top of page
Search

ni Mercy Lejarde @Showbiz Talkies | Apr. 26, 2025



Photo: Nora at Lotlot De Leon - IG


Nag-post sa social media si Lotlot De Leon ng letter para sa kanyang mother dearest na si Nora Aunor and here it goes…


“Hi, Ma. Ma, alam mo po I find myself talking to you everyday.. at alam ko nakikinig ka. Nasabi ko na rin naman sa ‘yo lahat, Mommy. At alam ko rin na ang bilin mo sa ‘kin ay ang mga kapatid ko at mga apo mo. ‘Yung tinuro mo sa ‘kin na maging matatag, sinusubukan ko po talagang gawin. 


“Ma, maraming nagmamahal sa ‘yo. Sobra! Sana nakikita n’yo po ‘yun. They all showed up for you and our family and kame na mga anak mo, sobrang grateful po.  


“Si Ian, Matet, Kiko, Ken at ako. Basta look after us always, Ma. Alam ko, hindi mo kami pababayaan sa bawat desisyon na gagawin naming magkakapatid. At lalo pa kami nagkakaisa dahil sa ‘yo. And we promise to take care of your legacy, Ma, kame ng mga kapatid ko.  


“Rest easy, Ma… Your daughter forever,  Lot (white heart emoji).”



SAMANTALA, na-miss ng mga manonood ang Maalaala Mo Kaya (MMK) at nagpaiyak agad sa unang episode.


Ang daming naging emosyonal sa pagbabalik ng MMK ngayong linggo.

Lumabas na ang bagong episode nito sa iWantTFC last Thursday kung saan tampok ang kuwento ng The Voice US (TVUS) Season 26 Grand Champion na si Sofronio Vasquez.


Marami ang napa-senti including yours truly nang masilayan uli ang MMK.


At s’yempre, ang nag-iisang host ng MMK na si Charo Santos pa rin ang naghahatid ng inspiring life stories every week. 


Iba rin talaga kapag narinig mo ‘yung linyang “Dear, Charo…” trademark na ‘yan ng MMK, kaya marami ang natuwa sa comeback ni Charo sa programa.


“Buti si Ms. Charo pa rin ang host. Walang makakapantay sa paraan niya ng pagsasalaysay. Ramdam mo ‘yung emosyon at bigat ng mga salita kapag siya ang nagkukuwento,” saad ng Facebook (FB) user na si John Michael F. Estadilla.


“Bilang batang ‘90s, lahat ng story ng MMK,  pinanood ko. Ang dami kong luhang naitapon sa kuwento ni Sofronio kasi sobrang relate ako. Pero grabe, nakakatuwa na nakabalik uli ang MMK,” comment ni Lhenegy Sanarva.


“Nakaka-inspire manood ng MMK kahit na ang dami kong iniyak. Sobrang tagos sa puso ‘yung kuwento at nagpapaalala rin na darating ‘yung araw na magbubunga rin ‘yung mga sakripisyo sa buhay,” sabi ni Rose Sapiter Ting.


Mabenta rin ang bagong version ng MMK theme song. Nagsanib-puwersa kasi si Sofronio at ang grand winner ng Tawag ng Tanghalan (TNT): School Showdown Edition na si Carmelle Collado. In fairness, maganda ang blending ng boses ng dalawa. No doubt kaya naman very deserved nila ang titulong singing champs!


Siguradong maraming excited sa next episode ng MMK dahil ipi-feature naman ang kuwento ni BINI Sheena. Siya rin kaya ang gaganap sa MMK episode niya? Well, abangan!


Available na ang bagong episode ng MMK sa iWantTFC at mapapanood din ito ngayong Sabado sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, at A2Z. 


Iba pa rin ang nag-iisang Charo Santos pagdating sa MMK, ‘di ba naman, Kapamilya Aaron Domingo?


‘Yun na! Boom!


 
 

ni Ambet Nabus @Let's See | Apr. 26, 2025



Photo: Celia Rodriguez - SS from video - FB Joey Austria


Akala siguro ni Manang Celia Rodriguez ay walang magre-react sa kanyang pag-shading sa isang Vilma Santos.


