ni Green Lantern @Renda at Latigo | July 4, 2023
Umarangkada sa rektahan si Krugerrand matapos nitong sikwatin ang panalo sa PHILRACOM Rating Based Handicapping System na nilarga sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas noong Linggo ng hapon.
Hindi nakasabay sa matutulin sa largahan ang Krugerrand kaya nasa pang 12 puwesto ito sa 14 na kabayong lumabas sa aparato.
Kalmado naman si dating Philippine Sportswriters Association, (PSA) - Jockey of the Year awardee Patty Ramos Dilema, hindi nito inapura si Krugerrand at nanatili ito sa likuran upang mag-aabang sa tamang pagremate.
Nagtagisan ng bilis sa unahan sina Yana's Silver, Biglang Buhos at Luke Skywalker na umabot hanggang far turn ang bakbakan habang nasa bandang likuran pa rin si Krugerrand.
Pero papalapit ng home turn ay nagsimula ng mag-init si Krugerrand at humaharurot na ito sa tabing balya.
Pagsungaw ng rekta ay nagkapanabayan na sa unahan sina Krugerrand, Don Lucas at Reliable Den.
Shoot sa balya sa ikutan si Krugerrand at sa huling 150 metro ng karera ay nasiguro na ng winning horse ang panalo sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.
Inirehistro ni Krugerrand ang 1:40 minuto sa 1,600 meter race sapat upang hamigin ang P150,000 premyo ng winning horse owner na si Melaine Habla.
Dumating na segundo si Don Lucas na kumubra ng P56,250, tersero si Reliable den na nag-uwi ng P31,250 consolation prize habang nakuha ng pang-apat na si Euroclydon na nagbulsa ng P12,500.

