dapat umanong suriing mabuti ng mga telecommunication companies (telcos) at awtoridad ang mga nakasaad na impormasyon ng mga nakatala sa mga inirehistrong SIM card para maalis ang mga pekeng impormasyon.


“Habang nakatigil 'yung pagrerehistro online ay salain na po nila. Kagaya ng sinabi ko physically, manually puwede nilang makita 'yung mga dapat tanggalin at imbestigahan na 'yung mga iyon,” anang opisyal.


Iminungkahi rin ni Cruz na magkaroon ng department o executive order na nagpapahintulot sa telecommunication firms na i-cross-check ang mga ID na ginagamit sa pagpaparehistro.


Samantala, binigyang-diin naman ni Senadora Grace Poe na ang pagpapatupad ng mandatory SIM registration ang nakikita niyang pangunahing problema sa pagtaas ng cases ng scamming sa bansa.


Tinutulan ni Poe ang mungkahi ng PAOCC na suspendihin muna ang online registration ng SIM Cards.


Dagdag pa niya, tila ang pagsususpinde nito ay nagpapakita lamang ng pagsuko ng bansa kung saan maaari naman umano itong resolbahin ng gobyerno at ng mga telco.



 
 

ni Mai Ancheta @News | September 15, 2023



ree

Inilantad ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang pagiging maluwag ng telecom companies sa rehistrasyon ng SIM card kaya hindi pa rin natutuldukan ang problema sa text scam at spam messages.


Sa isang press briefing, ipinakita ni PAOCC Undersecretary Gilbert Cruz na sablay ang ginawang registration sa mga telco companies dahil nakalusot pa rin ang mga hindi totoong impormasyon sa pagpaparehistro ng SIM card.


Kulang aniya ng security features ang mga telco dahil nakalusot sa registration ang picture ng cartoon character na si Bert Simpson.


Sa ginawang live demonstration sa Camp Crame, nakapag-fill up din ng personal na impormasyon sa website ng telcos kahit puro letra tulad ng X, Y, at Z lamang ang gagamitin na tinanggap din sa registration.


Dahil dito, iminungkahi ni Cruz sa mga telco ang person-to-person evaluation sa mga may-ari ng SIM card, at pinayuhan ang mga telco na mahigpit na ipatupad ang KYC o "know your client" approach para hindi mapalusutan ng mga scammer.



 
 

ni Mylene Alfonso @News | September 7, 2023



ree

Nabuking sa pagdinig ng Senado na kahit mukha ng unggoy ay kayang lumusot sa SIM card registration matapos makalusot ang mukha ng nakangiting unggoy na nakalagay sa identification card na kunwaring nagpaparehistro.

Sa pagdinig nitong Martes ng Senate Committee on Public Services na pinamumunuan ni Senador Grace Poe kaugnay sa implementasyon ng SIM Registration Law, ibinunyag ni National Bureau of Investigation-Cybercrime Division Chief Jeremy Lotoc na bumili ang kanyang grupo ng mga SIM card sa iba't ibang telco at sinubukan nila itong irehistro gamit ang ID na may mga mukha ng hayop at iba't iba ang pangalan.

"We entered the face of an animal and different names. Natanggap pa rin," pahayag ni Lotoc, na nagpakita ng ID na may mukha ng nakangiting unggoy.

Sinubukan din nilang i-testing ito gamit ang iba't ibang telecommunications company noong Lunes nang gabi bilang bahagi ng kanilang imbestigasyon.

Ayon sa opisyal, nahihirapan ang mga awtoridad na hanapin ang mga suspek na gumagamit ng SIM card sa iregularidad dahil sa hindi maaasahang impormasyon na nakalagay tungkol sa taong nakarehistro na may-ari ng SIM.

Marami umanong iniwasan ang implementing rules and regulation sa SIM Regulation Act tulad ng Data Privacy Law.

Dahil dito, kaunting detalye lang umano ng aplikante ang kanilang hinihingi.


Bukod sa mababa rin umano ang parusa sa lalabag.


Ayon sa National Telecommunication Commission, sa kabila ng SIM Registration Act ay nakatanggap pa rin sila ng 45,000 na reklamo sa text scam.


Bunsod nito, inirekomenda ni Poe na amyendahan ang IRR ng batas upang maisama ang facial recognition.


"It's actually looking like what we have now is not really sufficient so we will have to go back to the drawing board and probably with the cooperation of the NTC, maybe we can amend the IRR," diin ni Poe.


Nagsagawa ng pagdinig ang komite dahil sa patuloy na mga reklamo ng text scam sa kabila ng ipinatupad na batas na SIM registration.


"Gumawa tayo ng batas pero mukhang nagkukulang sa implementasyon," hirit pa ng senadora.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page