Kahit never niyang binanggit ang name ni Ate Vi nu’ng magkuda siya during the eulogy sa lamay ni Nora Aunor tungkol sa susunod na National Artist (ayon sa opinyon niya) from showbiz enumerating the likes of Eddie Garcia, Gloria Romero and even Lea Salonga, sa mga nakatutok sa kung ano’ng hanash niya kay Ate Vi, walang hindi mag-iisip na ang Star for All Seasons nga ang tinutukoy niya.


Sa dinami-rami ng mga matatalino at disenteng Vilmanians na sumagot using their socmed accounts, boljak na boljak si Manang Celia mereseng ang tapang-tapang niyang magsabi na wa’ siya pakialam kahit ma-bash siya.


“Wala raw pakialam, eh, panay ang kuda–dakdak n’ya sa mga kapwa niya artista kahit ayaw na siyang pakinggan. Halata namang affected s’ya ng mga ganting komento ng maka-Vi,” sey ng isa sa mga kauwa-beterana niyang aktres na nakarinig sa kanya.


Bigla ring naglabasan ang mga kapwa niya beteranang video clips sa naging interview niya noong Rubia Servios (RS) days (1978 MMFF entry) praising Ate Vi to heavens and even chose her as the more deserving actress over Ate Guy’s Atsay entry.

Ang RS ang first movie team-up nina Ate Vi and now National Artist Lino Brocka, while

Ate Guy’s movie director then was Eddie Garcia.


Nito na nga lang 2025 biglang kumambiyo at nag-iba ng preference si Manang Celia na hindi naman masama. Sabi nga niya, “It’s my opinion.” 


‘Yun nga lang, sa mga ginawa at sinabi niyang papuri at pag-angat sa iba, may mga kailangan siyang gamitin o basagin na pangalan at reputasyon.


Para saan? For clout in this time and age where socmed (social media) is the in thing in expressing opinions? Para pansinin siya sa mga TV works niya na halos ipamalimos niya sa mga producers?


As one Vilmate, Hershey Juezan aptly put it in her socmed account, “Respect is not claimed by seniority, but earned by credibility.”


Ibabalik natin ang usapin kay Manang Celia, sa halos 6 na dekada mo na rin po sa industriya at bilang kapwa-Bicolano namin, na-build po ba ninyo ang sapat na respeto para magkaroon kayo ng wastong kredibilidad?



KAYA naman kahit napakaikli at simple lang ang sagot ni Dolly de Leon sa isang interview tungkol sa opinyon niya sa kung sino sa tingin niya ang karapat-dapat mabigyan din ng National Artist honors, nakinig ang lahat at nagbigay ng mataas na respeto.


“Ate Vi, Vilma Santos,” sagot ni Ms. Dolly.


“Not said out of fanfare or favoritism, but from credibility. From someone who knows what it means to build a legacy, to earn every applause, and to carry the name ‘Pilipinas’ with pride across continents,” bahagi nga ng bonggang post ni Hershey Juezan sa socmed.


“See, real queens recognize real queens. Dolly didn’t need to throw shade. She didn’t need to drag others down just to lift someone up. No backhanded speeches. No bitterness masked as admiration. Just truth, fierce and fair,” sey pa ng post.


Well, base sa pinag-uusapang isyu, between Manang Celia Rodriguez and Dolly de Leon, sino nga ba naman ang mas may naiambag na bonggang respeto at kredibilidad sa larangan ng showbiz? 


O baka naman magkuda si Manang Celia na hindi niya kilala si Dolly de Leon, huh?

‘Yun na!



GAYAHIN na lang niya siguro ang bagets star na si Ashley Ortega na kahit hindi pa pala endorser ng mga juice products na LUXE Slim, aba’y bonggang-bongga nang gumagamit nito?


Dahil sponsor nga sa ongoing na Pinoy Big Brother (PBB) Celebrity Collab Edition ang Luxe ni Madam Anna Magkawas, may mga juice products sa loob ng PBB.


“Ako po talaga ang takaw ko. Kahit gutom ako, iniinom ko ‘yun. Ang daming colorful glasses sa loob ng ref with different variants ng juice. Frozen na nga ‘yung iba kaya ang sarap n’yang kainin as ice candy like. Favorite ko ‘yung avocado flavor,” madaldal pang tsika ni Ashley.


