top of page
Search

ni Janiz Navida @Showbiz Special | February 8, 2026



SHOWBIZ SPECIAL  - ICE, GAME PA RING MAGPALAGAY NG PUTOTOY_FB Ice Seguerra

Photo: FB Ice Seguerra



Nakakabilib ang mag-asawang Ice Seguerra at Liza Dino-Seguerra pagdating sa kanilang dedikasyon at pagmamahal para sa kanilang craft – ang music at teatro.


Sa ginanap na grand media launch ng Fire and Ice Entertainment, ang production company na itinayo nina Ice at Liza 10 yrs. ago, na ngayon ay may iba’t ibang sangay na — ang Fire and Ice LIVE!, Fire and Ice Music, Fire and Ice Studios, Fire and Ice Media, at Fire and Ice Consultancy – inamin ng mag-asawa na dahil sa kanilang itinayong negosyo, umabot sa puntong sampung libong piso na lang ang laman ng kanilang savings sa bangko. 


Sa kabila nu’n, hindi sumuko sina Direk Ice at Chair Liza, ipinagpatuloy pa rin ang pagpo-produce ng mga concerts hanggang dumating sa point na ngayon nga ay magma-manage na rin sila ng mga talents.


Kasama sa mga talents na ipinrisinta sa press people sa Noctos Bar last February 5 ang kaibigan at co-acoustic singer-performer ni Ice na si Princess Velasco, ang newbie singer from Cebu na si Louise at ang mga drag queens na Divine Divas na binubuo nina Precious Paula Nicole, Viñas DeLuxe at Brigiding.


Inamin ni Princess sa mediacon na pansamantalang na-set aside ang singing career niya nang magkaroon siya ng pamilya, pero ngayong nagbabalik siya sa pagkanta, nagtiwala siya sa Fire & Ice para mag-manage sa kanyang singing career dahil alam niyang right projects ang maibibigay sa kanya.


Bukod nga sa pagigigng bahagi ng Love, Sessionistas concert, may ire-release ring EP si Princess under Fire & Ice Music titled Still Here


Na-impressed naman ang press people sa ganda ng boses ni Louise na kumanta ng Himala sa media launch. No wonder na maging si Direk Ice, bilib na bilib nang marinig siyang kumanta sa isang singing contest online na judge ang singer kaya kinuha siyang talent at isinasama na nga sa mga shows nito.


Napaka-talented din ng Divine Divas at pang-international ang performance kaya pambato talaga sila ng Fire & Ice Music. 


Sa loob nga ng 10 taon, ang lawak na ng narating ng Fire & Ice Entertainment dahil hindi lang mga concerts here and abroad ang ipino-produce nila kundi pati mga pelikulang nakakatulong sa mga kapwa nila artista at mga production people.


Ilan lang sa mga pelikulang naka-lineup ng Fire & Ice Media ang Aid directed by Brillante Mendoza, Karaoke News directed by John Paul Su, Becoming Ice documentary by Tey Clamor, Funeral Flowers na project mismo nina Ice at Liza at Island Girl na original project din ni Direk Ice.


Tinanong namin si Direk Ice sa exclusive interview namin sa kanya na despite their busy schedule nila ni Chair Liza ay may time pa rin ba sila sa isa’t isa?


Aniya, good thing naman na nasa iisang mundo lang sila dahil nagkakatulungan talaga sila sa trabaho at kahit ito rin ang nagiging dahilan ng away nila, hindi naman umaabot sa puntong nasira ang kanilang relasyon.


Sa matagal nang plano ni Ice na magpa-transplant para tuluyan nang maging lalaki, aniya ay nandu’n pa rin ang kagustuhan niyang gawin ‘yun, pero sa ngayon, hindi pa ‘yun ang priority. As long as trans naman na siya sa mata ng publiko, okay na raw ‘yun. Ang mahalaga, hindi nababago ang kanyang boses na siyang puhunan niya sa kanyang trabaho bilang singer-performer.


Napaka-in demand pa rin ni Ice at in fact, sa Feb. 27, nasa New Frontier Theater siya para sa Being Ice: Live!. At sa April 18 naman, nasa Waterfront Cebu Hotel and Casino sila nina Juris, Sitti, Princess Velasco, Nyoy Volante, Duncan Ramos at Kean Cipriano para sa Love, Sessionistas.



PARANG hindi galing sa sakit ang kaibigan naming singer na si Tita Token Lizares nang mag-perform last Friday night sa Music Museum para sa Love Ablaze pre-Valentine benefit concert na ang beneficiary ay ang mga kaibigan niyang madre sa The Daughters of St. Paul.


Seventeen days na naospital si Tita Token dahil sa pagtaas-baba ng kanyang BP na hindi pa ma-trace ng mga doktor kung saan nanggagaling. Kaya nga nang umakyat siya sa stage, ang pabirong sabi ni Tita Token, from Charity Diva na kanyang title, ngayon ay Catapress Diva na siya. Hahaha!


