ni Mercy Lejarde @Showbiz Talkies | November 18, 2025

Photo: IG
“Ang bawat ngiti ninyo ang nagbibigay-lakas at saya sa akin,” ito ang sinabi ng aktor na si Sen. Robin Padilla sa kanyang Facebook (FB) page post para sa kanyang mga anak na sina Isabella at Gabriela, na nagdiwang ng kaarawan kamakailan lang.
Wika ni Sen. Robin, “Maligayang kaarawan, Isabella at Gabriela.
“Mga anak, ang bawat ngiti ninyo ang nagbibigay ng lakas at saya sa akin. Kahit mabilis ang inyong paglaki, sa puso ni Tatay ay kayo pa rin ang mga munting anghel na nagbibigay-inspirasyon at dahilan para ako’y magsumikap sa araw-araw.
“Patuloy lang kayong maging mabait at masayahin. Nandito lang si Tatay sa bawat hakbang ninyo sa buhay. Mahal na mahal ko kayo.”
Kuwento pa ni Sen. Robin sa post niya, “Bismillah. Sa aking pagninilay-nilay ng aking buhay, sa iba’t ibang panahon, yugto at kabanata, nagdaan ang mga mukha ng mga kaibigan, may malalapit, may pansamantala at pana-panahon.
“Ngunit noong dumating ang pandemic, naputol ang lahat ng komunikasyon at sa tindi nito ay nagkanya-kanya ang mga pamilya, naging survival mode ang lahat.
“Sa buong panahon ng pandemic, si Isabella lamang ang naging kasama ko buong araw. Sa gabi lang kami nagkakahiwalay dahil sa nanay n’ya s’ya natutulog, pero paggising pa lang n’ya, nasa kuwarto ko na ‘yan at nakababad.
“Nag-aaral kami ng planets, dinosaur, alphabet, basic math at exercises, mga laro namin na nagpanumbalik sa akin sa aking pagkabata.
“Inalala ko tuloy ang panahon ng bata ako, mga kaibigan sa kalsada na walang kahit anong hangad kundi makasama, makapaglaro at maging masaya.
“Napakapalad ko, Alhamdulillah, purihin ang Panginoong Maylikha. Naging halos 2 taon na naging pinakamasaya ang buhay ko, literal kasi na umikot lang ang mundo ko sa bahay dahil sa pandemic.
“At sa edad ko na ‘yun, nakabalik ako sa pagkabata. Allah hu Akbar! (ang Diyos ay pinakadakila).
“After the pandemic, when your nanay brought you to the regular school, that was my first heartbreak. I cried like a kid. Till now my heart bleeds but I am very happy for you.
“Lumalaki ka na, kambal ng nanay mo. Always remember, you are my only best friend. I love
you. Happy birthday.”
Well, kakaiba talaga si Sen. Robin Padilla, napakabait na ama. Sana all ay katulad niya.
Anyway, happy birthday sa mga kamukha ng magandang aktres na si Mariel Rodriguez Padilla na sina Isabella at Gabriela.
INILUNSAD na ng ABS-CBN ang star-studded 2025 Christmas ID nito na pinamagatang Love, Joy, Hope: Sabay Tayo Ngayong Pasko, na nagbibigay-pugay sa mga makabagong bayani, pagkakaisa, at bayanihan.
Hango ang 2025 Christmas ID sa mga kuwento nina Pilipinas Got Talent (PGT) Season 7 winner Ricardo ‘Cardong Trumpo’ Cadavero na gagawin ang lahat para sa kanyang pamilya; Dumagat tribal chieftain Perlita Guerrero na naghahangad ng magandang buhay para sa kanilang tribo; ‘Teacher Santa’ Melanie Figueroa na tinutupad ang mga hiling ng kanyang mga estudyante; The
Busking PH founder Martin Riggs na ginagamit ang kanyang musika para makatulong sa mga nangangailangan; Father Errol Fidel Mananquil na nag-aaruga sa mga ulila; at youth leader Richmond Seladores na nagbibigay ng tulong at suporta sa mga biktima ng kalamidad.
Isa rin itong pasasalamat sa mga ordinaryong mamamayan na nagsisilbing inspirasyon at tagapaghatid ng pagmamahal, saya, at pag-asa sa kanilang mga komunidad.
Sa pagpapatuloy ng tradisyon nito, nagtipun-tipon ang mga pinakamaningning na Kapamilya stars at personalities upang bigyang-buhay ang 2025 Christmas ID na pinangunahan ng ABS-CBN Creative Communication Management sa pamumuno ni Robert Labayen, kasama si ABS-CBN COO Cory Vidanes, katuwang sina Jay Dustin Santiago, Love Rose De Leon, Lawrence Arvin Sibug, Revbrain Martin, Maria Lourdes Parawan, Mark Raywin Tome, Sheryl Ramos, Paolo Emmanuel Ramos, Edsel Misenas, atbp..
Ang musika ay ginawa at inareglo nina Raizo Chabeldin, Biv De Vera, Jessie Lasaten at Francis Salazar, habang ang vocal supervision ay pinangunahan ni Jonathan Manalo.
‘Yun lang, and I thank you.