Kaya after siyang ma-evict kasama si AC Bonifacio, agad siyang ipinakontak ni Ms. Anna sa GMA Sparkle Center at hindi naman sila nahirapan.


“Mabilis ang naging negotiation. Ang nakakatuwa pa kay Ashley, alam talaga niya by heart ang mga juice products namin. Sino ba namang gaya ko ang hindi mae-encourage na kunin s’ya as endorser,” sey naman ni Ms. Anna.


Actually, si Ashley nga ang unang PBB housemate evictee na may nakuha agad na endorsement habang ongoing pa ang show. 


At ang nakakaloka sa bagets, gulat na gulat pa siya nang malaman niyang ka-level na niya ngayon sina Marian Rivera, Vice Ganda, Ruffa Gutierrez, Alexa Ilacad and more bilang kapamilya ng Luxe products.


“Hindi ko po talaga alam. Si Mavy (BF niya) ang nagsabi sa akin about it dahil naging endorser din pala nito si Cassy (Legaspi). Grabe naman po ang levelling,” tsika pa nito.


Nasa Lolong si Ashley sa ngayon at may niluluto pang project sa kanya ang GMA-7. Okey naman daw sila ni Mavy at ng pamilya nito. Mas okey na rin daw sila ng family niya, lalo na ng kanyang mother na unti-unting nare-reconnect sa kanya.



 
 

ni Mercy Lejarde @Showbiz Talkies | Apr. 25, 2025



Photo: Nora Aunor at John Rendez - Nora Aunor National Artist


May kasabihan sa showbiz that goes… “The show must go on,” ke malungkot ka man, may problema, etc., etc..


Ngayong buwan ng April 2025 ay sobrang lungkot sa ating showbiz world dahil sa sunud-sunod na pagkamatay ng ilan sa ating mga singer icons na pinangunahan ni Ms. Pilita Corrales, then sumunod si Superstar-cum National Artist Nora Aunor, at pagkatapos ay ang isa pang kinilalang music icon na si Hajji Alejandro.


Si Nora Aunor, as fondly called Ate Guy ng halos karamihan, ang talagang shocked halos lahat sa atin nang ibalitang pumanaw ito last April 16, 2025.


Isa si yours truly sa mga pinalad na maging super close-cum family na rin sa ating Superstar na ang tawag ni yours truly ay ‘Bok, Ate Guy’ since dekada 70s noong mapunta ako sa Tower Productions nina Direk Temyong Marquez at Marivic Villanueva Marquez na parehong matagal na ring namayapa.


Unang pagkikita pa lang namin ay nagkasalubong kami. Siya, galing sa Tower Productions house at ako naman ay papunta sa nasabing lugar. Pagkakita niya kay yours truly ay bigla siyang huminto at tinanggal niya ang makapal niyang gintong kuwintas at sinabit sa leeg ko tapos ay nagyakapan kami. At ‘yun na ang simula ng aming special friendship with matching background music na may lyrics that goes... “Through the years, you never let me down, you turned my life around, the sweetest days I’ve

found... I’ve found with you through the years…”


Last Tuesday, April 22, 2025, ay inihatid na nga siya sa kanyang huling hantungan sa Libingan ng mga Bayani. Ang naiwan lang sa bahay na nirentahan niya ay ‘yung dalawang girlash na nagbantay sa kanya mula nang siya ay nagkasakit.

Si John Rendez daw ay hindi na umuwi sa nirentahang bahay ni Ate Guy simula nang yumao ang ating Superstar.


Sa mga huling araw ng chat namin ni Ate Guy sa Facebook (FB) ay tipong nagsabi siya ng mga katagang, “Nag-aayos na ako ng mga dapat ayusin.”


At lately ko lang na-realize na kasama pala ako sa gusto niyang ayusin dahil inalok niya ako ng trabaho na maging marketing arm ng Channel 13. Marahil ay gusto niya akong maging stable financially kaya gusto niya akong ipasok sa Marketing Department ng Channel 13.