Pero nang bumirit na siya ng Where Do I Begin, Remember Us This Way at You are The Reason, walang bakas na naospital siya.


Well, isa lang ang itinuturong dahilan ni Tita Token, si Lord talaga ‘yan, and we believe her, dahil sa dami ng mga natulungan niya at kaibigan niyang madre na nagdarasal para sa kanyang paggaling at para kayanin niyang mag-concert, ayun, nagawa niyang mag-perform with flying colors pa, ‘ika nga.


Ang gagaling din ng mga guest performers niyang sina Mitch Valdez at Jun Polistico na halos hindi na makaalis ng stage dahil sa “More! More! More!” na sigaw ng audience. Kahit pareho nang may-edad ang dalawa, wala pa rin silang kupas sa pagkanta at mapapasabay ka talaga.


Grabe rin ang comedy ni Mitch na pang-intellectual pero matatawa ka nang bongga. 


Other performers sa Love Ablaze were Lindsay Custodio, Patricia Javier and Thor Valiente. Si John Ryan Englis naman ang nag-host at kasama rin ang Moments Band.


 
 

ni Janiz Navida @Showbiz Special | February 4, 2026



SPECIAL - TONI AT DIREK PAUL, PAREHONG NAG-DEACTIVATE NG IG ACCOUNT_IG _celestinegonzaga

Photo: IG _celestinegonzaga



Sa kabila ng pagde-deny ni Toni Gonzaga na sila ang ‘Power Couple’ na pinagpipiyestahan sa showbiz na naghiwalay na, ayaw pa rin silang tigilan ng ilang netizens na nakabantay sa kanilang bawat galaw at tila nag-iimbestiga kung tama ang kutob nilang may problema nga sa relasyon ng mag-asawa.


Kahapon ay may natanggap kaming tawag ng isang kaibigan at sabi nito, “Mare, mukhang totoo nga! Dali, i-check mo ang Instagram account nina Toni at Paul, parehong deactivated.”


Naintriga kami sa sinabi niya kaya napa-check nga kami kung totoong deactivated ang parehong IG account ng mag-asawa. 


Well, true nga, nu’ng sinearch namin, ang lumalabas lang ay: “Profile isn’t available.”


Wala kaming direct contact kina Toni at Direk Paul kaya ‘di namin maitanong kung bakit hindi na mahanap ang IG account nila. Pero sa Facebook naman ay available pa rin ang FB account ni Toni.


Huling video na magkasama sina Toni at Direk Paul na naka-upload sa FB account ng aktres-TV host ay nang mag-celebrate sila ng birthday ni Toni nu’ng January 23. 


After that, wala pa kaming nakita uling video na magkasama ang dalawa. 

Bukas ang aming pahina para sa paglilinaw ni Toni sa mga espekulasyon ngayon sa kanilang pagsasama ni Direk Paul.







NAGING emosyonal at nagkaiyakan na naman ang mga batang may Down syndrome (DS) na cast ng pelikulang I’mPerfect nang magsama-sama uli kahapon para sa kanilang contract signing bilang mga opisyal nang talents ng Nathan Studios Artists Management na pinangungunahan ng Chief Operating Officer (COO) na si Ms. Sylvia Sanchez.


Three years ang kontratang pinirmahan ng mga lead cast ng I’mPerfect na sina Krystel Go at Earl Amaba, ganu’n din ng kanilang mga co-stars na kapwa rin may DS na sina Bea Mendoza (anak ng aktor na si Matthew Mendoza), Royce Gian Rivera, Richelle Uy, Gio Dicen, Jonathan Tilos, Javi Sarmiento, Carl Garcia at Angela Batallones.


Present din sa contract signing ang kani-kanilang mga magulang na mas naging emosyonal pa kesa sa mga bata at iisa ang kanilang sinasabi — todo ang pasasalamat nila kay Ibyang (palayaw ni Sylvia) na “Mamang” kung kanilang tawagin at paulit-ulit nilang binabanggit na “thankful at grateful” sila sa tiwala, pagkakataon at pagmamahal na ibinigay ng aktres-turned producer sa kanilang mga anak na kung dati ay minamaliit ng ilang mapanghusgang nilalang, ngayon ay pinupuri at mas inirerespeto na dahil napatunayan ng mga may DS na meron din silang kakayahan na tulad ng sa mga normal na tao.


Nakakatuwa na bago pa nga ang formal at official contract signing kahapon ay una nang nagkaroon ng billboard sa Bench at endorsement ng Nailandia ang mga may DS na cast ng I’mPerfect.


At ngayong opisyal na silang pumirma ng kontrata, handang-handa na ang grupo ni Ibyang na tumanggap ng mga offers sa mga gustong kumuhang artista sa kanyang “Nathan Angels”.


