top of page
Search

ni Lolet Abania | February 22, 2022



Sa kabila ng umiinit na tensyon sa pagitan ng Russia at Ukraine, hindi pa rin nagpapatupad ng mandatory repatriation ang pamahalaan para sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na nasa Ukraine, ayon sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).


Sa isang interview ngayong Martes kay OWWA Administrator Hans Cacdac, tinatayang may 380 Pilipino ang nasa Ukraine, kung saan marami sa kanila ang naninirahan sa kapitolyo ng Kyiv.


Una nang naiulat na limang Pinoy na, kabilang ang isang sanggol, ang dumating sa bansa na mula sa Ukraine.


Gayunman, ayon kay Cacdac, hindi pa inilalagay ng pamahalaan sa Alert Level 4 ang sitwasyon sa Ukraine, kaya wala pang ipinatutupad na mandatory repatriation o evacuation para sa mga OFWs.


“Sa ngayon, ang approach ay tila wait and see. Tingnan kung ano ang mangyayari. Hindi pa nakataas ang highest alert level sa panig ng pamahalaan natin, sa side ng DFA (Department of Foreign Affairs) at POEA (Philippine Overseas Employment Administration), so wala pang mandatory repatriation,” paliwanag ni Cacdac.


Subalit, sinabi ng opisyal na handa namang tulungan ng Philippine Embassy sa Warsaw ang mga Pinoy sa Ukraine na nagnanais nang umuwi ng bansa.


“Sa huling pagkakaulat sa atin, ay may dalawa na nag-express ng interest na makauwi. Other than that, hindi pa natin nakikita ‘yung tinatawag na mass repatriation dito sa Ukraine,” sabi ni Cacdac.


Samantala, patuloy ang babala ng United States na posibleng salakayin ng Russia ang kalapit na bansa nitong Ukraine.


Batay sa report nitong Lunes (oras sa Russia), inatasan na ni Russian President Vladimir Putin ang kanyang militar na magtungo sa Donetsk at Lugansk, dalawang breakaway regions sa eastern Ukraine, makaraang kilalanin nito ang pagiging “independent” ng mga naturang lugar mula sa Ukraine.


Tiniyak naman ni Cacdac sa publiko na handa ang gobyerno sakaling isagawa na ang evacuation o repatriation para sa mga OFWs na nasa Ukraine.


“We will be ready. We stand ready, of course. This is not the first time that we will be doing this. Meron na ‘yang mga identified relocation points, exit points,” sabi pa ni Cacdac.


Nanawagan din ang opisyal na dapat na magtiwala sa political at security assessment na isinasagawa ng Philippine Embassy sa Warsaw patungkol sa estado ng mga Pinoy sa Ukraine.


“Kaya sila ang nandodoon para sila ang sumuri para sa atin. Siyempre iba pa ‘yung nasasagap natin sa balita, but our people on the ground will make the final call as to whether itataas ‘yung alert level. So far, ang assessment is hindi pa sapat para magkaroon ng Alert Level 4, ‘yung pinakamataas,” giit ni Cacdac.


 
 

ni Lolet Abania | November 19, 2021



Dumating na ang unang 5,000 doses ng single-shot Sputnik Light COVID-19 vaccine na donasyon ng Russian government sa Pilipinas ngayong Biyernes.


Ayon sa National Task Force Against COVID-19, lumapag ang pinaka-latest batch ng vaccine doses, kung saan kabilang din ang 2,805,000 Sputnik V shots sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 2, pasado alas-2:00 ng hapon.


Ang delivery ay dumating ilang oras matapos na salubungin naman ng pamahalaan ang 1,306,000 doses ng Moderna COVID-19 vaccine sa NAIA.


Ang Food and Drug Administration (FDA) ay nag-isyu ng emergency use authorization (EUA) para sa Sputnik Light noong Agosto 20.


Ayon sa Russian Direct Investment Fund (RDIF), nakapagtala ang Sputnik Light ng 79.4% efficacy kumpara sa 91.6% para sa two-shot ng Sputnik V.


Pinasalamatan ni vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr. ang gobyerno ng Russia para mapadali ang delivery ng mga bakuna.


Ayon kay Galvez, ang 5,000 doses ng Sputnik Light ay nakatakdang i-deliver sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).


“Nakita natin ‘yung BARMM ang medyo pinakababa almost 11% pa lang siya and tutukan natin ‘yung BARMM this coming vaccination day,” sabi ni Galvez.


Batay sa datos ng gobyerno hanggang nitong Huwebes, aabot na sa 33 milyong Pilipino ang fully vaccinated na kontra-COVID-19, kung saan nakapag-administer na ng 1,154,131 COVID-19 doses nitong Nobyembre 18.


Magsasagawa naman ang gobyerno ng simultaneous vaccination activities mula Nobyembre 29 hanggang Disyembre 1.

 
 

ni Jasmin Joy Evangelista | October 22, 2021



Magpapatupad ng isang linggong workplace shutdown sa Russia dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19.


Ito ay inprubahan ni Russian President Vladimir Putin at aniya, ipapatupad ang nasabing workplace shutdown mula Oktubre 30 hanggang Nobyembre 7.


Nakiusap din ang presidente sa mga Russian na magpabakuna na dahil kung hindi bababa ang kaso ng Covid sa kanilang bansa ay mapipilitan silang ipagpatuloy ang lockdowns.


Matatandaang maraming Russian ang ayaw magpabakuna dahil hindi nagtitiwala sa Russian-made vaccine na Sputnik V.


Ayon naman kay Deputy Prime Minister Tatiana Golikova, nasa 87% na ng mga hospital beds ang naka-reserve para sa mga Covid patients.


As of October 20, nasa 8,094,825 na ang naitalang Covid cases sa Russia at 226,353 dito ang namatay na.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page