top of page
Search

ni Green Lantern @Renda at Latigo | Pebrero 1, 2024


Nakatakdang pumarada sa pista si Darleb laban upang kasahan ang anim na kabayong nagsaad ng pagsali sa 2024 PHILRACOM "Japan Cup"na ilalarga sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas sa darating na Linggo.


Maliban kay Darleb ang ibang naghayag ng paglahok ay sina Bombay Nights, In The Zone, Kazachan, Pharoahs Treasure, Senshi Spirit at Speed Fantasy.


Magtutulungan naman sina In The Zone at Speed Fantasy upang harapin ang tikas ni Darleb at masungkit ang inaasam na titulo sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) ni Chairman Reli de Leon. May nakalaan ang P1-M guaranteed prize na ikakalat sa unang apat na kabayong tatawid sa meta sa distansiyang 1,800 meter race.


Susungkitin ng mananalong kabayo ang P600,000, mapupunta sa second placer ang P225,000 habang tig- P125,000 at P50,000 ang third at fourth ayon sa pagkakasunod.


Base sa komento ng karerista sa social media, posibleng magpakitang-gilas ang matulin sa largahan na si Senshi Spirit na sasakyan ni former Philippine Sportswriters Association, (PSA) - Jockey of the Year awardee Patricio Ramos Dilema.


Rerendahan ni jockey NC Lunar si Darleb, tiyak na naghahanda na ang mga ito para maging kondisyon sa araw ng karera. May regular races din ang pakakawalan ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) kaya tiyak na masisiyahan ang mga naglilibang na karerista sa araw ng Linggo.


Samantala, malalaman bukas kung sinu-sino ang opisyal na lineup sa nabanggit na event.

 

 
 

ni Green Lantern @Renda at Latigo | Enero 30, 2024


Makapigil-hiningang bakbakan ang napanood ng mga karerista matapos manalo ni Gameir Winner sa 3-Year-old Maiden na nilarga noong Linggo sa Metro turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas.

 

Nagmasid sa segundo puwesto si Gameir Winner, humarurot ang matulin sa largahan na si Feet Bell para hawakan ang bandera, habang nasa tersero-puwesto si Sunshine Jeune.

 

Mabilis ang pacing ni Feet Bell dahil tinutukan siya ni Gameir Winner kaya naman hindi sila nadikitan ng kanilang mga katunggali sa kalagitnaan ng karera at lalo pang lumayo.

 

Mas uminit ang aksyon sa unahan, bakbakang umaatikabo ang Feet Bell at Gameir Winner pagpasok ng huling kurbada kung saan ay lamang pa ng isang kabayo ang una.

 

Naglabas ng latigo si Mark Angelo Alvarez upang hatawin ang sinasakyan nitong Feet Bell sa rektahan.

 

Hindi naman nagpadaig si former Philippine Sportswriters Association, (PSA) - Jockey of the Year awardee Jonathan Basco Hernandez, pinitik din nito ng latigo ang Gameir Winner kaya naman bigla itong umigkas upang ungusan si Feet Bell at tawirin ang meta ng may isang kabayo ang agwat.

 

Inilista ng Gameir Winner ang tiyempong 1:28.2 minuto sa 1,400 meter race sapat upang sikwatin ang P22,000 added prize sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) ni Chairman Reli de Leon.

 

Segundo ang Feet Bell, tersero ang American Ford habang pang-apat ang Sunshine Jeune.

 

Naibulsa ng breeder ng winning horse owner ang P4,500 habang tig-P1,000 at P500 ang second at third ayon sa pagkakasunod. 

 


 
 

ni Green Lantern @Renda at Latigo | Enero 24, 2024


Tatlong kabayo ang sinakyan ni jockey Jonathan D. Flores ang nagwagi noong Linggo sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas.


Iginiya ni Flores si Princess Belle upang sungkitin ang panalo sa PHILRACOM Rating Based Handicapping System na nilarga sa unang karera.


Nasaksihan ng mga karerista ang husay sa pagdadala ni Flores nang magaan nitong itinawid sa meta si Princess Belle na nakalamang ng tatlong kabayo sa pumangalawang si Meet Me In Dcorner.


Umarangkada sa largahan ang matulin na si Meet Me In Dcorner at nakalamang ito ng anim na kabayo sa humahabol na si Lady Arya.


Nasa tersero puwesto ang Empire Ruler habang nanonood sa pang-apat ang Princess Belle.


Pagdating ng far turn ay lumapit na si Princess Belle kaya naman pagsungaw ng rektahan ay nakuha na ni winning horse ang bandera.


Hindi na nakaporma ang mga nakatunggali ni Princess Belle sa diretsuhan kaya mag-isa nitong tinawid ang finish line. Inirehistro ni Princess Bell ang tiyempong 1:30 minuto sa 1,400 meter race sapat upang hamigin ng winning horse owner na si Jonathan Santos ang P11,000 added prize.


Maliban kay Princess Belle ay naipanalo rin niya sina Signature Whiskey sa race 3 at Full Combat Order sa race 6.


Ang nasabing event ay suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) ni Chairman Reli de Leon kung saan ay nasa walong karera naman ang pinakawalan ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI).


 
 
RECOMMENDED
bottom of page