top of page
Search

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | February 2, 2026



Mariel Padilla - Julius Babao Unplugged

Photo: Julius Babao Unplugged / YT



Malungkot na inamin ni Mariel Rodriguez sa panayam sa kanya sa YouTube (YT) Unplugged vlog ni Julius Babao na namatay ang kanyang ina na hindi sila in speaking terms.


Masayahing tao si Mariel at nagkaroon kami ng pagkakataon na makasama at makakuwentuhan siya noong aktibo pa siya sa showbiz. Nagkakakumustahan pa rin kami at kapag may mga tanong ay agad naman niyang sinasagot.


Kaya laking-gulat namin nang tanungin siya ni Julius kung ano ang nagpapalungkot sa kanya dahil masayahin siya at kapag magkasama sila ng mister niyang si Sen. Robin Padilla ay maligaya rin siya. 


Inamin pa niyang natatawa raw sa kanya ang asawa dahil sa kanyang kakikayan.

Ito ang sagot ng wifey ni Robin kung ano ang nagpapalungkot sa kanya.


“When I think of my mom (ipinakita ang larawan nilang mag-ina), ‘yun talaga, Julius. ‘Yun ang cross that I will bear for the rest of my life,” malumanay niyang sagot.


Dito ipinagtapat ni Mariel na may mga isyu sila ng kanyang ina.

“Just like everybody, they have issues with their parents, with their moms siguro. Because my mom died all of a sudden, I always thought that we would have more time with her, and I wasn’t exactly the greatest daughter. So that is the cross that I will bear for the rest of my life.


“I hope that she forgives me, at ‘yun ang dasal ko. Kinakatakutan ko na rin kasi naniniwala ako sa karma, ‘wag sana akong karmahin one day. Sana, ‘yung mga kids ko, ‘di kami magkaroon ng ganu’ng relationship, kasi ‘di kami laging magkasundo ng mom ko,” malungkot na pahayag ni Mariel.


Regrets ang sinambit ni Mariel na dala-dala niya hanggang ngayon.

“Ang bigat pala, Julius. Dadalhin mo na lang siguro kasi ‘di mo na maitama. Never mo na maitatama. Siguro dapat, mas inintindi ko pa, dapat hinayaan ko na lang,” sabi ni Mariel.

Ano raw ba ang dapat niyang ginawa? 


Sey ni Mariel, “Siguro ‘yung pag-intindi. Mas dapat inintindi ko pa.”

Kaya nang pumanaw ang kanyang ina noong Disyembre, 2023 ay hindi sila in good terms.


“No, hindi. In fact, ‘yung time na ‘di kami okay, seasonal ang galit ng mom ko. Nu’ng time na namatay s’ya, ako ‘yung season. My pictures were down in her house. She took my pictures down. ‘Yung ganu’n, season ko.


“That’s why I always tell people, when you think about it, in everything else in life, it’s always a chance to make up. It’s always a chance to have another day one. But when they’re gone, there’s no day one. That’s it.


“So you really have to weigh it, what matters more — ‘yung pinag-aawayan n’yo ba, ‘yung ‘di n’yo pinagkakasunduan, or the relationship, or the fact that she’s your mother and you owe her your life,” malumanay na sabi ni Mariel kay Julius.


Tugon ng Unplugged host, “The realization came late,” sabay tango ni Mariel. 

Aniya, “At least, naibabahagi natin sa mga viewers. At least, alam nila na baka puwedeng mangyari sa kanila.”


“Yes, ‘yung akala ninyo na tatawagan ko na lang mamaya o bukas na lang. ‘Yung sa dad ko, sa grandparents ko, alam ko na ‘yung mali ko, kaya ‘di ko na ‘yun gagawin sa kanila. Pero ‘di pa rin mae-erase ‘yung nagawa ko sa mommy ko,” sabi pa ni Mariel Rodriguez Padilla.



Mga kamiyembro, naunahan…

BINI JHOANNA, ARTISTA NA





WOW! Artista na si BINI Jhoanna Robles. May cameo role ang isa sa miyembro ng P-pop girl group na BINI sa three-minute short film ng Puregold Sari-Sari Stories na may pamagat na The Witness (TW).


Ipinagpapatuloy ng Puregold ang pasasalamat nito sa mga may-ari ng sari-sari store o maliliit na negosyante sa serye ng Sari-Sari Stories, sa pinakabago nitong video na nagtatampok ng espesyal na cameo from BINI.


