top of page
Search

ni Thea Janica Teh | January 7, 2021



Arestado ang tatlong magkakaibigan matapos mahuling nagbebenta ng marijuana sa isang buy-bust operation sa Novaliches, Quezon City nitong Miyerkules nang gabi.


Sa imbestigasyon ni Police Lt. Apolinario Aguinaldo, QCPD Station 10 SDEU Chief, nasa 22-anyos lamang ang mga lalaking naaresto. Kinilala ang dalawang suspek na sina “Dhendel” at “Joseph” na wala umanong trabaho at dati nang nakulong dahil din sa pagbebenta ng ilegal na droga.


Ang isa namang suspek na hindi pinangalanan ay isa umanong security guard. Sa isinagawang buy-bust operation, nakipagtransaksiyon umano ang mga pulis sa mga suspek sa Bgy. Gulod bandang alas-9 ng gabi.


Itinanggi pa umano ni “Dhendel” na kanya ang mga nasabat na droga. Nakumpiska sa tatlo ang 4 na bloke ng hinihinalang marijuana na nagkakahalaga ng P420,000.


Sa ngayon ay hawak na ng pulis ang tatlong suspek at nahaharap ang mga ito sa kasong Comprehensive Dangerous Drugs Act.


 
 

ni Lolet Abania | January 3, 2021




Dalawa ang namatay at apat ang nasugatan nang magliyab ang isang bus sa Fairview, Quezon City ngayong Linggo.


Ito ang kinumpirma ng Bureau of Fire Protection (BFP) ng Quezon City, kung saan isang pampasaherong bus ang bumabagtas sa Pearl Drive corner Commonwealth Avenue nang mangyari ang insidente pasado alas-12:00 ng tanghali.


Sa inisyal na ulat ng QC-BFP, ang nasawi ay si Amelene Sembana, konduktora ng nasabing bus at isang hindi pa nakikilalang lalaki. Apat naman ang nasugatan sa insidente.


Sa salaysay ng drayber ng bus na si Valentino Obligasion, 45-anyos, may isinaboy ang isang lalaking pasahero sa kanyang konduktora at pagkatapos ay sinindihan ito na naging dahilan ng pagliyab ng bus.


"May nakaaway po ‘yung konduktor na pasahero... Nu’ng nakita na lang po, tumatakbo na ‘yung konduktor ko, sinindihan siya nu’ng pasahero... Du’n na po nag-umpisa ang sunog," sabi ni Obligasion.


Ayon sa mga pasahero, nagkaroon ng pagtatalo ang konduktor at isang lalaking pasahero hanggang sa nagkainitan ang dalawa. Biglang binuhusan ng suspek ng hinihinalang gasolina na nakalagay sa maliit na botelya ang konduktor saka niya sinindihan ito.


Agad na binuksan ng drayber ang pinto nang magliyab ang loob ng bus subalit mabilis na kumalat ang apoy dahil sa mga plastic barrier.


Binasag ng ilang pasahero ang mga bintana para makalabas sa nasusunog na bus.


Idineklara namang fire out nang 1:20 ng hapon ang nagliyab na bus.


Patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad sa nangyari.

 
 

ni Lolet Abania | December 24, 2020




Isang siklista ang nasalpok ng bus sa kabubukas lamang na U-turn slot sa EDSA, malapit sa Quezon City Academy ngayong Huwebes.


Pansamantala munang isinara ang nasabing U-turn slot dahil sa aksidente.

"Na-cut po 'yung bus dahil sa may nag-u-turn, biglang lumusot 'yung nagbibisikleta... Hindi napansin ng bus. Lumusot po doon sa area na hindi puwedeng mag-u-turn, nasaktan po siya," ani Quezon City traffic chief Lester Cardenas.


Ayon kay Cardenas, agad na isinugod sa ospital ang siklista na hindi naman malubhang nasaktan. Hindi na nagbigay pa ng detalye ang opisyal tungkol sa insidente.


Pasado alas-10:35 ng umaga kanina, muling binuksan ang u-turn slot para sa mga motoristang bumibiyahe sa EDSA.


Maraming u-turn slots ang isinara dahil sa EDSA Busway Project. Partikular na nangyari ang aksidente sa u-turn slot na malapit sa Quezon City Academy na binuksan noong isang linggo upang mabawasan ang matinding traffic sa lugar dahil sa konstruksiyon ng isang busway sa pagitan ng Balintawak at Quezon Avenue.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page