top of page
Search

ni Lolet Abania | January 15, 2021




Sinalpok ang kotseng sinasakyan ni Boy 2 Quizon madaling-araw ngayong Biyernes sa Quezon City.


Isang van ang bumangga sa kotseng minamaneho ni Quizon na nangyari sa Quezon Avenue.


Gayunman, si Quizon at ang kanyang kasama sa sasakyan ay nagtamo lamang ng bahagyang sugat sa katawan.


Ayon sa inisyal na report, ang driver ng van ay nakatulog habang nagmamaneho. Patuloy na inaalam ng awtoridad ang nangyaring insidente.


 
 

ni Thea Janica Teh | January 9, 2021





Nakilala na ngayong Sabado ang pasaherong nasunog sa loob ng bus sa nangyaring insidente sa Fairview, Quezon City noong Enero 3.


Ayon kay Bureau of Fire Protection-Quezon Operations Fire Chief Inspector Joseph del Mundo, kinilala ang biktima na si Edwin Dejos, 49-anyos.


Sa imbestigasyon, napag-alamang si Dejos at ang konduktorang nasunog din na si Ameline “Amy” Sembrana ay dating live-in partners at may tatlong anak.


Sa kuwento ng mga kasamang pasahero, nag-away umano ang dalawa sa loob ng bus na naging sanhi ng pagsaboy ni Dejos ng gas kay Sembrana.


Sa ngayon, ayon kay del Mundo, wala pa ring kumukuha ng labi ni Dejos sa Rizalde Funeral Services sa Barangay Payatas, Quezon City dahil napag-alamang nasa Cebu ang mga kamag-anak nito.


Unang naging asawa ni Sembrana ang kakambal ni Dejos na matagal nang pumanaw. Naiwan ni Sembrana ang siyam nitong anak kasama ang kambal na isang taon pa lamang.

 
 

ni Lolet Abania | January 8, 2021




Dalawa ang kumpirmadong namatay sa sunog na naganap sa Quezon City ngayong umaga ng Biyernes, ayon sa Bureau of Fire Protection.


Base sa report ng BFP officials, isang 20-anyos na babae at 10-anyos niyang kapatid na babae rin ang nasawi sa sunog.


Sa inisyal na imbestigasyon, naganap ang sunog bandang alas-6:00 ng umaga sa isang bahay sa Matahimik Street sa Barangay Malaya ng nasabing lungsod.


Ayon sa BFP, umabot lamang sa unang alarma ang sunog at tumagal nang 30 minuto. Sa salaysay ng kapatid na lalaki ng mga biktima, natutulog ang mag-ate sa mezzanine ng bahay nila habang sa ibaba naman siya natutulog at kanilang tatay nang mangyari ang sunog.


Sinubukan pa niyang iligtas ang dalawang kapatid na na-trap sa itaas matapos mailabas ang kanilang tatay sa nasusunog na bahay, subalit lumaki na ang usok at apoy kaya hindi na siya makapasok.


Batay pa sa ulat ng BFP, apat lamang ang nakatira sa nasabing bahay. Patuloy na inaalam ng awtoridad ang naging dahilan ng sunog na nagsimula sa hagdan ng bahay.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page