Ang TW ay isang maiksing pelikula ng kuwentong pag-ibig, coming of age, at pagyabong ng pagmamahal sa pagdaan ng mga taon, na hinubog ng pagmamahal at pananatili, at natunghayan sa tahimik na presensiya ng may-ari ng sari-sari store.


Dagdag sa ganda at koneksiyon ng naratibo ang cameo ni Jhoanna, na binibigyang-diin ang mensahe ng pelikula: pasasalamat sa mga may-ari ng maliliit na negosyo sa bansa.


Sinang-ayunan din ni Jhoanna ang gampanin ng mga sari-sari store sa araw-araw nating pamumuhay.


“Importante na ‘di mawala ang sari-sari store. Bukod sa pagiging very Pinoy, ito pa rin ang pinaka-accessible sa maraming komunidad. Iba pa rin ‘yung may mapupuntahan kang malapit sa ‘yo,” ani Jhoanna.


Kahawig ng pananaw ni Jhoanna ang damdamin ni Puregold Senior Marketing Manager Ivy Hayaga-Piedad.


Aniya, “Lagi-laging kakampi ang Puregold ng mga maliliit na negosyante sa bansa. Sa pamamagitan ng Sari-Sari Stories, patuloy naming itinatampok ang mahalagang gampanin ng mga may-ari ng sari-sari store sa ating pang-araw-araw na pamumuhay.”

Dahil sa akses sa mga pangunahing pangangailangan, pinagtatagpo rin ng mga tindahang ito ang mga tao sa komunidad.


Pagpapatuloy ang The Witness ng mahuhusay na kuwento mula sa Sari-Sari Stories gaya ng Ways na itinampok si Stell ng SB19, at The Sign na isinama naman si Skusta Clee.


Sa kabuuan, nagsimula ng mga usapan ang serye at nakalikha ng koneksiyon sa mga netizens, Aling Puring members, at tagasubaybay ng Puregold—patunay ng mahalagang papel ng mga sari-sari store sa araw-araw na buhay ng mga Pilipino.


Habang nagpapatuloy ang serye, lalo pang hinihikayat ang mga manonood na abangan ang mga susunod na kuwento, repleksiyon ng integrasyon ng mga sari-sari store sa buhay ng mga tao at sa mga komunidad na kanilang pinaglilingkuran.


 
 

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | February 1, 2026



SHEET - AIKO AT ONEMIG, UMUUTOT NA SA HARAP NG ISA_T ISA_IG _uno_111

Photo: IG @uno_111



“You're my life, you’re my end game,” ito ang huling sabi ni Onemig Bondoc kay Konsehala Aiko Melendez sa vlog na una niyang ini-upload.


Medyo naguluhan kami sa relasyon ng dalawa dahil sa vlog ay hindi pa sila opisyal na magdyowa, pero ang manager ng aktres na si Ogie Diaz ay sinabing ‘sila na.’ Ano ba ang totoo?


Kaya nang maka-chat namin si Ogie habang isinusulat namin ang balitang ito, tinanong namin kung ano ang totoo at nabanggit namin kung ‘for the views’ lang ba ang vlog ni Onemig na hindi pa sila, pero hindi kami sinagot ng manager ni Aiko.


Feeling namin ay late upload itong vlog ni Onemig dahil ang senaryo ay nasa resort pa sila, samantalang nu’ng ibinalita ni Ogie na ‘sila na’ ay kamakailan lang.


Anyway, ‘kaaliw naman ang love story nina Aiko at Onemig dahil bata pa lang sila ay pinagtagpo na dahil sa iisang condominium building sila nakatira sa Greenhills. Nabanggit din ng dating aktor na nagkikita sila sa swimming pool pero bata pa sila at hindi nga raw siya pinapansin ng konsehala.


Sabi ni Aiko, “We’ve been friends for 29 years, ‘di alam ng mga tao ‘yun. Lumalabas tayo, walang tsismis and everything.”


Apat daw sila laging lumalabas at one of the boys si Aiko dahil nag-iisa lang siyang babae, at ang dalawang lalaki ay parehong kaibigan ni Uno na sabi niya ay chaperon niya dahil hindi siya makapagsalita noon.


“May spokesperson ako kasi torpe ako,” saad ng single dad na ngayon.

