ni Green Lantern @Renda at Latigo | March 4, 2023
Sinilat ni Prime Billing ang liyamadong si Enigma Uno matapos manalo sa 3-Year-Old & Above Maiden Race na inilarga sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas.
Hindi inapura ni former Philippine Sportswriters Association, (PSA) Jockey of the Year awardee Patty Dilema si Prime Billing, ipinuwesto nito sa tersero kung saan may walong kabayo ang agwat sa kanya ng nangungunang si Tenacity.
Nasa pangalawang puwesto naman si Enigma Uno.
Sa far turn ay naagaw ni Enigma Uno ang unahan abante siya ng limang kabayo sa humahabol na si Prime Billing.
Pagsungaw ng rektahan ay natapyasan sa isang kabayo ang bentahe ni Enigma Uno kaya naman ay nakaunat ng bahagya si Prime Billing sa huling 100 metro ng laban para masilo ang korona.
Nasungkit ni Prime Billing ang added prize na P20,000 para sa winning horse owner sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.
Samantala, bukas na (Linggo) ilalarga ang 2023 PHILRACOM "Road To Henry Cojuangco Cup" na pakakawalan sa parehong lugar.
Magbabakbakan ang Enigmatic Linden, Sudden Impact, Bombay Nights, Runway Dreamer, Shastaloo, Speed Fantasy, Time For Glory at Treasure Hunting sa distansiyang 1,600 meter race.
Nakalaan ang P500,000 garantisadong premyo na ikakalat sa unang apat na kabayong tatawid sa meta kung saaan hahamigin ng horse owner ng mananalong kabayo ang P300,000.
Mapupunta sa second placer ang P112,500 habang tig P62,500 at P25,000 ang third at fourth ayon sa pagkakasunod.

