top of page
Search

ni Ronalyn Seminiano Reonico | January 19, 2021


ree


Sinuspinde nang anim na buwan ng Office of the Ombudsman ang 89 barangay captains dahil sa umano'y anomalya sa distribusyon ng cash aid sa ilalim ng social amelioration program o SAP.


Sa ginanap na press briefing nu'ng Lunes nang gabi ay isa-isang pinangalanan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang 89 kapitan ng barangay.


"Itong mga barangay captain, I warned you, pag-umpisa pa lang sinabi ko, do not f*** with this Pantawid, iyong panahon ng COVID na namigay ang gobyerno ng pera para sa mahihirap.


Sinabi ko na lalo na sa barangay level, huwag na huwag ninyong gawin. Now, ito, suspendido for six months, then mag-hearing sa kaso mo. If a case is filed against you kasi pera ito, either pera na binulsa ninyo or hindi ninyo ginamit o ano mang kabulastugan na ginawa ninyo sa pera, contrary to my injunction na huwag na huwag ninyong gawin iyan.”


Mahigit P200 billion ang inilaan ng pamahalaan para sa social amelioration program sa ilalim ng Bayanihan to Heal As One Act (Bayanihan 1) para sa 18 million mamamayan ngayong panahon ng COVID-19 pandemic.


Sa ilalim naman ng Bayanihan to Recover As One Act (Bayanihan 2), aabot sa P5,000 hanggang P8,000 ang natanggap ng mga “low-income households” sa mga lugar na isinailalim sa lockdown, gayundin ang mga pinauwing overseas Filipino workers at mga nawalan ng trabaho.


Nais din ni P-Duterte na sibakin sa puwesto ang mga ito kapag napatunayang sangkot sa korupsiyon.


Aniya, “Ito, preventive lang ito, suspendido kapag iniimbestigahan ka, but at the end of the investigation, if you are good, then you are exonerated. But if you are guilty, I ask, I am asking, requesting, most respectfully requesting the Ombudsman to dismiss them from service...


When they are finally dismissed, it will always carry, it will be accompanied by the statement that they are no longer eligible for public office, iyan ang masakit diyan. Hindi ka na puwedeng tumakbo maski water boy sa barangay n’yo.”


 
 

ni Lolet Abania | January 14, 2021


ree


Ipinahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang mga frontliners at mahihinang sektor ng lipunan ang unang makatatanggap ng dose ng COVID-19 vaccine kapag dumating na ito sa bansa habang siya ay huling magpapabakuna.


"Ang mga frontline na health workers; mauna ang teachers at social workers and other government workers; and three, essential workers outside health, education, social welfare, for example, agriculture, food, tourism and ‘yung may contact talaga sa tao; then the socio-demographic groups at tingnan natin kung sino ang mauna sa kanila.


Then there are the overseas Filipino workers; all remaining workers; other remaining workers; then, all remaining citizens,” sabi ni Pangulong Duterte sa kanyang weekly televised Cabinet briefing.


Ayon kay P-Duterte, mahalaga ring mabakunahan ang mga militar, sundalo at kapulisan. “Priority is uniformed personnel. Mga sundalo natin, kasama sa priority, mauna talaga ‘yung pobre, ‘yung wala talaga.


Kung milyon 'yan (vaccine), magsabay-sabay na kayo, huli na kami. Kung may maiwan para sa amin, kay (Senator) Bong (Go), kay (Secretary Delfin) Lorenzana, kung may maiwan eh, di para sa atin, unahin natin sila," dagdag ng Pangulo.


Matatandaang noong Agosto ng nakaraang taon, sinabi ni Pangulong Duterte na nais niyang magpabakuna na makita ng publiko at nag-volunteer siyang tatanggap ng unang shot ng vaccine. “Ako, pagdating ng bakuna in public, para walang satsat diyan, in public, magpa-injection ako.


Ako ‘yung maunang maeksperimentuhan. Okay para sa akin,” sabi ng Pangulo sa isang televised address noong August 10, isang araw bago ang Russia ay magbigay ng regulatory approval sa kanilang vaccine na Sputnik V. Samantala, target pa rin ng gobyerno na mapabakunahan ang 110 milyong populasyon sa bansa, subalit wala umano silang planong mamilit sa mga tatangging magpaturok ng vaccine.


"It's an obligation imposed upon us governments to take care of your citizens. . . Kung maaari lang, i-vaccinate mo 'yung 100 million plus Filipinos," ani P-Duterte.


"Kung merong mga tao na ayaw, eh, di mas mabuti, mauna na 'yung gusto and we can tone down the orders kung sobra-sobra," dagdag niya.


Binanggit ni Pangulong Duterte na walang mangyayaring diskriminasyon sa vaccination program ng gobyerno. Mauuna lamang tumanggap nito ang mga mahihinang sektor ng lipunan.


 
 

ni Lolet Abania | January 6, 2021


ree


Nagkaharap kahapon sina Pangulong Rodrigo Duterte at Moro National Liberation Front (MNLF) Founding Chairman Nur Misuari sa Davao City.


Bukod kina Pangulong Duterte at Misuari, naroon din sa naganap na pag-uusap ang asawa ng MNLF leader na si Tarhata at si Senator Christopher “Bong” Go.


“Meron siyang mga concerns sa Tawi-Tawi and the President promised to take it up sa Cabinet,” sabi ni Go. Ayon naman kay Presidential Spokesperson Harry Roque, hindi siya binigyan ng basbas para idetalye ang naging pagpupulong nina P-Duterte at Misuari.


Gayunman, maglalabas ng statement ang Malacañang tungkol sa nangyaring talakayan. Matatandaang maraming beses na ring nag-usap sina P-Duterte at Misuari tungkol sa mga isyu ng pangkapayapaan sa Mindanao.


Hiningi rin ng pangulo ang tulong ni Misuari para hikayatin ang mga Moro na miyembro ng Kongreso na makiisa sa panukala na isulong ang pederalismo sa bansa.


Noong Disyembre, 2019, itinalaga ni Pangulong Duterte si Misuari bilang Special Economic Envoy on Islamic Affairs sa Organization of Islamic Cooperation (OIC).


 
 
RECOMMENDED
bottom of page