top of page
Search

ni Mai Ancheta @News | July 13, 2023




Tatapatan ng tatlong araw na tigil-pasada ng ilang transport groups ang ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa July 24.


Ito ang inianunsiyo ng grupong Malayang Alyansa ng Bus Employees at Laborers (MANIBELA).


Ayon kay Mar Valbuena, ang tatlong araw na tigil-pasada ay sisimulan sa July 24, 25 at 26 na dadaluhan ng kanilang mga miyembro mula sa Metro Manila, Calabarzon at Central Luzon.


Sinabi ni Valbuena na ito ang paraan nila para iparating kay Marcos ang hinaing ng kanilang sektor at mariing pagtutol sa PUV Modernization Program ng gobyerno.


Nababagalan aniya sila sa aksiyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa ipinangakong rerebyuhin ang franchising guidelines pero hanggang ngayon ay wala pa ring resulta.


"Hanggang ngayon naka-hang pa rin po tayo, pagdating doon sa mga ipinangako sa atin na rerebyuhin po 'yung franchising guidelines, hanggang ngayon nakatiwangwang ito," ani Valbuena.


Marami aniyang ibang grupo ang nagpahayag ng intensiyon na sumama sa tatlong araw na tigil-pasada.


Ang grupo ni Valbuena ay mayroong tatlong libong miyembro sa buong bansa.


 
 

ni Mabel Vieron @Overseas News | July 11, 2023




Pinuri ni Pangulong Volodymyr Zelensky ang Ukraine sa ika-500 araw ng pagsalakay ng Russia.


Inilathala ni Zelensky sa kanyang social media ang isang video clip ng pagbisita sa Snake Island sa Black Sea — simbolo ng pagsuway ng Ukraine laban sa Russia.


Dagdag pa, nananalangin umano si Zelensky para sa mga biktima ng digmaan kasama si Patriarch Bartholomew, ang pinuno ng world’s Orthodox Christiana, pagkatapos ng regional tour upang magbigay ng suporta bago ang North Atlantic Treaty Organization (NATO) sa susunod na linggo.


Naidokumento ng UN ang 9,000 civilian deaths mula nang magsimula ang digmaan noong Pebrero 24, 2022, kabilang ang 500 na mga bata.



 
 

ni Mylene Alfonso | July 6, 2023




Pinanatili ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., ang pangako nito na maingat na pamamahala sa pananalapi.


Ito ay sa pamamagitan ng Medium-Term Fiscal Framework (MTFF), na nagsisilbing blueprint ng pamahalaan upang mapababa ang fiscal deficit nang hindi nagdaragdag ng inflationary pressures.


Sa unang limang buwan ng 2023, ang deficit ng National Government ay P326.3 bilyon kung saan bumaba ng 28.9% kumpara sa parehong panahon noong 2022.


Kaugnay nito, bumaba umano ang inflation rate sa ikalimang magkakasunod na buwan noong Hunyo 2023 sa 5.4%, mula sa 6.1% noong Mayo at sa pinakamababang antas nito mula noong 5.4% na naitala noong Mayo 2022 sa ilalim ng pamahalaan ni Marcos.


Nabatid na ang June inflation rate ay nasa loob ng 5.3 hanggang 6.1 percent forecast range ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at napirmi sa ibaba ng median na pagtatantya na 5.5% ng mga pribadong analyst.


Ang patuloy na downtrend na ito ay pangunahin dahil sa mas mabagal na pagtaas ng pagkain at mga inuming hindi alkohol, transportasyon, at pabahay, tubig, kuryente, gas at iba pang mga panggatong.


Bumagal ang seasonally adjusted month-on-month (MoM) inflation sa 0.1 percent noong Hunyo 2023, mula sa 0.3 percent monthly rate noong nakaraang buwan.


"Maraming trabaho ang naghihintay upang epektibong ibalik ang inflation sa target at matiyak ang matatag na presyo. Ang pangkat ng ekonomiya ay handang harapin ang mga darating na hamon at ibaba ang halaga ng pamumuhay, habang pinapaunlad ang isang matatag na kapaligirang pang-ekonomiya na nakakatulong sa paglago at katatagan ng macroeconomic,” ani Finance Sec. Benjamin E. Diokno.


Patuloy na pinagsasama-sama umano ng gobyerno ang mga pagsisikap upang matiyak ang napapanahong pagsusuri ng demand at supply ng mga pangunahing bilihin sa pamamagitan ng Inter-agency Committee on Inflation and Market Outlook (IAC-IMO), na ginawang pormal at nilikha sa pamamagitan ng Executive Order No. 28, serye ng 2023.


Muli ring binuo ng Pangulo ang El Niño Task Force upang matugunan ang mga potensyal na epekto sa produksyon ng pagkain.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page