Hindi pa maisa-isa ni Sylvia ang mga projects na gagawin ng kanyang mga Nathan Angels pero isa raw dito ang pinaplano niyang fashion show na tatampukan ng mga ito.

Bukod sa kanyang Nathan Angels, pumirma rin kahapon ng kontrata sa Nathan Studios Artists Management si Ice Almeria, ang nag-grand champion sa Time To Dance show kung saan naging hosts noon sina Gela Atayde at Robi Domingo.


Sa kanila raw muna magpo-focus si Ibyang dahil gusto niyang magkaroon ng magandang showbiz career ang mga bata, although gagawa pa rin naman ng pelikula ang Nathan Studios kapag may magandang project na dumating. 


Kinantiyawan nga namin si Sylvia na mawawalan na siya ng time sa kanyang apo kina Zanjoe Marudo at Ria Atayde dahil sa kabisihan niya bilang producer at natatawang sabi nito, hindi naman daw, may time pa rin siyang makipag-bonding sa kanyang guwapo at mestisong apo, pero sa ngayon, hinahayaan muna niyang i-enjoy nang mabuti nina Z at Ria ang kanilang unico hijo. Kapag nakakalakad na raw ang bata, saka na niya kukunin para maka-bonding nang todo.


Tinanong din namin si Ibyang kung hindi ba niya hinihingan ang isa pang anak na si Arjo Atayde at ang misis nitong si Maine Mendoza na magka-baby na rin.


Sagot niya, “Wala akong pakialam sa kanila. Hindi walang pakialam na negative kundi freedom, desisyon nila ‘yun, bahala sila, problema nila ‘yun. ‘Pag sinabi nilang, ‘Mommy, ganito,’ okay. Ayokong makialam sa buhay nila, not unless manghingi sa akin ng advice. Respeto ko sa kanila ‘yun.”

‘Yun na! 


Well, good luck sa Nathan Angels at sana nga, dumami pa ang mga projects nila after ng success ng I’mPerfect na tinanghal na Best Picture sa MMFF 2025 at nanalo ring Best Actress ang bidang si Krystel Go.

Yes, you can!!!



 
 

ni Janiz Navida @Showbiz Special | February 3, 2026



Rhian Ramos at Michelle Dee - IG

Photo: Rhian Ramos at Michelle Dee - IG



Kinumpirma na ng abogado nina Michelle Dee at Rhian Ramos na si Atty. Maggie Abraham-Garduque sa programang Fast Talk with Boy Abunda kahapon (Feb. 2) na P30 million ang halaga ng mga sensitibong larawan na laman ng hinahanap na angpao ng beauty queen at Kapuso actress sa driver ng huli na nagreklamo ng pambubugbog at illegal detention laban sa dalawa at sa isa pang beauty queen na si Samantha Panlilio na kasama nila sa condo.


Sa binasang impormasyon ng TV host na si Boy Abunda, kinumpirma rin daw ni Atty. Garduque na naibalik na ang 9 sa 10 sensitibong larawang hinahanap nina Michelle at Rhian sa driver na nakilala sa alyas na “Totoy”.


Kinumpirma rin daw ng abogado na nagpadala si Michelle ng 2 babaeng staff niya sa bahay ni alyas Totoy sa Samar matapos magsumbong ang asawa ng driver na kinuha ni “Totoy” ang mga nawawalang sensitibong larawan. 


Sinabi rin daw ng misis ni alyas Totoy na nasa kanya ang 2 sa mga nawawalang sensitibong larawan at kusa itong ibinalik, pero kulang pa rin ng 1 at ‘yun ang hinahanap nina Michelle at Rhian.


Kaya naman, kahit paano ay nagkaroon na ng linaw sa misteryosong tanong ng madlang pipol na “Ano ba ang laman ng angpao?”


Pero kasabay ng paglabas ng impormasyong ito, nagkaroon muli ng panibagong tanong sa isip ng marami at lalo pa tuloy na-curious ang mga Marites. Gaano nga ba kasensitibo ang mga naturang larawan at bakit may halaga itong P30 M? Para saan ang P30 M? For sale ba ang mga naturang larawan?


Anyway, may mga kumakalat din sa social media na diumano’y mga USB na naglalaman nga ng mga sensitibong larawan ang laman ng angpao. Sayang at hindi pa ito nabigyang-linaw ng abogado nina Rhian at Michelle.


Samantala, sa kabila ng akusasyon ng driver ni Rhian na binugbog siya ng aktres at ni Michelle Dee kasama si Sam Panlilio, ipinahayag ng kampo ng Miss Universe Phils. 2023 na wala siyang kinalaman sa insidente dahil nasa out of town daw siya nang mangyari ‘yun.