Sobrang nakakaiyak at sobrang nakakalungkot ang pagpanaw ng isang Nora Aunor, sa true lang.


Gayunpaman, ang kanyang mga anak na sina Lotlot de Leon, Ian de Leon, Matet de Leon, Kiko de Leon at Kenneth ay naturuan niya ng magandang asal at magmahalan ang bawat isa.


Wish lang ni yours truly ay mabigyan ng more TV and movie projects ang lalaking nakasama niya for 33 years na walang iba kundi si John Rendez.


Naalala pa ni yours truly ang kuwento ni Ate Guy na nu’ng minsan daw na may tumutok ng baril sa kanya ay biglang iniharang ni John Rendez ang sarili at pumunta ito sa kanyang harapan para kung sakaling pumutok ang baril ay sa kanya tatama at hindi kay Ate Guy.


“‘Yan ang ‘di ko talaga malilimutan, Ate Mercy. Si John Rendez lang ang tanging lalaking handang mamatay para sa akin,” ang revelation ni Ate Guy kay yours truly….

Boom, ‘yun na!


Bukod kay John, ang mga nag-alaga kay Ate Guy ay sina Jen Donna Pergis Morera at Editha Gabiana na true blooded Noranians. Marami pong salamat sa pagmamahal at pag-aalaga n’yo kay Ate Guy.


Umalis na sina Jen Donna at Editha sa bahay ng Superstar. Wala nang nakatira ru’n kundi mga gamit na lang ni Guy. Si John Rendez naman ay nakauwi na sa Clark.


‘Niwey, sa lahat ng mga worldwide Noranians na nagmahal at nagmalasakit sa ating Superstar cum National Artist Ate Guy a.k.a. Nora Aunor tulad nina Mari Cusi, Robert

Ganon, Mercy Magsaysay, Jen Donna Pegris at sa iba pa, maraming-maraming salamat sa inyong lahat.


Yes, we all love you, we salute you and we will miss you so much, Bok Ate Guy and may your soul rest in the Kingdom of our heavenly Father Lord God Jesus Christ. Amen!



SAMANTALA, ibinigay na ni Freddie “FMG” Garcia ang kanyang Golden Buzzer sa FM Lightrix matapos siyang mamangha sa performance ng grupo na gumamit ng makukulay na LED strips sa kanilang high-tech na dance number sa Pilipinas Got Talent (PGT) Season 7 noong nakaraang Linggo (Abril 20).


Binigyan ng kakaibang ilaw ng Cebu-based group na FM Lightrix ang entablado ng PGT gamit ang LED costume design sa kanilang high-energy dance routine. Ibinahagi ng grupo na layunin nila na matulungan ang kanilang mga miyembro upang makapagtapos ng pag-aaral.


Pinuri nga ni FMG ang husay ng FM Lightrix sa paggamit ng ilaw at hinangaan ang kanilang dance sequence at kakaibang konsepto. Sa kanyang pagiging hurado sa loob ng pitong taon, ito raw ang unang beses na nakakita siya ng ganoong klaseng pagtatanghal.


Bukod dito, pinuri rin ni Donny Pangilinan ang kagustuhan ng FM Lightrix na makapagtapos ang kanilang mga miyembro sa pag-aaral. Nagpahayag naman ng paghanga sina Kathryn Bernardo at Eugene Domingo sa talento at nakakabilib na performance ng grupo.


Ang “Golden Buzzer” ay isang special privilege ng 4 na judges at hosts na nagbibigay sa kanila ng kapangyarihan na maghatid ng isang act diretso sa live semis. Isang Golden Buzzer lang ang puwedeng gamitin ng bawat judge at hosts sa buong auditions. 


Sa ngayon, tatlong Golden Buzzers na ang nakuha matapos gamitin ito nina Robi at Melai, Eugene, at FMG. Dalawang Golden Buzzers na lang ang puwedeng makuha ng auditionees.


Abangan ang iba pang nakakamanghang performances sa PGT Season 7 tuwing weekend, 7:15PM sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, at A2Z. Available rin ang programa sa nasabing timeslot sa TV5 tuwing Sabado at 7:45 PM naman tuwing Linggo.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page