top of page
Search

ni Jasmin Joy Evangelista | September 9, 2021



Nagpositibo sa COVID-19 ang 122 indibidwal sa isang orphanage sa Quezon City, ayon kay Mayor Joy Belmonte.


Sa isang panayam, sinabi ni Belmonte na 99 sa mga ito ay mga kabataan na nasa edad 18 pababa sa Gentlehands Orphanage sa Barangay Bagumbuhay.


Ayon kay Dr. Rolando Cruz, chief ng Quezon City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU), isa umanong tao ang bumisita sa lugar at hindi alam na siya ay positibo sa Covid dahil asymptomatic.


“Kailangang mapanatili ng mga ganitong closed long-term care facilities ang mahigpit na protocols dahil kahit isang kaso lang ang makapasok sa kanila ay madaling mahahawa ang lahat,” ani Cruz.


Samantala, sinabi naman ni Belmonte, “Mariin nating ipinapaala na ang hindi pagsunod o hindi pagpapatupad ng minimum public health protocols ay paglabag sa RA 11332. Dapat maging mahigpit ang ating persons in authority sa pagpapatupad nito para maiwasan natin ang pagkalat ng virus.”


Kasalukuyan na rin daw inaasikaso ng Quezon City LGU ang mga pangangailangan ng mga nagpositibo at buong pasilidad.


Isinasagawa na rin ang swab testing at contact tracing sa nasabing lugar.

 
 

ni Lolet Abania | August 30, 2021



Nagsagawa ng kilos-protesta ang maraming health workers mula sa St. Luke’s Medical Center (SLMC) sa Quezon City ngayong Lunes nang umaga dahil sa hindi pa pagbibigay ng kanilang COVID-19 benefits.


Tinatayang nasa 40 healthcare workers ang nagtipun-tipon sa labas ng SLMC sa Quezon City para hingin na ibigay na ang kanilang special risk allowance (SRA) at meal, accommodation, and transportation (MAT) allowance.


“Ang pakiusap namin sa publiko, humihingi kami ng suporta sa lahat kasi ‘yung ipinaglalaban namin dito, kapakanan din ng publiko,” ani SLMC QC Employees Association president Jao Clumia.


“‘Pag nawala na ‘yung ating mga healthcare workers, lalo na ‘yung mga nurses sa loob ng ospital… hindi kayo makakatapak diyan sa ER (emergency room), mamamatay kayo dahil wala na nga po, punuan na tayo,” dagdag niya.


Inaasahan din umano na ang mga health workers mula naman sa University of Santo Tomas (UST) Hospital at Lourdes Hospital ay magsasagawa rin ng katulad na protesta dahil sa hindi pagre-release ng kanilang benepisyo ngayong Lunes.

 
 

ni Lolet Abania | August 18, 2021



Idineklara ng lokal na pamahalaan ng Quezon City ang Agosto 19, 2021, Huwebes, na isang special non-working public holiday sa lungsod bilang pagdiriwang ng 143rd birth anniversary ng dating Pangulong Manuel Quezon.


Ayon sa city government, walang pasok sa lahat ng pampubliko at pribadong opisina sa siyudad sa nasabing araw.


Gayunman, magpapatuloy ang COVID-19 vaccination rollout ng Quezon City pati na rin ang pamamahagi ng cash assistance mula sa national government.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page