Hirit ni Aiko, “Lagi kaming lumalabas pero walang nakakaalam kung ano ang feelings n’ya sa akin. It’s always Kenny (kaibigan ni Uno) who tells me. Kaya sabi ko, ‘Bakit may spokesperson, bakit kailangan ng ganu’n?’ Tapos, nawala na ‘yung communication namin.”


Paliwanag naman ni Onemig, “Dahil sa pride kaya nawala kasi isip ko kung sino ba ‘yung mga ex (boyfriends) n’ya kumpara sa akin. Kaya sabi ko, parang ‘di naman ako seseryosohin nito. Natakot din ako kasi I came at that time sa malungkot na relationship kaya natakot ulit akong masaktan. Feeling ko, sasaktan ako ulit ng babaeng ‘to kaya I decided to stop and not pursue her.” 


Isa pang pangyayaring hindi raw niya makalimutan ay nang ihatid ni Uno si Aiko sa bahay nila at hindi niya nakilala ang mommy nitong si Gng. Elsie Gatchalian at nasipat lang siya sa bintana, pero mula noon hanggang ngayon ay hindi raw siya nakakalimutan nito.


“Strange, ‘noh?” tanong ni Uno kay Aiko na sinagot din nito ng “Oo.”

Anyway, marami raw pagkakapareho ang dalawa tulad ng pagtira nila noon sa iisang condominium building.


“We both stayed in Avalon but we didn’t see each other there,” saad ng konsehala.

Biro ni Uno, “Baka nagkita na tayo kasi bata pa tayo. I mean, bata pa pala ako nu’n, ikaw, may malisya ka na nu’n.”


Tiningnan nang diretso ni Aiko si Onemig, at sabi, “Hoy! Two years lang ang tanda ko. Wala, ha, nakakatawa ka. Hindi kita maalala, ‘wag kang feeling na feeling d’yan.”

Nabanggit din na ang mga freckles daw ni Aiko sa likod ang isa sa mga dahilan kung bakit na-in love nang husto si Uno.


Formally introduced daw sila sa The Buzz (TB) at doon sila unang nagkita na matanda na sila. Ang ikalawang pagkikita ay sa condo building kung saan nagkayayaang mag-inuman ang dalawa.


“Nakakatawa itong night na ‘to because nagkita na naman kami for the second time around. Sabi ko, inuman tayo, game, parang leave the past behind. So nag-inuman kami, we got drunk, tapos nu’ng pinaghiwalay na kami ng mga guwardiya at helpers, ‘di ko maalala na sumisigaw daw ako ng ‘I love you, I love you.’ Parang pelikula,” kuwento ni Aiko.


Singit ni Uno, “‘Di lang s’ya sumisigaw, umiiyak pa. Nag-inuman kami kasi pareho kaming problematic dahil galing kami sa breakup. Nu’ng pinaghihiwalay na kami, akala ng mga guwardiya, patay na kami sa sobrang kalasingan. Tapos sabi nga niya, ‘I love you, I love you,’ sinagot ko rin ng ‘I love you, too.’”


Nagkita pa raw ulit sila kasama ang mga kaibigan ni Onemig at napagkasunduang mag-triathlon sa Subic. Bumili pa nga si Aiko ng bike at iba pang gears, pero last minute ay nag-change of heart siya. Ito ‘yung sinabi ni Uno na hindi siya sinipot sa Subic at naghintay siya nang tatlong oras.


“Nagdalawang-isip ako kung s’ya ba talaga. Parang ‘di naman seryoso kaya ‘di ko s’ya sinipot sa Subic. I didn’t realize na naghintay ka ng tatlong oras. Bakit hindi mo ako tinawagan?” tanong ni Aiko.


“Hindi, kasi naniniwala ako sa faith at destiny,” kaswal na sagot ni Onemig.

Hindi na raw ulit nagkita ang dalawa sa loob ng 15 years, walang communication o anuman.


“All in all, 29 years kaming on and off bilang magkaibigan. Until one day, ‘yung best friend ko, we were thinking kung sino ang puwedeng i-guest on my YouTube (YT). On top of his mind was Onemig. Ayaw ko kasi, ano’ng pag-uusapan namin? Alam n’ya ‘yung story namin.

“Sabi n’ya, ‘Kumustahin mo.’ Sabi ko, ‘Baka may girlfriend ‘yan, ayaw ko, baka makagulo pa.’ Sabi sa akin, ‘I-text mo for guesting lang.’ Totoo naman, guesting lang, hello!” kuwento ni Aiko.


