- BULGAR
- May 29, 2022
ni Lolet Abania | May 29, 2022

Sakay ng kanyang motorsiklo, naglibot si Pangulong Rodrigo Duterte sa Digos City, Davao de Sur nitong Sabado, ayon sa long-time aide niyang si Senador Christopher “Bong” Go.
Alas-3:15 ng hapon umano nagsimulang mamasyal ang Punong Ehekutibo sa nasabing lungsod. Patungong Digos City si Pangulo Duterte habang nakasakay sa kanyang naiibang motorsiklo kahapon, base na rin sa mga video na nakuha ng ilang mga residente sa lugar.
Sa isang video na kuha ni Maricon Daquiado sa Barangay Toril, kasama ni Pangulong Duterte ang ilang mga rider habang mahigpit ang ginagawang security dito.
Sa isa pang video na kuha naman ni Alkhen Hasan sa Inawayan sa bayan ng Santa Cruz, naging motorcade ang paggala ni Pangulong Duterte doon habang ang mga tagasuporta at kababayan nito ay nag-aabang sa gilid ng kalsada.
Ayon pa kay Go, sinabi sa kanya ng Pangulo na dahil sa patapos na ito sa kanyang termino at magreretiro na sa Hunyo 30, nais niyang mamasyal gamit ang kanyang motorsiklo na isa sa kanyang libangan.
“Ang ingon (sabi) niya, gusto daw siya mag-motor. Wala naman, pa-retire na man siya. Wala na man siya kabalo unsa iyang buhaton (alam kung anong gagawin) sa retirement,” ani Go sa kanyang mensahe sa pagbubukas ng Malasakit Center sa Digos City.
Sinabi pa ni Go na gusto lamang ng Pangulo na mamasyal sa lungsod dahil nami-miss na niya ito nang husto, kung saan 7 taon ding nag-aral doon si P-Duterte. Batid ng marami na libangan at mahilig magmotorsiklo si Pangulong Duterte.
May mga oras pang kahit gabi na o madaling-araw ay nagmomotor ito sa loob ng Presidential Security Group compound sa Malacañang complex.
Noong 2019, napaulat na naaksidente umano sa kanyang 650cc dirt bike si Pangulo Duterte sa Malacanang. Sa kabila na patapos na ang kanyang termino, nangako naman si Pangulong Duterte na magiging tagapaglingkod pa rin ng bayan kahit wala na ito sa kapangyarihan.






