- BULGAR
- Nov 16, 2023
ni Green Lantern @Renda at Latigo | November 16, 2023
Tinatayang nasa P10-M ang ikakalat na premyo sa magaganap na 2023 PCSO "Presidential Gold Cup" sa Disyembre 17 sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas.
Dahil sa laki ng pa-premyo ay paniguradong marami ang magsasaad ng paglahok sa nasabing prestihiyosong karera na inisponsoran ng Philippine Charity Sweepstakes Office, (PCSO).
Inaabangan pa ng mga karerista kung sino ang mga maghahayag ng paglahok pero inaasahang ipagtatanggol ni Big Lagoon ang kanyang korona para masikwat ang back-to-back champion.
Habang posibleng sumali rin upang rumebanse ang mahigpit na karibal na si reigning Philippine Sportswriters Association, (PSA) - Horse of the Year awardee Boss Emong.
Ikakalat sa unang anim na kabayong tatawid sa meta ang premyo pero ayon sa organizer ng karera kapag pito pababa ang kasali ay hanggang 4th lang ang makakakuha ng cash prize.
May distansiyang 2,000 meter race, tinatayang nasa P6-M ang kukubrahin ng unang kabayong tatawid sa finish line kaya tiyak na marami ang sasali at maaaring ngayon pa lang ay hinahanda na ng owners at trainers ang kanilang pambato.
Mga posibleng sumabak ay sina two Legs Triple Crown winner, Jaguar, veteran Nuclear Bomb, Robin Hood, War Cannon at Don Julio na malalaki rin ang tsansa maukit ang pangalan sa industriya ng karera.
Ang nabanggit na karera ang pinapangarap ng mga horse owner, trainers at hinete na maging kampeon dahil malilista ang kabayo sa history ng karera.
Bukas sa nabanggit na karera ang mga kabayong 3-Year-Old above na local horses kung saan ang mga edad tatlong taon na fillies ay magdadala ng 52 kgs. habang ang apat na taon pataas ay magkakarga ng 54 kgs. Papasanin ng edad tatlo na colts ang 54 kgs. habang 56 kgs. ang bibitbitin ng apat na taon pataas na edad.