Dagdag pa niya, “Kasi dati, tumanggi s’ya noong mag-guest kaya ayaw ko na.”

Sabi ni Uno, kaya raw ayaw siyang i-guest ni Aiko noon ay dahil natatakot itong aminin na may feelings siya na hino-hold lang nila sa isa’t isa dahil sa pride. Kaya ang payo niya ay itigil na ang pride dahil baka umabot pa ulit ng 29 years at sayang ang panahon.

Noon ay pareho silang may karelasyon kaya ayaw niyang mag-guest, pero ngayong pareho na silang libre ay pumayag na siya.


Nabanggit din ni Aiko na hindi na siya mahihirapang kilalanin si Onemig dahil matagal na silang magkakilala at lahat ng past at kalokohan ay inamin na sa kanya, kaya wala nang taguan.


Ang nangyayari ngayon ay catching up sila sa mga panahong nawala sa kanila kaya lagi silang magkasama at ine-enjoy ang bawat isa.

“Yes, kaya tinatanong ninyo kung kami, we can’t give any label yet because we’re enjoying the 29 years that were lost. Kaya wala na kaming hiya-hiya, umuutot s’ya sa harapan ko, ako rin, umuutot sa harap n’ya,” pagtatapat ni Aiko.


“Now is the right time for us. Matanda na kami pareho kaya usapan namin, wala nang pride. Just enjoy the moment, just be happy,” sabi naman ni Uno.

Tanong ni Aiko Melendez, “Did I make you happy?”


“Of course. You’re my life. I don’t feel complete without her. For the first time, you’re my safe place,” madamdaming sabi ni Onemig Bondoc sa aktres-pulitiko.

 
 

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | January 19, 2026



SHEET - JENNYLYN, KASAMA ANG PAMILYA NI DENNIS SA PIKTYUR, INILABAS_FB Jennylyn Mercado

Photo: FB Jennylyn Mercado



Kahit na ano’ng paninirang gawin kay Jennylyn Mercado ay hindi nila mapapaniwala si ‘Nay Cristy Fermin dahil nakatanim sa kanya ang mga kabutihang nagawa ng aktres noong baguhan pa lamang ito sa showbiz. Ito ang mariing sabi ni ‘Nay Cristy sa Showbiz Now Na (SNN) vlog kasama sina Romel Chika at Wendell Alvarez na napapanood sa YouTube (YT).


Kamakailan lang ay viral ang isyung paninira sa asawa ni Dennis Trillo dahil pinagbawalan daw ang aktor na dalawin ang pamilya nito, bukod pa sa hindi rin umano kasundo ng aktres ang mga kapatid ng mister.


“Ako kasi, may naalala ako na kahit na ano’ng pilit pa ng ibang tao na sirain si Jennylyn sa akin, naaalala ko pa ‘yung musmos na bata na pinaso ng sigarilyo. Bakit kailangang magsakripisyo ng anak sa pagkakagulo ng relasyon ng kanyang magulang?” bungad ni ‘Nay Cristy, kaugnay ng panahong naging laman ng balita ang aktres nang siya’y bugbugin at pasuin ng sigarilyo ng kanyang amain.


Ang tiyahin ni Jennylyn na si Mommy Lydia Mercado ang tumayong ina niya at nag-aruga sa kanya hanggang sa sumikat siya sa showbiz.

“Ito po, ang babaw po ng aming kaligayahan. Kaunting bagay na ginawa sa amin ng artista, ‘di na namin ‘yun malilimutan.


“Taong 2006, nag-birthday ako sa Metro Bar (West Avenue). Napakarami na pong tao. May nakita kaming babaeng nagdadalantao, hawak ang ilalim ng tiyan, kagampan na parang manganganak na, bigat na bigat na, at umaakyat sa hagdan. Pagkakita ko, si Jennylyn Mercado!


“Sabi ko, ‘Anak, ‘wag ka nang umakyat, ako na ang sasalubong sa ‘yo.’ Sabi n’ya, ‘Di po, Nanay, aakyat po ako.’


“‘Di ko malilimutan ‘yung hitsura ng babaeng kagampan na umaakyat para lang makabati. At saka maraming pagkakataon na pinupuntahan nila ako ni Mommy Lydia kay Bambbi Fuentes. Umuulan, alam mo naman ang July, buwan ng kaarawan, ulanin ‘yan. Magdadala ng cake. ‘Di ko ‘yun malilimutan talaga.


