ni Mylene Alfonso @News | January 28, 2026

File Photo: Sen. Ronald Bato Dela Rosa at Sen. Ping Lacson - FB
Hindi magiging bahagi si Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson ng anumang posibleng rekomendasyon para parusahan si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa kaugnay ng kanyang pagliban sa Senado, kung mangyari man ito.
Ayon kay Lacson, wala siyang moral authority sa nasabing usapin dahil naranasan din niya ang katulad na sitwasyon kung saan napilitan siyang magtago noong 2010.
“I will not be part of any recommendation to sanction him if it comes to that in relation to his long absence for one simple reason - I have no moral authority as I was in almost the same situation more than 15 years ago,” ani Lacson.
Nitong Martes, tinalakay ni Lacson kasama si Senate President Vicente Sotto III ang mga posibleng hakbang ukol sa kaso ni Dela Rosa, na hindi lumahok sa mga sesyon ng Senado mula Nobyembre 2025.
Sa kaso ni Lacson, napilitan siyang magtago mula 2010 hanggang 2011 bilang isang “fugitive from injustice,” matapos tumanggi siyang danasin ang parusa sa krimeng hindi niya ginawa.
Hindi naglaon, pinawalang-sala ng Korte Suprema si Lacson sa mga umano’y kaso laban sa kanya.
Si Dela Rosa naman ay nagtatago mula nang ihayag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na naglabas ang International Criminal Court ng arrest warrant laban sa kanya bilang akusado sa kasong kaugnay ng war on drugs ng nakaraang administrasyon.






