top of page
Search

ni Lolet Abania | September 29, 2021



Opisyal nang idineklara ni Senador Manny Pacquiao ang pagreretiro nito sa boksing. “To the greatest fans and the greatest sport in the world, thank you! Thank you for all the wonderful memories,” ani ng eight-division world champion sa kanyang post sa Twitter ngayong Miyerkules.


“This is the hardest decision I’ve ever made, but I’m at peace with it. Chase your dreams, work hard, and watch what happens. Goodbye boxing,” sabi pa ng 42-anyos na si Pacquiao. Tumagal ng 26 taon sa boksing si Pacquiao, kung saan nakapagtala ng record na 62-8-2 (has a win-draw-loss).


Sa 62 panalo, 39 dito ay nakamit niya via knockout. Ang huling nakalaban ni Pacquiao ay si Yordenis Ugas ng Cuba nitong Agosto, subalit natalo siya rito.


Una nang binanggit ng Pambansang Kamao na pinag-iisipan niya kung ipagpapatuloy pa niya ang pagboboksing o tatakbo sa pagka-pangulo sa 2022 national elections.


Kabilang sa mga tinalo ni Pacquiao ay mga tanyag na boxing legends gaya nina Juan Manuel Marquez, Marco Antonio Barrera, Erik Morales, Antonio Margarito at Oscar DeLa Hoya.

 
 

ni Lolet Abania | September 19, 2021



Tinanggap ni Senador Emmanuel “Manny” Pacquiao ngayong Linggo ang nominasyon ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban) bilang presidential candidate ng partido sa darating na 2022 national elections.


Hinirang si Pacquiao bilang opisyal na kandidato sa pagka-pangulo ng PDP-Laban faction, matapos na iboto ng maraming regional representatives ng partido sa ginanap na national assembly ngayong Linggo.


“Exciting ito dahil malaki ang posibilidad na mananalo tayo sa darating na halalan at ang tunay na PDP-Laban ang magpapatakbo ng gobyerno,” ani Senador Aquilino “Koko” Pimentel III, na nagsisilbing chairman ng partido.


Unang nagwagi sa senatorial seat si Pacquiao noong 2016 elections hanggang sa kasalukuyang termino at magtatapos sa 2022. Bago pa ang pandemya, kinokonsidera ang senador bilang top absentee mula Hulyo 2018 hanggang Hulyo 2019, kung saan wala siya sa 12 plenary sessions.


Siya rin ay naging top absentee sa House of Representatives mula Hulyo 2015 hanggang Hunyo 2016 na mayroong 22 absences, sa panahon ng pagsisilbi niya bilang Sarangani Representative.


Noong 2016, umani naman ng matinding kritisismo si Pacquiao matapos na ikumpara niya ang mga homosexuals sa mga hayop na batay aniya, sa kanyang religious beliefs.


Gayunman, agad humingi ng paumanhin si Pacquiao sa kanyang mga naging pahayag, subalit nananatili siya sa kanyang paniniwala laban sa same-sex marriage.


Samantala, inendorso ng opposing wing ng PDP-Laban faction na pinamumunuan naman ni Department of Energy Secretary Alfonso Cusi si Senador Christopher “Bong” Go bilang kanilang presidential candidate, at si Pangulong Rodrigo Duterte ang kanilang kandidato sa pagka-bise presidente sa darating na halalan.


Tinanggap ito ni Pangulong Duterte subalit tinanggihan naman ni Go, kung saan sinabi nitong hindi siya interesado na tumakbong pangulo. Sa halip, kinausap ni Go si Davao City Mayor Inday Sara Duterte para maging running mate ng anak ng Pangulo.



 
 

ni Lolet Abania | March 15, 2021





Tiniyak ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang kasalukuyang pagtaas ng bilang ng COVID-19 cases ay hindi na dapat na ipangamba ng publiko.


Sa kanyang weekly address to the nation ngayong Lunes, hiniling ni Pangulong Duterte sa mga mamamayan na huwag mawawalan ng pag-asa sa kabila ng pandemya ng COVID-19.


"Kaya natin ito, itong COVID-19. Maliit na bagay lang ito. Madami tayong nadaanan. Huwag kayong matakot, hindi ko kayo iwanan," ani P-Duterte.


Ito ang naging pahayag ng Punong Ehekutibo matapos na ang buong Metro Manila ay magpatupad ng curfew na sinimulan ngayong Lunes nang alas-10 ng gabi hanggang alas-5 ng umaga na tatagal ng dalawang linggo (March 15-March 31).


 
 
RECOMMENDED
bottom of page