“Sorry sa lahat ng may ayaw sa kanya pero buo ang kanyang kredibilidad sa akin. Kay Dennis pa nga ako ‘di close,” pahayag ni ‘Nay Cristy.


Nauna nang ipagtanggol ni Dennis ang asawa at sinabi niyang isa ito sa pinakamabuting tao sa kanyang buhay, na malinaw na nagpapahiwatig ng mabuting naidulot ng aktres sa kanyang buhay.


Nabanggit din ni ‘Nay Cristy na ang source ni Ogie Diaz ay hindi raw magsasalita kung

walang naganap na ganoong senaryo.


Si Ogie ang unang naglabas ng isyu sa vlog niyang Showbiz Update. Binasa lamang niya ang mensahe ng kanyang source, inilatag ito nang maayos, at inilabas din ang post ni Dennis at ng manager nilang si Tita Becky Aguila na ipinagtatanggol si Jennylyn.

“Maaaring may pinag-ugatan ito na pinagbabawalan si Dennis at nagagalit si Jennylyn kapag pupunta s’ya sa kanyang pamilya. Si Dennis ay ‘di nagpapabaya sa pagsusustento sa kanyang ama’t ina. Siguro, may pagkakataong hindi nagkaintindihan. May pinag-ugatan ito kasi ‘di puwedeng lumabas ang isang isyu nang walang pinagmulan,” diin ng SNN host.

Dagdag ni Romel Chika, “Maliban na lang ‘pag nagkukuwento ka kasi galit ka sa tao.”


Sabi naman ni Wendell, “Sigurado ‘yun kasi ‘di naman magkukuwento ‘yung source kung wala s’yang nakita at may dahilan talaga. ‘Di puwedeng wala.”


Naintindihan din ni ‘Nay Cristy ang pagtatanggol ni Tita Becky kay Jennylyn dahil alaga niya ito at sinabi niyang ‘she’s the sweetest person’ na nakilala niya.


Puring-puri rin ng SNN hosts ang blended family nina Dennis at Jennylyn dahil pareho silang may anak sa dating karelasyon na mahal na mahal ng bawat isa, at ngayon ay may sarili silang anak na si Dylan, ang nag-iisang babae.


“Dito po ay ‘di natin inaalis ang posibilidad na mayroong source na may alam na kuwento at ‘di lang natin alam kung gaano ito kakumpirmado.


“Sabi ni Dennis, hindi naman showbiz ang kanyang pamilya kaya ilabas na sa isyu. Chinese sila?


“Naalala ko pa tuloy ‘yung mga video ni Dennis kasama ang tatay n’ya na naggo-grow sila ng mga gulay sa bakuran. Natutuwa ako, pero bakit naman kaya magagalit si Jennylyn na magpunta si Dennis sa pamilya n’ya?”


Tingin ni Wendell ay may nanira sa mag-asawang Dennis at Jennylyn.

Nabanggit pa na magkaiba noon ang manager nina Dennis at Jennylyn hanggang sa lumipat ang aktor sa manager ng aktres upang si Tita Becky na lamang ang humawak sa kanilang karera.


Sabi pa ni ‘Nay Cristy na may mga larawang nakasama ng pamilya ni Dennis si Jennylyn, sabay pakita ng mga larawan sa SNN.


Aniya, “Siguro, may ilang pagtitipon na ‘di nakakapunta si Jennylyn. Multi-task ang routine ng aktres. Nag-aalaga ng mga anak, umaarte, nag-aayos ng bahay. Isang dakilang asawa rin. Multi-tasking ang ginagawa n’ya. Hahanapan pa ba natin ‘yun?”


Muling idiniin ni ‘Nay Cristy na kahit mataas na ang career ngayon ni Jennylyn ay mananatiling alaala sa kanya ang batang nagsakripisyo noon. Alam din ni Dennis ang mga pinagdaanan sa buhay ng kanyang asawa kaya ganoon katindi ang pagmamahal at pagpapahalaga niya rito.


“Sana ang kuwentong ito ay maputol agad at sana ang source ni Ogie ay hindi isang daang porsiyento. Si Ogie ay wala namang kasalanan dahil inilatag lang n’ya ang source n’ya at inilabas din ang post ni Dennis. Napakalaki ng naitulong ni Ogie sa karera ni Dennis Trillo,” sabi ni ‘Nay Cristy Fermin.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page