ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | October 1, 2025

Photo: Jason Abalos
“Nakakainggit nga, eh,” birong sabi ni Jason Abalos, bagong halal na provincial board member sa lalawigan ng Nueva Ecija, nang tanungin tungkol sa isyu ng flood control projects.
Wala raw siyang kinalaman sa flood control issues sa nasabing lalawigan dahil hindi ito dumadaan sa kanya.
“Wala kayong makukuhang sagot sa akin. Nakakainggit nga, eh. Hahaha!” sey ni Jason.
May nakausap din kaming iba na hindi senador, congressman o mayor, pero nagtatrabaho rin sa gobyerno at nagbiro rin dahil bilyones at hindi lang milyones ang usapan tungkol sa flood control, kaya talagang napapa-“sana all” daw sila.
Pero sa kabilang banda ay hindi rin naman nila ito nais gawin, lalo na si Jason na tinitiis na hindi makita ang mag-ina sa loob ng 5 araw dahil sa trabaho niya sa Nueva Ecija.
“Kailangan nating magsilbi sa sinumpaan nating katungkulan,” saad ng aktor-pulitiko.
Weekends lang siya umuuwi sa Quezon City dahil dito nakatira ang misis niyang si Vickie Rushton at anak nilang si Baby Knoa na 2 ½ yrs. old na at kamukha ng ina.
Nakatsikahan namin si Jason sa birthday celebration ng kilalang owner ng Artista Salon na si Gio Anthony Medina kasama ang partners na sina Margaret Gaw at Lotis Reyes sa Panay Avenue, Quezon City.
Sabi pa ni Jason, kinakailangan pa rin niyang mag-showbiz at naghihintay siya ng alok
ng GMA-7 kung saan may kontrata siya at si ‘Nay Gio, ang kanyang manager.
“Sa mga may inquiries, kay Nanay (Gio) lahat,” saad ni Jason.
Tinanong din namin kung paano niya napagsasabay ang pag-aartista at pagiging bokal sa Nueva Ecija.
“Time management. Mahirap ngayon kasi may anak na ako kaya’t kailangan talagang bantayan din. Pati tiwala ng tao na ipinagkatiwala sa atin, kailangang tuparin,” sagot ni Jason.
Nakasama si Jason sa seryeng Lilet Matias: Attorney at Law (LM:AAL) nu’ng 2024, pero umikli ang karakter niya.
Aniya, “Nag-campaign po kasi kaya kailangan kong magpaalam, kaya ngayon po ay naghihintay ako ng bagong offer nila.”
Bukod sa pagiging bokal sa kanilang lalawigan, isa pang nakaka-excite na ginagampanan ngayon ni Jason ay ang pagiging daddy ni Knoa Alexander.
Sabi niya, “Napakasarap po, walang kapantay ang pagiging daddy. Medyo late na ako (nagkaanak sa edad na 39). Masarap maging mabuting tao kasi gusto ko ‘pag lumaki s’ya (Knoa), sasabihin sa kanya, ‘Ang tatay mo, mabuting tao.’”
Sa edad na almost 40 ni Jason ay natanong namin kung kaya pa niyang makipaghabulan sa anak.
“Kaya pa, kaya pa rin kahit lima pa (dagdagan ang anak),” nakangiting sabi nito habang nakatingin sa asawang si Vickie Rushton.

SI Boss Toyo at mga kilalang influencers at artista ang mga suki ng Mcars Ph sa ginanap na grand launch kamakailan sa Music Box, Timog Avenue, Quezon City.
Ang Mcars Ph ay pag-aari ni Jed Manalang at nakipag-collab sa Socia CTO na si Reiner Cadiz at Josh Mojica, CEO ng Kangkong Chips Original at Socia web developer.
Dumalo rin sa press launch ang head ng Metropolitan Manila Development Authority’s (MMDA) Special Operations Group-Strike Force (SOG-SF) na si Gabriel
Go.
Ang Mcars Ph ay isang car dealership na nakabase sa Malabon City na dalubhasa sa pagbebenta ng mga bago, pre-owned at “assume balance” na sasakyan.
At dahil maaaring kumuha ng kahit ilang sasakyan through Mcars Ph as long as kaya mong bayaran, tiyak na dagdag-trapik ito sa mga major roads na matagal nang reklamo ng mga netizens.
Sa mayayaman at kilalang pamilya sa lipunan, umaabot sa 10 hanggang 12 sasakyan ang meron sila.
Kaya natanong si G. Gabriel Go (MMDA SOG-SF) kung hindi ba nila hihigpitan ang mga sobra-sobrang sasakyan na pag-aari ng isang pamilya lalo’t isa ito sa mga dahilan ng pagsikip ng daan, lalo na sa EDSA.
Aniya, “Wala po tayong batas na bawal bumili ng maraming sasakyan o dahil karapatan naman po ‘yun ng bawat indibidwal as long as kaya n’yang magbayad at maging responsable sa pagmamaneho at higit sa lahat, dapat po ay may sariling garahe para hindi na nakakaabala sa daan, lalo na sa Mabuhay lanes.”
Sabi ni Jed, ang dahilan kaya nakipag-collab ang Mcars Ph sa Socia ay para maka-develop ng online platform na magpapabilis sa pagbili ng sasakyan at para na rin ito sa mga gustong maging ahente ng kotse.
Sabi pa ni Jed, “Binisita ni Boss Toyo ang showroom ko one time sa Malabon. He wanted a car, pero sabi n’ya, gusto n’ya muna i-test drive. Ipinauwi ko na agad sa kanya. Sabi ko, bayaran mo na lang after kung magustuhan mo na. From then on, naging magkumpare na rin kami. Malakas ang hatak ni Boss Toyo sa mga kliyente. Hindi ko kayang bayaran ang talent fee (TF) n’ya!”
Naroon ang Mcars Ph ambassadors na sina Direk Art Halili Jr., beteranang aktres na si Dexter Doria, at komedyanteng si Patani.
Sayang at hindi na namin naabutan si Boss Toyo.