ni Green Lantern @Renda at Latigo | March 11, 2023
Magkikita muli sa pista ang dalawang maiinit na kabayong pang-karera na sina Big Lagoon at Boss Emong sa magaganap na 2023 PHILRACOM "Classic Cup" na ilalarga sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas sa Marso 26.
Nitong nakaraan lamang ay pinarangalan si Boss Emong bilang Philippine Sportswriters Association, (PSA), Horse-of-the-Year habang si Big Lagoon ang Reigning Presidential Gold Cup champion.
Sasakyan ni star jockey Jeffril Tagulao Zarate si Boss Emong habang si John Alvin Guce ang rerenda kay Big Lagoon. Makakatagiisan ng bilis nina Boss Emong at Big Lagoon ay sina Don Julio, Gomezian, Robin Hood at Sky Shot.
May distansiyang 1,800 meter race, nakalaan ang guaranteed prize na P2.5-M na ikakalat sa unang apat na kabayong tatawid sa meta. Ibubulsa ng winning horse owner ang P1.5-M, mapupunta sa second placer ang P562,500 habang tig-P312,500 at P125,000 sa third at fourth ayon sa pagkakasunod.
Tatanggap din ng P125,000 ang breeder ng winning horse habang tig-P75,000 at P50,000 ang second at third sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.
Samantala, inaabangan din mga karerista ang ibang stakes races na pakakawalan ng PHILRACOM ngayong buwan ng Marso. Sa Marso 25 ilalarga ang Classic Cup Divisions II at III na ikakasa sa parehong lugar.