May mga nag-aakusa tuloy ngayon kay MMD (Michelle) na naghuhugas-kamay lang ito at tipong mas idiniin pa sina Rhian at Sam na siyang dapat lang magpaliwanag sa reklamo ng binugbog na driver.


Inaakusahan ng ilang netizens si MMD na sariling image lang ang nililinis at inilaglag na ang mga BFF niya.


Yes, may ganern, ha?!


SAMANTALA, sa pagputok ng kontrobersiyal na isyu ngayon sa pagitan nina Rhian Ramos-Michelle Dee-Samantha Panlilio laban sa driver ng una, kumalat din ang balitang ang vlogger na si Wil Dasovich na ang bagong boyfriend ni Rhian.


Bagama’t wala pang pag-amin o pagde-deny si Rhian tungkol dito, nahusgahan na agad siya ng mga judgmental na netizens.


Anila, sayang naman daw at bakit pinalagpas pa ni Rhian si Sam Verzosa na owner ng Maserati Phils. at pipili na lang ng ipapalit dito, si Wil Dasovich pa na balitang wala raw kotse at nagga-Grab lang.


Kaya ang kantiyaw ng ilang netizens, “From Maserati to Grab, awww!”

Naku, ayan, nadagdagan pa tuloy ang isyu kay Rhian Ramos, ha?






NAPAKA-TALENTED naman ng batang singer-composer na si Love Kryzl dahil sa kanyang edad na 9, hindi nga lang ito basta kumakanta, nakakapag-compose pa ng sarili niyang kanta.


Nu’ng Saturday (January 31), ini-launch na nga ang ika-anim na single ni Love Kryzl, ang Heart’s in Bloom. Ipinarinig niya ito sa mediacon na ginanap sa Academy of Rock at marami sa mga nakarinig ang pumuri sa kanta dahil nakaka-LSS daw.


Ang Heart’s In Bloom ay personal na isinulat at komposisyon ni Kryzl Jorge, hango sa kanyang hangaring salubungin ang bagong taon ng may linaw, pag-asa, at emosyonal na pag-unlad. Hatid ng awitin ang isang makapangyarihan ngunit banayad na mensahe – hindi kailangang maging maingay o perpekto ang mga bagong simula, sapat na ang maging tapat. 


Ipinanganak ang kanta mula sa mga tunay na yugto ng paghilom, paglago, at tahimik na katatagan. Sinasalamin nito ang pagpiling bumangon matapos ang sakit, makakita ng liwanag matapos ang dilim, at yakapin ang pag-ibig matapos ang bawat aral ng buhay.

Nabuo ang awitin sa gabay ng voice coach ni Kryzl na si Rachel Ann Pegason Alejo, na siya ring nag-ayos ng komposisyon para lubos na maipahayag ang emosyon at mensahe sa himig at pagbibigay-buhay sa boses. 


Ang Heart’s in Bloom ay prodyus ng Purple Hearts Production, na lalo pang nagpatibay sa bisyon ng proyektong lumikha ng musikang may layunin, puso, at kabuluhan.

Habang umuusad ang taon, inaanyayahan ng Heart’s in Bloom ang mga tagapakinig na lumago sa sarili nilang ritmo — bitbitin ang mga aral, bitawan ang hindi na nagsisilbi, at magtiwalang ang bawat karanasan ay paghahanda sa mga darating. 


Paalala ito na ang taon ay nagsisimula hindi sa takot o pagmamadali, kundi sa pagiging matatag, mapagpasalamat, at patuloy na namumulaklak.


Higit pa sa musika, patuloy na nangunguna si Kryzl sa malasakit at layunin. Sa paghahanda niya para sa kanyang ika-10 kaarawan ngayong Hulyo, nananatili ang kanyang matibay na adbokasiya sa pagbibigay. 


Kaugnay ng makabuluhang yugto na ito, susuportahan niya ang 10 organisasyon o indibidwal sa pakikipagtulungan sa Purple Hearts Foundation, bilang patunay ng kanyang pusong handang maglingkod.


Bilang bahagi ng selebrasyon ng kanyang ika-10 kaarawan, tinatapos din ni Kryzl ang 10 orihinal na kanta na itatanghal sa kanyang nalalapit na concert. 


Upang suportahan ang malikhaing paglalakbay na ito, maglalabas ang Purple Hearts Production ng buwanang music videos ng mga kanta ni Kryzl sa buong taon — na magbibigay-daan sa publiko na masaksihan ang kanyang artistikong paglago, kuwento kada kuwento. 


Ang una niyang limang original songs ay nasa Spotify, Apple Music, at sa Love Kryzl’s World YouTube channel.


Ang Heart’s in Bloom ay higit pa sa isang kanta — isa itong pahayag ng pag-asa, paglago, at pag-ibig, na nagtatakda ng tono para sa isang taong puno ng layunin, musika, at makabuluhang ambag.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page